Komite Sentral, Partido Komunista sang Pilipinas
Hulyo 1992
Ang mga Sentral na Organong Namumuno at Istap
Sa mahaba nang panahon, walang naidaos na Kongreso ng Partido.
Gayunman, ang pagkukulang na ito napunuan ng pagdaraos ng mga pulong
plenaryo ng Komite Sentral. Sa kasaysayan ng ibang partidong nasa
maigting na armadong pakikibaka, ang matatagal na patlang sa pagitan ng
mga kongreso ng partido nangyayari bunga ng mga sukdulang kahirapang
dulot ng kaaway. Ang nagpapatuloy na patlang sa ating kaso, sa anu't
anuman, hindi pangkaraniwan at kailangang lutasin. Maging ang mga
pulong plenaryo ng Komite Sentral pwede sanang mas madalas na
naidaos laluna sa mga partikular na pagkatataong may hinaharap na
malalaking usapin sa pakikibaka o di kaya'y pagbabago sa sitwasyon na
may pangkalahatan at matagalang kabuluhan.
Pero higit na mas nakakabahala kaysa mahabang patlang sa
Kongreso ang tunguhin ng ilang elemento, mula pa maagang bahagi ng mga
taong 1980, na magsantabi at lumihis sa mga batayang prinsipyo at
tuntuning pang-organisasyon na itinakda ng Saligang Batas at Programa
ng Partido. Ang pagkaantala sa pagdaraos ng Kongreso pwedeng ituring
na may bahaging nakabuti rin, sa puntong ang mga batayang prinsipyo
nanatiling buo at maaari pang muling pagtibayin ng mga proletaryong
rebolusyonaryong kadre.
Magiging isang ganap na kapahamakan ngayon kung, sa isang
Kongreso ng Partido noong bandang mga taong 1980, nagtagumpay ang ilang
elemento sa pagtanggal sa Saligang Batas at Programa ng Partido ng
pagsusuri sa lipunang Pilipino, kritikang anti-rebisyunista at teorya
ng digmang bayan. Sa katunayan, ang mga batayang dokumentong ito ang
sinanggguni ng sentral na pamunuan noong 1985 sa pagtatanggol sa linya
ng Partido laban sa mga pagsisikap na itulak ang linya ng pagpapabilis
ng tagumpay militar sa pamamagitan ng kumbinasyon ng adelantadong
pinalaking mga armadong pormasyon at armadong insureksyong lunsod. Ang
balintuna nito, nagbubunga na noon ng kapahamakan ang maling linyang
ito ngunit mataas pa ang reputasyon ng mga nagtutulak nito base sa mga
pansamantalang tagumpay ng kanilang mga opensibang militar sa isang
pangunahing isla noong 1981-83.
Sa anu't anuman, may isa pang di-maikakailang matagal nang di
pagsunod sa Saligang Batas ng Partido. Ang tanggapan ng Pangkalahatang
Kalihim, na inoobliga ng Saligang Batas, halos binuwag na. Hindi
maaaring buwagin ng anumang namumunong organo ang tanggapang ito na
itinakda ng Saligang Batas na tagapamahala sa araw-araw na mga usaping
administratibo at kalakaran para sa sentral na pamunuan.
Sa halip, binuo ang istrukturang umiinog sa mga komisyong
nakatuon sa mga pangunahing linya ng gawain. Isang resulta nito ang
tuluy-tuloy na pagluwag ng pagsubaybay sa at paghina ng mga saligang
gawain sa organisasyon at edukasyon ng Partido, bagay na lalo pang
lumaganap sa buong Partido nang ipatupad ang katulad na istruktura sa
mga rehiyon.
Isa pa ang sobrang pagdami ng mga sentral na organong istap na
tuwirang nakapailalim sa Komite Sentral sa pamamagitan ng Komiteng
Tagapagpaganap. Layunin ng mga ito ang pagtulong sa sentral na pamunuan
(Komite Sentral, Kawanihang Pampulitika at Komiteng Tagapagpaganap) at
hindi ang hadlangan, pagurin o balewalain ito.
