Komite Sentral, Partido Komunista sang Pilipinas
Hulyo 1992
Ang Kilusang Pagwawasto
Isang usaping buhay-at-kamatayang para sa buong Partido ngayon ang
muling pagtibayin ang mga batayang prinsipyo nito, panindigan ang
kanyang wastong linya at punahin, itakwil at iwasto ang mga malaking
paglihis at pagkakamaling nanatili sa napakahabang panahon (sumanib sa
kalahati ng pag-iral ng Partido at ng armadong rebolusyon) at nagdulot
ng wala pang kapantay na mga kabiguan sa Partido, Bagong Hukbong Bayan
at buong rebolusyonaryong kilusang masa.
Ang mga malaking paglihis at pagkakamaling ito ay maari pa
sanang mas nakapaminsala kung hindi sa pagpupunyagi ng higit na
nakararaming mayorya ng mga kadre at kasapi ng Partido na nagtataguyod
sa mga batayang prinsipyo ng Partido at determinadong isulong ang
rebolusyonaryong adhikain. Sa gayon, naniniwala tayong ang Partido ay
mayroong mga prinsipyo, rebolusyonaryong tauhan, suportang masa at
lahatang-panig na lakas para mapigil at mapangibabawan ang mapanganib
na tunguhing likha ng mga malaking paglihis at pagkakamali.
Sa patnubay ng ating mga saligang prinsipyo, natukoy at nataya
natin ang mga malaking paglihis at pagkakamali at ang malalalang
pinsala sa Partido at rebolusyonaryong kilusan. Dapat nating punahin,
itakwil at iwasto ang mga ito. Dapat pataasin ng kampanyang pagwawasto
ang antas ng kaalamang teoretikal, kamulatang pampulitika at praktikal
na aktibidad ng Partido. Ang kasapian ng Partido ay dapat pakilusin sa
paglahok at pagsuporta sa kilusang ito. Tanging ang mga tumututol sa
kilusang ito at ang mga ayaw magwasto ang dapat ipailalim sa aksyong
pandisiplina, hanggang sa pagtitiwalag sa Partido. May malaki at
esensyal na pagkakaiba sa pagitan ng mga ayaw at ng mga gustong
magwasto ng kanilang mga pagkakamali.
Mahalaga para sa kinauukulang organo na magbalangkas ng mga
pinakamatalas na tanong tungkol sa datos at isyung ihaharap sa mga
responsable sa mga pinakamasahol na paglihis, pagkakamali at masasamang
resulta. Kailangang indibidwal na sagutin ang mga ito (kung kolektibo
ang pagsagot, may mga kahirapang makakaantala sa proseso dahil talagang
mahirap tipunin ang partikular na kolektibong responsable sa ilang
pagkakamali o di kaya, walang pagnanais sa bahagi ng ilang indibidwal
na gumawa ng anumang kolektibong pagtatasa). Kung kinakailangan pa at
posible, maaaring tipunin ang mga kolektibo pagkatapos na lamang ng
pag-usisa sa mga sangkot na indibidwal.
Bago pa man, alam natin na may mga elementong tututol sa o
magtatangkang iligaw ang kampanyang pagwawasto sa pamamagitan ng mga
sumusunod na taktika:
- Patuloy na pagtutol at pag-atake sa mga batayang prinsipyo mismo ng Partido para dogmatikong maigiit ang maling linya;
- Paghihiwalay ng maling linya sa mga seryosong masamang resulta;
- Paggulo sa ebalwasyon ng mga paglihis at
pagkakamali sa pamamagitan ng pagpapaliit ng mas malalaking pagkakamali
at pagpapalaki ng mas maliliit;
- Paggulo sa ebalwasyon ng mga kolektibo at indibidwal na responsabilidad;
- Paglikha ng mga bago at lumang isyung mas
maliit ang halaga at kabuluhan kaysa sa mga malalaking problema at wala
pang kapantay na mga pag-atras na ating hinaharap ngayon;
- Pagganti sa mga punang may matitibay na batayan sa pamamagitan ng mga pag-atakeng walang batayan; at
- Pag-atake sa marami para pagtakpan ang iilang may pagkakamali.
Sa bawat antas ng Partido, sa alinmang organo, ang sentral na
pamunuan ay hindi dapat mag-atubiling tanggalin sa Partido ang sinumang
responsable sa anumang malaking paglihis o pagkakamali pero sa halip na
tumanggap ng responsabilidad ay patuloy na sistematikong umaatake sa
linya ng Partido o ayaw magwasto at gumagamit sa alinman sa mga
taktikang naunang binanggit para ilihis o biguin ang layunin ng
prosesong pagwawasto. Kailangan ring bigyan ng seryosong babala ang mga
elementong nagkakanlong sa ultrademokrasya sa pamamagitan ng
pangangampanya sa labas ng naaangkop na mga daluyan ng Partido o
paglampas sa mga hangganan ng Partido.
Makatwirang tantiyahing iilan lang ang matatanggal sa Partido
dahil sa kalubhaan ng pagkakamaling responsable sila o bunga ng
pagkawala ng pananalig sa rebolusyonaryong adhikain at sa mga batayang
prinsipyo ng Partido. Kaugnay nito, ang islogan ng Partido, kung
uulitin sa ibang salita sina Lenin at Mao, ay "Mas maliit nang bahagya,
pero ibayong mas mahusay."
Maaaring may mga hindi na nababagay manatili sa Partido dala
ng mga dahilang pang-ideolohiya, tulad ng pagkawala ng pananalig sa
lahat o aliman sa mga batayang prinsipyo ng Partido. Maaari pa silang
ituring na alyado kung pwede pa silang makipagtulungan sa atin sa mga
isyu sa pulitika, basta't hindi sila magiging ispesyal na ahente ng
kaaway sa pamamagitan ng pag-atake sa Partido at pangangapital sa
kanilang dating ugnayan o internal na kaalaman sa Partido.
Ang kilusang pagwawasto, pangunahin at sa esensya, ay isang
pagpupunyaging pang-edukasyon upang tukuyin, punahin at itakwil ang mga
paglihis, pagkakamali at kahinaan at sa gayo'y higit pang palakasin ang
Partido at rebolusyonaryong kilusan. Ang layunin ay likhain sa loob ng
Partido ang mas mataas na antas ng rebolusyonaryong kamulatan at
militansya at kung gayon, mas mataas na antas din ng pagkakaisa.
Ang malaking mayorya ng mga kasapi ng Partido ay walang
alinlangang mabuti at nagnanais na gawin ang abot ng makakaya para
isulong ang rebolusyonaryong adhikain. Iilang elemento lamang ang
sumasalungat sa kilusang pagwawasto at tumatangging magwasto ng mga
pagkakamali nila. Kung mamalagi sa Partido ang mga elementong ito,
maaari silang patuloy na makapaminsala sa Partido at rebolusyonaryong
kilusan. Tungkulin ng lahat ng kasapi ng Partido ang muling pagtibayin
ang mga batayang prinsipyo ng Partido at magwasto ng mga pagkakamali.