Komite Sentral, Partido Komunista sang Pilipinas
Hulyo 1992
Hinggil sa Pagbabase sa Lunsod at Burukratismo
Ang organisasyon ng Partido at mga organisasyong masa sa Metro
Manila at iba pang kalunsuran ay una at nagpapatuloy na
pinanggagalingan ng mga proletaryong rebolusyonaryong kadreng may
pinag-aralan at may ilang kasanayang propesyunal at teknikal, para sa
kanayunan sapul pa ng pag-uumpisa ng armadong rebolusyon.
Noong ideklara ang batas militar noong 1972, malaking bilang
ng kasapi ng Partido at aktibistang masa ang gusto sanang pumunta sa
iilan pa lamang na sonang gerilya. Subalit iilan lamang ang kinayang
saluhin noon ng mga sonang ito. Kaya, may malaking bilang ng kadre ng
Partido at aktibistang masa na napilitang lubos na manatili sa kilusang
lihim sa kalunsuran sa loob ng ilang sentral na organong istap at
namumunong organo sa rehiyon, laluna sa Metro Manila.
Nang nagkaroon ng makabuluhang pagdami ng mga larangan at
sonang gerilya noong 1974, ang mga kasapi ng Partido at mga aktibistang
masa na kumilos muna sa Metro Manila ay daan-daang ipinadala sa iba't
ibang rehiyon. Ang linyang ito sa disposisyon ay nakatulong sa
pagpapalakas ng armadong rebolusyonaryong kilusan at naglatag ng
batayan para sa pagpapanibagong-lakas ng ligal na demokratikong kilusan
sa pambansang saklaw.
Bunga ng aktwal na pagkabuwag ng namumunong organo at ng
organisasyon ng Partido sa Maynila-Rizal noong 1979, kinuha ng sentral
na pamunuan ang responsabilidad sa Partido at kilusang masa sa rehiyong
pambansang kabisera; at nagsimulang magtayo at magbase doon ng mga
sentral na organong istap na gumagamit ng mga dating detinidong
pulitikal at mga kadre ng Partido na nasa listahan ng mga hinahanap ng
kaaway. Ang gayong pagbabase sa syudad ay binigyang-matwid din ng labis
na pagpapalaki sa gawaing lunsod na bunga ng konsepto ng tatlong
estratehikong koordinasyon.
Di nagtagal, ang mga bulnerableng tauhang ito ay nasaklaw ng
epektibong pagmamanman at mga pandadakip ng kaaway noong maagang bahagi
ng mga taong 1980. Pero hindi natutunan mula doon ang leksyon na ang
gayong tipo ng kadre ay hindi dapat ibinabase sa Metro Manila para
magpatakbo ng mga sentral na organong istap na nakabase sa kalunsuran;
at mayroong mga organong hindi sa Metro Manila, kundi sa kanayunan
dapat nagbabase.
Ang sinunod na linyang pang-organisasyon ay kabaligtaran ng
linya noong mga taong 1970 na ang mga kadreng produkto ng kalunsuran ay
sistematikong itinatalaga sa kanayunan upang palakasin ang armadong
rebolusyon at iligtas din ang mga kadre ng Partido na lantad na at
hinahanap ng kaaway.
Pinayagan ng mga namumunong organo ng Partido na mag-ipon ng
bulto ng mga kadre ng Partido ang mga organong istap o ang mga
istrukturang administratibo na nakabase sa kalunsuran. Maging ang
pangkalahatang kumand (dating tinatawag na pambansang istap militar) ng
BHB ay nagbase sa Metro Manila mula pa noong mga taong 1980. At mula
1986 umiral ang kaisipang padaliin ang pagputok ng insureksyong lunsod
at magpalabas ng mga atas sa hukbong bayan sa kanayunan mula sa
malaking syudad sa pamamagitan ng modernong kagamitan sa komunikasyon.
Walang katapusan ang mga ispesyal na proyektong pwedeng gamiting matwid
sa pananatili ng pangkalahatang kumand ng BHB sa Metro Manila. Ang mga
proyektong ito ay hindi ipinagkatiwala sa mga tanggapan o tauhang mas
ligtas at mas epektibong makatitigil pa sa kalunsuran.