Pero dahil umabot hanggang sa puntong ang mga sentral na
organong istap na ito nagtatamasa ng papalaking awtoridad at
kapangyarihan, kumikilos na silang awtonomo na mag-isang nakapagpapasya
tungkol sa mga patakaran, nang walang naunang pahintulot ng sentral na
pamunuan; nakapagpapakalat ng diumano'y mga papel sa oryentasyon,
estratehiya, programa at patakaran sa anyo ng mga burador; at gumagawa
ng mahahabang pulong, mahahabang papel at mga isyu ng kontrobersiya sa
ibang organong istap (hal., NOC laban sa NUFC tungkol sa mga islogan at
mga proseso sa organisasyon) at sa mga nakabababang namumunong organo
(NOC laban sa Maynila-Rizal tungkol sa isyu ng pambansa-demokratiko o
sosyalistang oryentasyon ng kilusang manggagawa). Ang mga kontrobersyal
na isyu at dokumento pana-panahong itinatambak sa mga sentral na
pamunuan, o di kaya ang huli naoobligang maghabol sa kanila.
Inaako ng sentral na pamunuan ang responsabilidad sa ganitong
burukratikong kalagayang bumibiktima sa kanya. Bilang bag-as ng sentral
na pamunuan sa araw-araw, ang Komiteng Tagapagpaganap kailangang
maglabas ng mga napapanahong pahayag tungkol sa mga mayor na isyung
pampubliko, pambansa o pandaigdig; kagyat at mapagpasyang lumutas sa
mga suliranin; magpatakbo ng mga sentral na organong istap sa
pamamagitan ng maiikling sulat ng instruksyon o mga direktiba;
magpanumbalik sa Pangkalahatang Kalihiman para mangasiwa sa araw-araw
na mga usaping administratibo at kalakaran; at magbawas sa iba pang
sentral na organong istap, maglinaw sa mga hangganan ng mga tungkulin
ng mga organong istap, magwasto sa istilo ng paggawa ng mga ito,
maglipat sa kanayunan ng mga organong istap na kinakailangang pumirme
doon at magpadala sa mga rehiyon at kanayunan ng labis na tauhang-istap
na nakabase sa kalunsuran, lalo na iyong mga nasa listahan ng mga
hinahanap ng kaaway.
Tuwing may mahalagang pagkakaiba sa pananaw o may lumilitaw na
kontrobersya sa pagitan ng mga organong istap o sa pagitan ng isang
organong istap at isang nakabababang organo, ang isyu kailangang
maagap na iulat sa Komiteng Tagapagpaganap at hindi dapat pinatatagal o
pinanganganak ng mahahabang pulong, mahahabang papel at kaguluhan sa
gawain. Kung ang Komiteng Tagapagpaganap at ang mga ehekutibong opisyal
nito inaasahang gumawa ng napapanahong mga gabay, pahayag at
direktiba, ang mga sentral na organong istap at nakabababang namumunong
organo dapat ding gumagawa ng mga napapanahong ulat at
rekomendasyon.
Ang mga komisyon sa teritoryo inisip sa simula na magiging
mga administratibong organong sumasaklaw sa ilang rehiyon. Noong 1985,
ang mga ito itrinansporma ng ika-9 na plenum ng Komite Sentral sa
pinakamataas na organong gumagawa ng patakaran sa kani-kanilang saklaw,
pero tinukoy ring ang mga komisyon dapat magpadulas ng daloy ng mga
ulat mula sa mga komite sa rehiyon tungo sa Komiteng Tagapagpaganap ng
Komite Sentral. Sa praktika, umunti nang umunti ang mga ulat mula sa
mga rehiyon at ang Komiteng Tagapagpaganap napagsarhan sa mga
rehiyon sa iba't ibang paraan.
