Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
Manindigan Para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo

I. Ang Marxista-Leninistang Paninindigan ng Partido Laban sa Modernong Rebisyunismo

Mga Bigong Pagsisikap sa Pagtatayo ng Relasyon

Read in English Basahon sa Hiligaynon
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>

Armando Liwanag, Tagapangulo, Partido Komunista ng Pilipinas

Enero 15, 1992


Noong Hunyo 1988, ang "Sitwasyon ng Daigdig at ang Ating Linya" ay inilathala para palitan "Ang Kasalukuyang Sitwasyon ng Daigdig at ang mga Pangkalahatang Linya at Patakarang Internasyonal ng PKP." Ang wasto at positibong bahagi ng bagong dokumento ay idinidiin ang mga prinsipyo ng pambansang integridad, kalayaan, pagkakapantay-pantay, walang panghihimasukan at mutwal na tulungan at mutwal na benepisyo para patnubayan ang internasyonal na pakikipag-relasyon ng Partido; at itinaguyod ang mga saligang prinsipyo ng sosyalismo, anti-imperyalismo at proletaryong internasyunalismo at mapayapang pakikipamuhay bilang isang patakarang diplomatiko. Gayundin, tinukoy at nagbabala ito laban sa di-malusog na paglaganap ng sinisismo, antikomunismo, nasyunalismo, konsumerismo, superstisyon, kriminalidad at mga katulad nito sa mga bansang pinaghaharian ng mga rebisyunistang partido.

Ang negatibong bahagi ay kinapalooban ng pagtanggap nang walang pag-uusisa at pagendorso sa mga islogan ni Gorbachov; isinalarawang sosyalista ang mga rebisyunistang rehimen sa ilalim ng "pinababang" depinisyon; at ang diplomatikong pagsasantabi ng mga antirebisyunistang termino ng Partido.

Sa proseso ng pagsisikap na makapagtayo ng mapagkaibigang relasyon sa mga naghaharing rebisyunistang partido noong 1987 pataas, napag-alaman ng mga kinatawan ng Partido na si Gorbachov at ang kanyang mga rebisyunistang alipures ay nirereorganisa ang mga nasabing partido para pahinain at lusawin. Sa kabila ng ipinangangalandakang linya ni Gorbachov na hahayaang magpasya para sa kanilang sarili ang ibang mga naghaharing partido ng Silangang Europa, itinutulak sila ng mga ahenteng Sobyet na magrereorganisa, para palitan ng maka-Gorbachov ang mga maka-Breshnev sa iba't ibang antas at para maparalisa ang mga organisasyon ng Partido. Gayunman, noon na lamang 1989 magiging malinaw at walang-dudang ang mga naghaharing rebisyunistang partido at rehimen ay tumatahak na sa landas ng paglalansag-sa-sarili, lansakang pagpapanumbalik sa kapitalismo at diktadurang burges sa ilalim ng islogang "demokrasyang multipartido" at "mga reporma sa ekonomya".

Wasto na maghangad ang ating Partido ng mapagkaibigang relasyon sa anumang dayuhang partido o kilusan sa anti-imperyalismong batayan. Ngunit mali na tumungo sa anumang relasyong "praternal" na kinapapalooban ng pagtatakwil sa Marxista-Leninistang paninindigan ng Partido laban sa modernong rebisyunismo.

Kaugnay nito, dapat magpuna tayo sa sarili sa pagdadalawang-isip o pansamantalang paglihis sa antirebisyunistang linya ng Partido at pagsabak sa isang walang-saysay na ekspedisyon. Ang layunin ay makakuha ng mas malaking suportang materyal at moral para sa rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Filipino. Kahit ang nasabing layunin ay mabuti, makakapagpagaan lamang ito ngunit hindi makakapagbigay-katwiran sa paglihis sa wastong linya. Ito ay isang mayor na kamalian ngunit ito ay maiwawasto nang mas madali sa pamamagitan ng edukasyon kung ihahambing sa ibang mga kamalian maliban kung ang mga pang-ideolohiyang kalituhan tungkol sa mga kaganapan sa Unyong Sobyet at Silangang Europa ay hahayaang magpatuloy. Karamihan ng mga kasamang nakatalaga sa gawaing internasyunal ay sumusunod lamang sa maling linya mula sa itaas.

Ang pinakamalaking pinsala na idinulot nang naunsyami at nahuling panunuyo sa mga naghaharing rebisyunistang partido sa Unyong Sobyet at Silangang Europa ay hindi pa ang pagsasayang ng pagod at salapi kundi sa paglaganap ng mga maling kaisipan, tulad ng pagsasabing ang mga nasabing partido ay nananatiling mga sosyalista at ang tagumpay o kabiguan na makakuha ng tulong materyal sa kanila, lalo na ng mga mabibigat na sandata, ang magtatakda ng pagsulong o pagbahura at pag-urong ng rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas. Dapat matukoy na ang mga grupong Lava ay may mahusay na relasyon sa mga nasabing partido mula pa noong dekada sisenta ngunit ang lokal na rebisyunistang grupong ito ay maituturing lamang na walang-halagang tagasunod ng patakarang panlabas ng Unyong Sobyet at ng rehimeng Marcos.

Sa ngayon, dapat muling sariwain ng sentral na pamunuan at ng buong Partido ang matatag na pagsalig sa Marxismo-Leninismo at sa antirebisyunistang linya. Tayo ay nasa panahong nangangailangan ng malalim at may malayong pananaw na paninindigan sa proletaryong rebolusyon. Ito ay isang panahong maihahambing sa panahong ang mga klasikal na rebisyunistang partido noon ay nalansag at para bagang ang sosyalismo ay naging isang walang-saysay na pangarap at ang daigdig ay naging parang walang labang biktima ng imperyalistang panunupil at pagsasamantala. Ngunit ang panahong yaon kung tutuusin ay ang bisperas ng sosyalistang rebolusyon.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.