Sa kabila ng lahat ng salita para sa digmang bayan, lumalaki
ang impluwensya ng linyang salungat dito na pumipinsala sa Partido at
rebolusyonaryong kilusan. Ang ganitong maling linya ay hindi kailanman
lubusang napuna, laluna ang tungkol sa pangyayaring ang mga pangunahing
pinuno ng nakabase-sa-kalunsurang komisyon at iba pang organong
nangangasiwa sa Mindanaw, kung saan unang ipinatupad ang linya, ay
naitaboy mula sa isla o napilay na ng kaaway noon pa mang 1984.
Ang pangkalahatang kumand ng BHB, kasama ang ibang sentral na
organong istap ng Partido, ay naggumiit sa Metro Manila ayon sa maling
linya ng "pagpusisyon" ng sarili para sa napakatagal nang hinihintay na
"biglang pagpihit" ng sitwasyon na pwedeng magpaputok sa insureksyong
lunsod. Hila ng ginhawang dulot ng "hi-tech" na mga kagamitang
elektroniko sa kalunsuran na magagamit sa pagpapadala ng mga atas para
sa mga pambansang opensiba sa hukbong bayan sa kanayunan, ang tendensya
ay itulak ang mga sentralisadong kampanya at ispesyal na proyekto na
sumasagasa sa pamunuan ng Partido at hukbo sa mga rehiyon at teritoryo.
Kaugnay ng linyang ito ang pagkakalulong sa mga ispesyal na proyekto,
na itinuturing na esensyal sa pagkalap ng lohistika—mula sa itaas o
mula sa labas ng bayan—para sa adelantadong pinalaking mga pormasyong
militar na hindi kayang suportahan ng lumiliit na baseng masa.
Ang ilang kumand sa rehiyon ay nagbase rin sa kalunsuran.
Kaalinsabay, ang pagtatayo ng mga istap sa iba't ibang antas ng
kumand -- rehiyon, larangang gerilya, batalyon at kumpanya—ay lumalamon
sa nakapako at nababawasang bilang ng mga kadre ng Partido.
Kapag nagsasalita tungkol sa "regularisasyon" ang ilang
elemento, ang aktwal na sinasabi nila ay ang pagtatayo ng mas maraming
antas ng istap at burukratisasyon. Ang kanilang disenyo ng
regularisasyon sa papel ay lubhang malayo na sa tauhang naririyan. Sa
anu't anuman, ang hilig sa pagtatayo ng mga istrukturang administratibo
at pagpapabigat ng mga istap sa itaas ay lumikha ng malalang
burukratisasyon sa loob ng Partido.
Ang pagpapaandar sa istruktura ng istap at pangangasiwa na
lubhang mabigat sa itaas ang umuubos sa oras at lakas ng mga namumunong
kadre at komite na dapat sana'y nagbibigay ng higit na pansin sa mga
usapin sa patakaran, pagpapalakas sa ideolohiya at malalimang pag-aaral
sa rebolusyonaryong praktika para sa paggabay sa kumprehensibong
pagpapaunlad sa buhay at gawaing Partido. Lubhang tumagal at lumaki
muna ang mga pinsala bago lubos na natukoy at nalapatan ng matatag at
mapagpasyang hakbang sa pagwawasto ang maling linyang bumabagabag sa
Partido at ang paulit-ulit na mga malalang pagkakamali sa kampanyang
anti-impiltrador (na ang pinakahuli ay naglagay sa panganib ng mismong
buhay ng Partido).
Walang tuluy-tuloy na pagdami ng mga kadre ng Partido na
lumalahok sa gawaing masa at nagpapaunlad sa saligang buhay Partido sa
batayang antas sa kalunsuran man at kanayunan. Habang mas umaangat sa
mga organong namumuno at istap ang mga kadre ng Partido, lalo silang
nalalayo at nahihiwalay sa saligang buhay Partido at lalong nababawasan
ang mga kasapi ng Partido sa batayang antas. Isang resulta ang
pagkaligta sa pagrerekrut ng mga kasapi ng Partido.
