Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
LIWAT NGA PALIG-UNON ANG ATON NGA MGA SANDIGAN NGA PRINSIPYO KAG TADLUNGON ANG MGA KASAYPANAN

I. Sa Patag sang Pulitika



Read in EnglishBasahin sa Pilipino

Komite Sentral, Partido Komunista sang Pilipinas
Hulyo 1992


Pagpapatibay Muli ng Pamumuno ng Partido sa Hukbo

Kailangang pairalin ng Partido ang absolutong pamumuno sa hukbong bayan sa pamamagitan ng tamang pagtatalaga ng mga kadre ng Partido. Ang pamunuan ng Partido sa loob ng kumand ng hukbo hindi dapat pahintulutang magdeklara ng pagkilala sa kumprehensibong pamumuno ng Partido at sa kabilang banda'y lumarga sa pagkuha ng lahat ng inisyatiba sa pagtatayo ng "hiwalay" na istruktura at sumunggab para sa istap militar ng lahat ng kadre ng Partidong naaabot nito. Hindi dapat "naiiwan" nang gayon na lang ang Partido at pagkatapos pagsasabihan pang humabol na lang sa pagbubuo at pagkokonsolida ng baseng masa, gayong naunahan na ito ng hukbo sa paghakot sa mga tauhan at rekurso. Kailangang kunin ng Partido ang inisyatiba sa tamang pagtatalaga ng mga kadre at rekurso at hawakan nang buo ang kumand sa hukbong bayan.

Dapat iwasto ang napakaaga at labis na pagsentralisa ng pamamatnugot at koordinasyon sa matataas na antas at kaugnay nito, mas palakasin ang tuwirang pamumuno ng mga komite sa teritoryo ng Partido sa organisasyon at mga yunit ng hukbo sa kani-kanilang saklaw at antas. Ang napakaaga at labis na sentralisasyon ng pamamatnugot na isang sangkap ng "regularisasyon" at bertikalisasyon nagkakait sa mga yunit gerilya ng pleksibilidad, nag-eengganyo ng pagsagasa sa mga kunsiderasyong pulitikal at mga kundisyong lokal, at humahantong sa mas madalas na pagkakamali ng husga hindi lamang sa mga usaping pulitikal kundi maging sa mga usaping militar. Dapat itigil ang gawi ng ilang nakatataas na kumand ng hukbo na lumalaktaw sa mga komite ng Partido sa rehiyon at tuwirang nag-aatas ng disposisyon at misyon sa mga pangunahing pormasyong "regular". Dapat ding itigil ang patakarang nagtuturing na sona ng digma ang lahat ng saklaw ng mga larangang gerilya, na nagbibigay ng lisensya sa mga kumand ng hukbo at mga pangunahing yunit ng hukbo na lampas-lampasan ang mga lokal na komite ng Partido at hindi isaalang-alang ang mga kundisyon, kunsiderasyon at planong pulitikal sa pagbubunsod ng mga aksyong militar.

Sa loob ng mga yunit ng hukbo dapat palakasin ang papel at pamumuno kapwa ng kumander militar at upisyal pampulitika; dapat patuloy na pahigpitin ang kanilang pagtutulungan para sa lahatang-panig na pag-unlad ng mga yunit ng hukbo. Kailangang tiyakin ang karampatang kapangyarihan ng kumander militar laluna sa mga sitwasyong militar habang pinalulusog at pinalalakas ang kolektibong pamumuno ng Partido sa yunit ng hukbo. Dapat iwasan ang tendensyang labis na idiin ang kapangyarihan ng kumander at paliitin ang papel ng komite, sangay o grupo ng Partido sa mga yunit ng hukbo.

Mayroong ilang kaso ng labis na pagdidiin sa linya ng kumand at awtoridad ng hukbo na umaabot sa halos paglusaw ng kolektibong pamumuhay at nagkakait sa mga kasapi ng Partido sa loob ng hukbo ng kanilang karapatang lumahok sa mga kolektibon diskusyon tungkol sa mga patakaran at mga usapin sa ideolohiya, pulitika, organisasyon at militar. Mayroon ding mga kaso sa matataas na antas ng kumand na gumagawa at nagpapatupad ng mahahalagang desisyon at operasyong hindi isinasangguni o tahasan pang inililingid sa kaalaman ng mga kinauukulang komite ng Partido at iniuulat lamang kapag tapos na ang lahat.

