Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
Manindigan Para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo

III. Ang Proseso ng Kapitalistang Pagpapanumbalik



Read in English Basahon sa Hiligaynon
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>

Armando Liwanag, Tagapangulo, Partido Komunista ng Pilipinas

Enero 15, 1992


Ang mga rehimen nina Khrushchov, Breshnev at Gorbachov ay ang tatlong yugto sa proseso ng kapitalistang pagpapanumbalik sa Unyong Sobyet, isang proseso ng pagpapahina at pagwasak sa mga dakilang tagumpay ng proletaryado at mamamayang Sobyet sa ilalim ng pamumuno nina Lenin at Stalin. Sinaklaw din ng prosesong ito ang Silangang Europa.

Ang rehimeng Khrushchov ang naglatag ng pundasyon ng modernong rebisyunismong Sobyet. Ganap na pinaunlad ito ng rehimeng Brezhnev sa mas mahabang panahon at ginawa niyang monopolyong burukrata kapitalismo ang sosyalismo. At ang rehimeng Gorbachov ang tumapos sa gawain ng modernong rebisyunismo sa pamamagitan ng pagwasak sa mga huling labi ng sosyalismo at pagbuwag sa lahat ng mga sosyalistang maskara ng mga rebisyunistang rehimen sa Silangang Europa at sa Unyong Sobyet. Sa bandang huli, winasak niya ang Unyong Sobyet na itinayo at ipinagtanggol nina Lenin at Stalin.

Upang makapanumbalik ang kapitalismo kinailangang baluktutin ng mga rebisyunistang rehimeng Sobyet ang mga saligang prinsipyo ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon. Kinailangan nilang tumalunton sa mga yugto ng nakabalatkayong kontrarebolusyon sa loob ng 38 taon, 1953 hanggang 1991. Maituturing na isang sukatan ng kadakilaan nina Lenin at Stalin na ang kanilang nagawa sa 36 na taon ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon ay gumugol ng isa pang mahabang panahon na halos apat na dekada upang buwagin. Gumugol si Stalin ng kabuuang 20 taon sa sosyalistang konstruksyon. Ang mga rebisyunistang taksil ay gumugol ng mas mahabang panahon upang makapanumbalik ang kapitalismo sa Unyong Sobyet.

Sa nabanggit ding panahon, tusong ginamit ng mga rebisyunistang rehimen ang pag-atake kay Stalin upang atakihin ang mga pundasyon ng Marxista-Leninistang teorya at praktika at di naglaon, binatikos mismo si Lenin at ang buong tinakbo ng kasaysayang Sobyet at sa bandang huli'y winasak ang Unyong Sobyet. Sa kanilang matagalang kampanyang "de-Stalinisasyon" ay binuntunan ng sisi ng mga rebisyunistang taksil si Stalin. Ipinasa nila kay Stalin ang kanilang mga kasalanan at kabiguan kahit matagal na siyang patay. Halimbawa, pinalubha nila ang burukratismo para mapaglingkod sa kapitalistang pagpapanumbalik ngunit ang matagal-ng-patay na si Stalin ang kanila pa ring sinisisi.

Si Tito ng Yugoslavia ay may natatanging kabantugan bilang kauna-unahang tagapagtaguyod ng modernong rebisyunismo. Sa paglaban kay Stalin, lumihis siya sa mga saligang prinsipyo ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon noong 1947 at tumanggap siya ng suportang pampulitika at materyal sa Kanluran. Tumanggi siyang isagawa ang reporma sa lupa at kolektibisasyon. Pinanatili at itinaguyod niya ang burgesya sa pamamagitan ng burukrasya at pribadong empresa, laluna sa porma ng mga pribadong kooperatiba.

Para sa kanya ang susi sa sosyalismo ay hindi ang publikong pag-aari sa kasangkapan sa produksyon, pagpaplano sa ekonomya at higit na pagpapaunlad sa mga pwersa sa produksyon kundi ang kagyat na desentralisasyon ng mga empresa; ang tinatawag na sariling-pangangasiwa ng mga manggagawa na sa aktwal ay pinagsanib na burukratismo at anarkiya sa produksyon; at ang operasyon ng malayang pamilihan (kabilang ang mga inangkat na mga produkto mula sa mga Kanlurang bansa) sa kalagayan ng umiiral noong antas at tigil na produksyon. Siya ang kauna-unahang pinuno ng estado na gumamit kay Lenin laban kina Lenin at Stalin sa pamamagitan ng maling pagturing sa Bagong Patakarang Pang-ekonomya ni Lenin bilang pinakamodelo ng sosyalistang pang-ekonomyang pagpapaunlad.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.