CPP Primers


Terorismo ng Estado
Paano haharapin ng mamamayan ang Human Security Act of 2007?

Praymer na inihanda ng Kawanihan sa Impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas
Hulyo 2007

Pambungad

Ang mga tangka ng rehimeng US-Arroyo na bumuo ng isang batas "kontra-terorismo" mula pa 2001 ay ilang ulit na nahadlangan ng mariin at malawakang pagtutol ng mamamayang Pilipino. Subalit sa kabila ng mahigpit na pagkontra, ipinagpilitan ng rehimeng Arroyo na mapagtibay ang batas na ito. Noong Oktubre 2005, itinuring pa itong "prayoridad", alinsunod sa dikta ng among imperyalismong US at sa desperasyon ng rehimen na makapangunyapit sa poder.

Matagal nang itinutulak ni US President George W. Bush na maisabatas sa Pilipinas ang isang batas "kontra-terorismo" na nakahulma sa pasistang Patriot Act ng US. Nais ng US na magkaroon ng karugtong na ligal na instrumento sa Pilipinas ang pandaigdigang "digmang kontra-terorismo" nito. Noong Disyembre 2005, pumunta pa sa Pilipinas si US Director for National Intelligence John Negroponte para pabilisin ang pagsasabatas nito.

Alinsunod din sa kagustuhan ng US, pinaspasan ni Arroyo ang pagbubuo ng batas "kontra-terorismo" para sumabay sa pagbubuo ng Convention on Anti-Terrorism ng ASEAN sa pulong nito sa Cebu.

Si Juan Ponce Enrile, pasistang ministro ng diktadurang Marcos, ang pangunahing may-akda ng panukalang batas "kontra-terorismo." Tinagurian itong "Human Security Act" (HSA) o "seguridad pantao" upang ikubli ang bangis nito. Sa espesyal na sesyon na ipinatawag ng Malacañang, ipinasa ito ng Senado noong Pebrero 8, 2007 at kasunod na pinagtibay din ng Kongreso noong Pebrero 19. Gigil na gigil itong pinirmahan ni Arroyo noong Marso 6.

Pumabor dito ang mayorya ng mga senador, kabilang si Sen. Aquilino Pimentel, matapos ipasok ang 96 sa 98 na panukalang susog niya sa batas. Naniniwala si Pimentel na "nawalan ng pangil ang batas" sa pagpasok ng mga susog na iyon.

Subalit kung tutuusin, pakonswelo lamang ang mga ginawang pagsusog. Tinatabunan lamang nito ang mga probisyon ng HSA na nagbibigay ng malawak na kapangyarihan sa gubyernong Arroyo na maghasik ng terorismo ng estado, kahit pa mas malawak pa sana ang gusto nitong makuha. Kabilang dito ang ala-batas militar na kapangyarihang idetine nang hanggang tatlong araw ang isang pinagsususpetsahang "terorista" nang walang isinasampang kaso (na ang unang hinihingi ng mga upisyal ni Arroyo ay di bababa sa 30 araw).

Sa Senado, tanging sina Sen. Consuelo "Jamby" Madrigal at Sen. Mar Roxas ang bumoto laban sa HSA. Nagsampa rin si Madrigal ng reklamo sa International Parliamentarians Union at sa United Nations Office of the High Commissioner on Human Rights (UNOHCHR) laban sa HSA. Bilang tugon, nagpahayag ang UNOHCHR na labag ang HSA sa Universal Declaration of Human Rights ng United Nations at mga kumbensyon nito, sa partikular ang International Covenant on Civil and Political Rights. Nagpahayag din ang UNOHCHR ng pagkabahala sa ibubungang mga pagsagasa ng batas sa karapatang-tao sa Pilipinas.

Nitong Marso 12, nanawagan sa gubyernong Arroyo at sa Kongreso si Martin Scheinin, United Nations Special Rapporteur on the Promotion and Protection of Human Rights and Fundamental Freedoms while Countering Terrorism, na muling pag-aralan ang batas at baguhin ito kundi man tuluyang bawiin na bago pa ito magkabisa.