Dapat iwasto ang ganitong mga paglabag sa absolutong pamumuno ng Partido sa hukbo. Dapat tiyakin sa lahat ng pagkakataon na ang hukbo kumikilos alinsunod sa linya ng Partido at sa mga kumprehensibong patakaran, plano at prayoridad at wastong timbangan ng mga gawaing militar at gawaing pampulitika na itinatakda ng mga namumunong komite ng Partido sa iba't ibang antas. Ang mga gawain sa ideolohiya, pulitika at organisasyon para tiyaking umiiral at malakas ang pamumuno ng Partido sa hukbo dapat matamang asikasuhin sa tuwina.

Maling magmantine ng malalaking pormasyon na absolutong nakakonsentra kahit na ang mga ito wala sa mga opensibang taktikal o mga ehersisyong pagsasanay. Ang hukbong bayan kailangang hawakang parang lambat na tinitipon kapag makikipaglaban sa pwersang kaaway na makakayang talunin; at ihinahagis nang palapad upang umasikaso sa gawaing masa at iba pang tungkulin kapag hindi nakikipaglaban.

Batay sa dami ng armas na hawak ng BHB, mas makabubuting ipahawak sa kumand sa rehiyon ang isang kumpanyang tatayo bilang sentro de grabidad ng hukbo sa buong rehiyon. Kapag hindi nakikipaglaban, ang kumpanyang ito dapat nasa relatibong konsentrasyon na ang platung panghimpilan nakatalaga sa saklaw ng ilang baryo at ang mga iskwad ng ibang platun kayang umabot sa mas malawak na saklaw sa pamamagitan ng mas maraming baryong nakatoka sa bawat iskwad. Ang kumpanyang ito maaaring lumaban at tumupad ng iba pang tungkulin, magpalipat-lipat ng mga larangang gerilya para mag-opensiba o tumupad ng iba pang tungkulin, nang kasanib o kakoordina ang mas marami at mas nakakalat na mga yunit gerilyang panlarangan at lokal.

Mas makabubuting paramihin ang mga larangang gerilya na may mga platun bilang pangunahing pwersa at mga iskwad at kalahating-iskwad na nakakalat sa mas malawak na saklaw para sa gawaing masa. Ang layuning dapat kamtin ang malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya sa buong bansa. Dapat paduguin ang halimaw sa libu-libong sugat.

Maling sabihing sapat na ang bilang ng mga larangang gerilya at ang layunin na ang bertikalisasyon ng armadong lakas sa iilang malaking pormasyon. Ito panggigipit sa sarili. Pagpapatihulog ito sa tipo ng gyerang gusto ng kaaway na pasukan natin dahil pwede niyang talunin tayo sa kanyang digmang mabilisang pinagpapasyahan at gradwal na konstriksyon, na nakasalalay sa kanyang superyor pang mga pwersang militar. Masikhay na gawaing masa at pakikidigmang gerilya pa rin ang ating linyang pampanalo sa yugtong ito ng ating digmang bayan. Inilalatag ng mga ito ang pundasyong palapad para sa bertikal na pag-unlad ng hukbong bayan sa tamang panahon.

Sa harap ng mga brigada at batalyong itinatalaga ng kaaway, gamitin natin ang batas ng kontradiksyon sa ating pakikidigma. Ang kaaway hindi laging nasa solidong malalaking pormasyon. Ang kalupaang maburol at mabundok sa kanayunan at ang kapuluan obhetibong naghahati sa kaaway. Walang malaking pormasyon ng kaaway na hindi naghahati sa sarili ayon sa iba't ibang tungkulin at hindi naglalantad ng baha-bahagi niya para sa pag-atake natin. Sa halip na sumuong sa landas ng tiyak ng pagkatalo sa pamamagitan ng pagtatangkang tapatan ang malalaking pormasyon ng kaaway, kailangang gamitin natin ang mga taktikang gerilya para itulak ang pwersa ng kaaway na hatiin ang sarili at di-sadyang hainan tayo ng bahagi at iba pang mga bahagi na pwede nating lipulin.