Ang mga komisyon sa teritoryo hinihirang at dapat
magtrabaho bilang mga organong istap. Dapat nilang ayusin ang
napapanahong palitan ng komunikasyon sa pagitan ng Komiteng
Tagapagpaganap at ng mga komite sa rehiyon. Pwedeng magbigay sila ng
nararapat na paunang liham, pati mga rekomendasyon, para sa KT pero
hindi nila maaaring agad-agad na ipalagay na pwede silang gumawa ng mga
desisyon sa ngalan ng anumang nakatataas na organo hinggil sa
mahahalagang isyu na sangkot ang kwestyon ng pagtalima sa linya ng
Partido o hindi.
Kailangang tinitiyak ng mga sentral na namumunong organo, ng
Komisyong Militar at ng organisasyon ng Partido sa loob ng Bagong
Hukbong Bayan, na walang kumand ng hukbo na nagsasantabi sa
estratehikong linya at sa mga kumprehensibong rekisito ng digmang
bayan. Kahit ang pangkalahatang kumand ng Bagong Hukbong Bayan hindi
pwedeng gumawa ng mga dokumento at kumperensya sa estratehiya na
taliwas o lihis sa estratehikong linya ng digmang bayan. Ang absolutong
pamumuno ng Partido nangangahulugang ang Partido ang nagpapasya sa
linya at bumabalanse nang mahusay sa disposisyon ng mga kadre at
rekurso ng Partido at tumitiyak sa papalaking partisipasyon at suporta
ng mamamayan.
Hindi kailanman dapat "maiiwan" na lang ang Partido at ang
masa para humabol sa diumano'y mga "independiyente at hiwalay" na
inisyatiba ng anumang kumand ng hukbo sa anumang antas. Ang problema'y
hindi dahil sadyang mabagal ang pamunuan ng Partido, kapag ang mga
inisyatibang lihis sa estratehikong linya umuubos ng mga kadre at
rekurso sa adelantado at di-masusustineng malalaking pormasyon at istap
militar. Ang Partido at masa hindi kailanman makakahabol sa linyang
lumalamon ng mga kadre at rekurso sa isang makitid na paraan at
humahantong sa biglaang pagkabawas ng baseng masa at kapinsalaan sa
lahat ng larangan ng gawain. Palagiang tungkulin ng mga kadre at kasapi
ng Partido na igiit ang mga batayang prinsipyo at ipatupad ang wastong
linya sa halip na bumuntot sa maling linya. Ang konsepto ng hiwalay na
istrukturang militar hindi rin dapat pahintulutang tumungo sa
pagpawi ng mga kolektibo at buhay ng Partido sa anumang antas ng
hukbong bayan.
May mga elemento sa mga organong istap at mga namumunong
organo rin na nakabase sa Metro Manila at iba pang syudad na kumikiling
sa labis na pagpapalaki sa halaga ng kanilang gawaing lunsod gawa ng
pagkahaling sa linyang insureksyunista bilang pangunahing paraan ng
pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika kahit ano pa ang antas ng
pag-unlad ng digmang bayan at hukbong bayan. Ang praktikal na resulta
nito ang pagkaunti ng mga kadre ng Partido na may pinag-aralan,
kasanayang propesyunal at teknikal na handang maglingkod sa mamamayan
sa kanayunan at sumanib sa hukbong bayan.
Ang masang magsasaka at ang kanayunan kapag umaasa lang sa
sarili hindi makapagpapalitaw ng ganitong mga kadre. Kung hindi
makapagbibigay ng ganitong mga kadre ang kalunsuran, ang digmang bayan
at hukbong bayan hihina at guguho; at ang mga ligal na progresibong
organisasyong masa at mga armadong partisano sa syudad magiging
pipitsuging target ng kaaway. Ang mga paglabag sa partikular na linya
ng pangunahi'y ligal at depensibong katangian ng pakikibakang lunsod
pwedeng mag-udyok ng pagsalakay ng kaaway sa napakabulnerableng mga
ligal na demokratikong organisasyong masa at pati mga lihim na organong
istap. Kung walang mga larangang gerilya at baseng masa sa kanayunan,
kung saan pupunta at magpapatuloy ng rebolusyonaryong gawain ang mga
kasamang tubong-syudad kapag hindi na sila epektibong makakilos sa
kalunsuran?