Mula kalagitnaan ng mga taong 1985 tumigil ang kabuuang
paglawak ng kasapian ng Partido at nagsimula pang unti-unting lumiit
mula 1988. Lumiit ang bilang ng narerekrut sa Partido taun-taon
kaakibat ng kabuuang pagtamlay ng paglawak kung hindi man pagliit pa ng
mga organisasyong masa sa kanayunan at kalunsuran. Samantala, lumaki
ang bilang ng kasaping nawawala bunga ng pagkamatay, pagkahuli,
pananamlay o pagkaputol ng ugnay gawa ng mga operasyon ng kaaway. Dapat
partikular na pansinin din ang ibayong pagliit ng narerekrut mula sa
kabataang estudyante at mga intelektwal, na mahalagang pinagmumulan ng
napauunlad na mga kadre ng Partido.
Sa matagal na panahon, ang limitadong gawain sa pagrerekrut ng
mga kasapi ng Partido ay higit na ginagawa ng mga organong istap ng
Partido at mga grupo ng Partido sa mga organisasyong masa na
napipilitan dala ng mga pangangailangan sa istap. Sa kanilang
desperasyon, madalas pa ngang umaasa sila sa pagpapakilos sa mga
matagal nang tiwalag sa Partido o pagrerekrut ng mga hilaw na elemento
mula sa kilusang kabataan o saanman uubra nang hindi maagap na nasusuri
at naitataas ang kanilang kamulatang pang-ideolohiya at antas
pampulitika. O di kaya, kumukuha sila ng mga tauhang di-kasapi ng
Partido at binibigyan ang mga ito ng mga tungkulin at responsabilidad
(kabilang iyong mga reserbado para sa mga kasapi ng Partido) nang hindi
man lang inaasikaso ang pagbibigay sa kanila ng edukasyon sa Partido at
ang pagrekrut sa kanila sa Partido.
May paglaganap ng mga ligal na tanggapan at institusyon,
kaakibat ng pagdami ng mga organong istap at may tuluy-tuloy na
pagkukumpol sa mga ito ng mga tiwalag o halos-tiwalag na sa Partido at
sa kilusang masa. Nahahatak din sa mga ito ang papalaking bilang ng
dating bilanggong pulitikal, sa halip na bumalik sa tuwirang gawain sa
piling ng masa at sa kanayunan kung saan lubhang kailangan sila. Ang
gawain at buhay Partido sa mga tanggapang ito ay madalas na nakabaon sa
mga kalakaran at gawaing upisina, malayo sa masa at sa kilusang masa at
kung saan ang petiburgis na mga pananaw, gawi, maluwag na disiplina at
pagnanasa sa kaginhawahan ay malakas at madalas na hinahayaang hindi
natutunggali.
Ang tunguhing ito sa loob ng Partido ay nakarating maging sa
gawaing internasyunal, kung saan nakakumpol sa mga upisina at
institusyong ligal ang mga kadre, halos walang tuluy-tuloy na
nagsasagawa ng tuwirang gawaing propaganda at pag-oorganisa sa hanay ng
mga kababayan sa ibayong-dagat, at malala ang pagkaligta sa
kumprehensibong gawain at buhay Partido. Sa nakaraang ilang taon
maraming kadreng nakabase sa kalunsuran ang mas gustong matalaga sa
ibayong-dagat (sa mga bayang Kanluranin sa partikular) kaysa pumunta sa
kilusang lihim at lalupa sa kanayunan.
Ang mga organong istap sa isang banda ay mahusay na sanayan ng
mga kadre ng Partido. Subalit, may mga elementong naiaangat sa mga
nakatataas na organong istap at nahihirang pa nga sa mga namumunong
organo dahil lamang sa nanggaling sila sa mga organong istap, kahit
walang sapat na karanasan at kakayahan sa gawaing Partido at gawaing
masa at mababa ang antas pang-ideolohiya, pampulitika at
pang-organisasyon. Natututo silang mamalakad sa pamamagitan ng
pagkakahirang muna bilang mga "upisyal pampulitika" o "kalihim".
May paglaki ng mga istap sa halip na pagpapaunlad ng saligang
buhay Partido at sistematikong pagrerekrut ng mga kasapi ng Partido
mula sa mga abanteng elemento ng rebolusyonaryong kilusang masa sa loob
ng panahon ng kandidaturang itinakda sa Saligang Batas. May matagal na
pagkaantala sa pagpapapasok ng mga kandidatong kasapi at pagkatapos
mayroon na namang matagal na pagkaantala sa pagbibigay ng
kinakailangang batayang edukasyon at pagsubok na gawain para maging
ganap na kasapi ng Partido.