Saanman hindi pa natin makakayang matagumpay na lusubin ang isang kampo, dapat maghanap tayo ng tagumpay sa pagtambang sa bahagi ng kaaway na kaya nating lipulin sa daanan. Saanman hindi pa natin makakayang lumipol ng mga tropang regular ng kaaway, makakahanap tayo ng tagumpay sa paulit-ulit na pag-agaw ng armas mula sa mga yunit ng pulis at paramilitar sa pamamagitan ng mga naangkop na operasyon.

Maling sabihing lipas nang mga taktika ang pag-akit sa kaaway na pumasok sa kaloob-looban, ang hayaan siyang magpaikot-ikot na bulag at bingi, at ang pasuntukin siya sa hangin kapag hindi tayo pwedeng lumaban at manalo sa dahilan lamang na mas paigting nang mas paigting ang ating digmang bayan habang mas umaabante tayo. Magagamit ang mga ito kahit sa anumang yugto ng ating digmang bayan. Ang linyang pampanalo ang lumaban lamang sa mga sagupaang kaya nating ipagwagi. Ang linyang pampatalo ang maglitaw ng mga malaking ulo o maghangad ng sobra sa kaya. Isa pang linyang pampatalo ang umiwas kahit sa mga labanang kaya nating ipanalo. Sa lahat ng panahon, ipinapalagay na ubos-kayang pinalalawak at kinokonsolida ang baseng masa.

Hindi pwedeng pahinugin sa pilit ang pag-igpaw sa antas ng regular na pakikidigmang makilos nang hindi isinusubo ang ating sarili sa walang katuturang paggasgas sa hukbo at baseng masa o di kaya'y pagpapatiwakal sa pamamagitan ng wala sa panahong pagsugod sa mga estratehikong mapagpasyang labanan. Ang pag-igpaw sa regular na pakikidigmang makilos isang estratehikong pag-igpaw na kinakailangan ng yugtu-yugtong paghahanda at pag-iipon ng kinakailangang lakas at kakayahan ng Partido, baseng masa, mga reserba at lohistika sa mataas na antas at mataas na antas din ng panghihina at disintegrasyon ng kaaway, na may kaukulang pagsasaalang-alang sa iba pang mahalagang salik sa loob at labas ng bansa. Maging ang pakikidigmang gerilya na nagpapaunlad ng mga rekisito at naglalatag ng mga kundisyon para sa regular na pakikidigmang makilos sa hinaharap dadaan sa mga yugto mula sa simple at mababa tungo sa mas kumplikado at mas mataas.

Ang pagwawasto sa "regularisasyon" at adelantadong bertikalisasyon ng hukbo dapat magtuloy sa pagpapanibagong-lakas at pagpapahusay sa kalidad ng gawaing masa at pagbubuo ng baseng masa sa kanayunan. May malaking kagyat na gawain sa pagpapalawak ng mga larangang gerilya at pagbawi sa mga naiwanang lugar, kaalinsabay ang pagharap agad sa paglutas ng mga problema sa konsolidasyon na natabi sa sekundaryong pusisyon mula nang "regularisasyon" at "pagtataas ng antas ng digma". Kailangan ang pagsapol at pagpapatupad sa solidong pag-oorganisa, wastong balanse ng pagpapalawak at pagpapatatag, antipyudal na linya sa uri, tuluy-tuloy na gawaing edukasyon at propaganda, at pagsusulong ng iba't ibang tipo ng kampanyang masa.