Ang konsepto ng armadong insureksyong lunsod kailangang
hindi na gamiting katwiran sa pagkakait ng mga kadre sa kanayunan at
pagpabor sa mga yunit ng armadong partisano sa syudad at mga organong
istap na nakabase sa kalunsuran; o sa labis na pansin sa pagrekluta sa
mga yunit ng armadong partisano sa syudad ng mga elementong "matapang"
o "lantad na" na kaduda-duda naman ang komitment sa pulitika.
Samantalang ang mga sentral na organong istap nagtatamasa
ng sobrang awtonomiya, na ang ilan nga hanggang sa halos
nagsasariling kaharian na, at ang mga nakabababang namumunong organo
nagtatamasa ng di mapag-aalinlanganang pampulitikang awtoridad sa
kani-kanilang saklaw, may maling kaisipan namang itinataguyod ang ilang
elemento na nagkakait sa Komiteng Tagapagpaganap ng pampulitikang
awtoridad at gustong gawin itong tagapagpatawag na lamang ng mga pulong
ng Kawanihang Pampulitika ng Komite Sentral.
Ang palagay na ikinakalat ng isang elemento na wala nang KT o
walang pampulitikang awtoridad ang KT walang ibang ibubunga kundi
ang pagpapahina sa sentro ng Partido at pagsusulsol sa mga tunguhing
kanya-kanya gaya ng mga nagsasariling aksyon ng ilang namumunong kadre
at ilang sentral na organong istap, na lampas sa kanilang awtoridad at
labag sa mga sentral na patakaran at desisyon.
Ang bag-as ng sentral na pamunuan ng Partido sa araw-araw
ang Komiteng Tagapagpaganap. Maaari itong gumawa ng mga desisyon,
alinsunod sa mga batayang prinsipyong nasa Saligang Batas at Programa
at mga patakaran at umiiral na pasya ng mga nakatataas na namumunong
organo. Humahawak ito ng responsabilidad at umaako ng mga risgo sa loob
ng balangkas na ito. Kung walang bag-as ng sentral na pamunuan sa
araw-araw, kung ang Komiteng Tagapagpaganap at ang mga upisyal nito
walang pampulitikang awtoridad at karapatang magpasya sa pagitan ng mga
pulong ng anumang nakatataas na namumunong organo, ang Partido
mawawalan ng ulo at utak na gumagana sa araw-araw.
Kung wala ang araw-araw na pampulitikang awtoridad ng Komiteng
Tagapagpaganap, maaaring samantalahin ng ilang elemento (pati ng
kaaway) ang mga patlang sa pagitan ng mga pulong ng Kawanihang
Pampulitika at Komite Sentral. Sinumang manggugulo pwedeng
magpumilit na kumakatawan sa KP o KS, para ipalaganap ang mga desisyon
ng KP o KS batay sa sarili niyang kakaibang pananaw at gumawa ng
anumang kalokohang labag sa linya ng Partido, dahil ang KP, KS o ang
Kongreso hindi pa nakasesyon.
Dapat unawaing may serye ng pagpapakatawan ng mga
kapangyarihan mula sa pangkalahatang kasapian ng Partido, tungo sa
Kongreso, tungo sa Komite Sentral, tungo sa Kawahihang Pampulitika at
tungo sa Komiteng Tagapagpaganap; at serye ng responsabilidad mula sa
nakabababang organo/mga organo, tungo sa mga nakatataas na organo/mga
organo at organisasyon/mga organisasyon. Ang Komiteng Tagapagpaganap
tinutukoy pa ng Saligang Batas ng Partido na isang tuwirang organo ng
Komite Sentral. Nakatataas ito sa sinumang indibidwal, anuman ang
kanyang ranggo, bagama't nakapailalim ito sa KP, KS at sa Kongreso.