Ang karaniwang ipinapalagay na gawaing pang-organisasyon ay
ang madalas na reorganisasyon at paulit-ulit na pag-oorganisa ng iyon
at iyon ding limitadong bilang ng mga kasapi ng Partido sa suson-suson
ng mga komite, komisyon, task force, kalihiman at iba pa. Ang mga isyu
at tungkulin, bagama't mahusay nang nasasaklaw o kayang saklawin ng
isang organong nakatayo na, ay nagiging dahilan pa sa pagtatayo ng mga
bagong lupon. Madalas ang rigodon ng mga kadre at pagbaklas-pagbuo ng
mga bag-as ng mga organo, bagay na lalong umaabala sa pagharap at
pagpapaunlad ng mas mahahalagang trabaho. May mga nasasapatan o
nalululong sa simpleng mga gawaing administratibo, pagkontak at
pagkoordina. Nag-iisip o kumikilos sila na para bang ang mga ito na
lang ang kabuuan ng gawaing pang-organisasyon at buhay Partido.
Sa usapin sa ideolohiya, pulitika at teknika, ang mga tauhan
ng mga organong istap ay hindi masasabing laging superyor sa mga
kadreng namumuno sa mga nakabababang organisasyon ng Partido at mga
organisasyong masa. Pero sa tulong ng awtoridad ng Partido at ng
namumunong organong kinakabitan nila, pinananaig nila ang kanilang
sarili sa mga kadre ng Partido na namumuno sa mga nakabababang
organisasyon ng Partido, mga organisasyong masa at mga ligal na
institusyon.
Ang mga organong istap ang pinagmumulan ng mga "pampulitikang
upisyal" at "hirang" na mga kalihim, na bumubuo ng mga suson ng
iisang-kataong awtoridad sa pagitan ng mga nakatataas at nakabababang
organo, batay sa aroganteng paliwanag na wala ni isa sa mga
nakabababang organo o yunit ang nasa pamantayang maging kagawad ng
nakatataas na organo o yunit.
Ang sistema ng mga "pampulitikang upisyal", na masamang kopya
ng isang mahusay na sistema sa hukbong bayan (mahusay, dahil ang
pampulitikang upisyal ay nakasanib sa yunit sa hukbo), ay inalis noong
1986. Pero ang mga promotor ng burukratismo ay bumaling lang sa ibang
pangalan, ang "kalihim" na hinirang ng nakatataas na organo at hindi
nakasanib sa organo o yunit na inuupuan niya bilang "kalihim".
Ang sistemang "PO", laluna sa isang sitwasyong madalas na sa
bibig ang transmisyon ng mga mahalagang patakaran at desisyon, ay
nag-engganyo ng labis na pagsalig ng mga nakabababang namumunong komite
sa "PO", nagpahina sa sistemang komite ng Partido at nakasira sa
ugnayan ng mga nakabababa at nakatataas na kolektibo ng Partido.
Kaakibat ng pagdami ng mga sentral na organong istap na
nakabase sa lunsod at pagsikil sa buhay Partido at mga organisasyong
masa sa batayang antas dala ng lumalalang burukratismo, lumaganap sa
mga nakabababang antas ng Partido ang pangambang mag-inisyatiba at
magpahayag ng mga pananaw.
Hangga't mayroon pang mga kadre at kasapi ng Partido na
umaasikaso sa batayang gawaing Partido at gawaing masa at hangga't may
mga organisasyong masang patuloy na lumalaki o maaari pang lumaki,
mayroong batayan para sa pagbaka sa burukratismo at pagtataguyod ng
kumprehensibong buhay sa ideolohiya, pulitika at organisasyon sa
batayang antas, kaysa sa isang nakakahong tipo ng buhay sa istrukturang
administratibo o burukrasya.
Ang mga sangay at grupo ng Partido sa mga unyon ng mga
manggagawa, organisasyon ng mga magsasaka, organisasyon ng mga
estudyante at kabataan, hukbong bayan, samahan ng kababaihan, mga
aktibistang pangkultura at iba pa ay dapat tumitiyak na umiiral ang
kumprehensibong buhay at pag-unlad ng Partido at humihimok sa
kasalukuyang mga kasapi ng Partido at masang kasapi nila na magtayo ng
mas marami pang lokal na organisasyong masa na magiging batayan sa
pagtatayo ng mas marami pang lokal na sangay ng Partido.