Kailangang samantalahin ang higit na pagluwag sa mas malalawak na bahagi ng kanayunan habang ikinokonsentra ng kaaway ang kalakhan ng kanyang pwersa at rekurso sa pagsalakay sa mas kaunting prayoridad na target ng Lambat-Bitag II. Pero dapat matutunan nating umangkop at magpursigi't magpaunlad sa gawaing masa kahit sa mga sitwasyon at saklaw na mas maigting ang pakikipaggitgitan sa kaaway. Hindi natin pwedeng iwanan o pabayaan basta ang mga bahaging mas matao, nasa mga linya ng transportasyon, komunikasyon at suplay, at importante sa pag-ugnay at pakikipagtulungan sa kilusan sa kalunsuran dahil lamang mas naaabot o mas binabantayan ng kaaway. Kailangang magpakahusay tayo, kung gayon, sa pagkukumbina, ayon sa mga pagbabagu-bago ng sitwasyong militar at mga partikularidad ng mga lugar (liblib at mabundok, mas mababa at patag, o tabi ng mga poblasyon at haywey), ng mga organisasyon at pakikibakang lihim at hayag, iligal, malaligal at iligal, tradisyunal at di-tradisyunal, gayundin ng mga pakikibakang armado at di-armado—para mamantina hanggang maaari ang ugnay, paggabay at pagpapaunlad sa kilusan at baseng masa.

Isang matagal nang problema sa ating gawaing masa ang maliit na kasapian ng mga organisasyong masa; sa maraming lokalidad, ang umiiral lamang na organisasyon ng mamamayan ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika o katulad ng mga ito. Kailangang resolbahin natin ang problemang ito sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, bata at mga aktibistang pangkultura nang lubusan hanggang sa abot ng kakayanin. At kailangan nating paunlarin ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika na suportado ng mga komiteng umaasikaso sa mga organisasyong masa, edukasyon, depensa, reporma sa lupa, produksyon, pinansya, kalusugan, arbitrasyon, usaping pangkultura at iba pa. Pwedeng manggaling ang mga ito sa mga organisasyong masa.

Sa pag-oorganisa sa masa, kailangan iwasan din ang napakaagang bertikalisasyon at bigyang-diin ang palapad na pagpapalakas sa mga antas ng baryo at munisipalidad. Samantalang kumikitid at nagiging mas buhaghag ang latag ng mga organisasyong masa sa mga batayang antas, mayroong tendensya nitong nakaraang ilang taon na itulak pa ang pagbubuo ng mga istruktura ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at samahang masa sa antas ng distrito at mas mataas pa at hatakin pa ang maliit na bilang ng kadre sa mga gawain sa pangangasiwa, koordinasyon at mga pormal na proseso ng organisasyon sa mga naturang antas.

Mahigpit na pangangailangang organisahin ang masa. Pero hindi sapat ang pagiging organisado. Kailangang magbunsod ng mga kampanyang masa. Sa pamamagitan ng mga ito, mapauunlad ng masa ang sarili nilang kapangyarihan, makagagawa sila ng mga pagbabago para sa sarili nilang kapakanang panlipunan at ekonomiko, at makatututol at makabibigo sila sa mga atake ng kaaway sa pamamagitan ng mga di-armado at armado, hayagan at sikretong pamamaraan.

Ang susing kampanya para sa benepisyo ng masang magsasaka ang kampanya para maipatupad ang minimum na reporma sa lupa at maiangat ang produksyon. May ilang elemento na wala pang gaanong nakakamit sa pagpapatupad ng minimum na reporma sa lupa pero gusto nang ipatupad ang maksimum na programa ng kumpiskasyon ng mga lupain, udyok ng paghahangad na magpaputok agad ng mga pag-aalsang magsasaka o di kaya'y ng pagkukumahog na kunin ang suporta ng masa para sa mas mataas na antas ng digma. Sobra pa sa sapat ang mga negatibong karanasan natin sa ganitong tipo ng paghahangad ng lampas—sa pagtatangkang kamtin ang hindi pa kaya.

Maipatutupad ang mga elemento ng maksimum na programa laban lamang sa mga despotikong panginoong maylupa (yaong mga nananakit ng masang magsasaka at mga manggagawang bukid at tumatangging makipagnegosasyon sa mga ito) at mga mangangamkam ng lupa para masamantala pa rin natin ang mga hidwaan sa pagitan ng mga panginoong maylupang despotiko at naliliwanagan, mapigilan ang mga panginoong maylupa (malalaki, panggitna at maliliit) na magkaisa laban sa atin, at mapahintulutan tayong higit pang magpalakas sa hanay ng masang magsasaka, hindi lamang sa mga larangang gerilyang nakatayo na kundi maging sa mas malawak pang mga lugar na kailangang palawakan pa natin.


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.