Patuloy ang paglawak ng pagtutol sa HSA. Umapela kay Arroyo nitong Hulyo 9 si Archbishop Angel Lagdameo, presidente ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, na irekonsidera ang HSA. Naghapag na ng panukalang batas si Senador Madrigal para ibasura ang HSA, na aniya'y pinakamapanganib na batas na naipasa ng Kongreso ng Pilipinas. Samantala, iba't ibang mga grupo ng abugado ang nagbabalak na magsampa ng kaso sa Korte Suprema upang hilingin na pawalambisa ang HSA.

Sa kabila ng malawak na pagtutol na ito, nagmamatigas pa rin si Arroyo. Idineklara niyang ipatutupad na ang HSA oras na magkabisa ito sa Hulyo 15.

Back to top

Ano ang Human
Security Act?

ANG HSA ay isang batas na nagtatakda ng mga kaparusahan para sa tinatagurian nitong krimen ng "terorismo." Ang HSA ang kauna-unahang batas sa Pilipinas na pumapatungkol sa "terorismo."

Ayon sa HSA, ituturing ngayong "terorismo" ang iba't ibang krimeng nakasaad sa Revised Penal Code at iba't ibang mga batas at dikreto kung ang mga iyon ay isinagawa para "maghasik at lumikha ng kundisyon ng malawakan at di karaniwang pangamba at kaguluhan sa hanay ng taumbayan upang pwersahin ang gubyerno na tuparin ang isang iligal na kahilingan."

Kabilang sa mga aktong kriminal na ituturing na "terorismo" alinsunod sa depinisyon ng HSA ang pamimirata, rebelyon o insureksyon, kudeta, pagpatay, pangingidnap at malubhang iligal na detensyon, paninira ng ari-arian, panununog, hijacking, iligal na pag-iingat ng mga baril at iba pa.

Maparurusahan nang di bababa sa 40 taon pagkakakulong (katumbas ng habambuhay na pagkakabilanggo) nang walang pagkakataong makapag-parole ang mga mahuhusgahang nagkasala, samantalang ang mga kasapakat ay maparurusahan nang 17-20 taong pagkakabilanggo.

Back to top

Ano sa esensya
ang HSA?

ISANG malaking kabalintunaan ang pagtaguri sa batas kontra-terorismo bilang "Human Security Act" na may layunin diumano na "protektahan ang mamamayan at estado laban sa terorismo." Katunayan, pinakalayunin ng HSA ang ibayong paghahasik ng estado ng pasistang terorismo laban sa mamamayan.

Ang HSA sa esensya ay isang sagad-sagarang pasistang batas. Sa pamamagitan nito, mapaiiral ang di deklaradong batas militar. Binibigyan nito ng malawak na kapangyarihan ang reaksyunaryong estado na gamitin ang mga pasistang instrumento (militar, pulisya, mga korte at kulungan) upang maghasik ng mas masahol, malawakan at lantarang terorismo laban sa mamamayan.

Labis na pinasaklaw ng HSA ang depinisyon ng "terorismo" kaya maging ang lehitimong pamamahayag o paglulunsad ng mga demonstrasyon sa lansangan ay maaaring ituring na "teroristang" krimen sa katwirang ang mga iyon ay "lumilikha ng di karaniwang pangamba at kaguluhan."

Sa batayan ng HSA, maaaring ipagbawal ang mga lehitimong organisasyon sa pamamagitan ng pagtaguri sa kanila na "terorista" o may ugnayan o tumutulong sa ibang mga "terorista."

Prinsipal na layunin ng HSA ang gamitin ang buong bangis ng estado para supilin ang mga pwersang patriyotiko, demokratiko at progresibo at gipitin ang pakikibaka sa larangang ligal at parlamentaryo. Ang pagsasabatas nito ay bahagi ng umiiral na pangkalahatang kontra-rebolusyonaryong kampanya ng rehimeng Arroyo sa ilalim ng Oplan Bantay Laya II.

Sa pandaigdigang konteksto, bahagi rin ito ng teroristang gerang inilulunsad ng imperyalismong US sa iba't ibang dako ng daigdig, kabilang na ang Pilipinas. Itinuturing ng US ang Pilipinas bilang "ikalawang larangan" ng pandaigdigang "anti-teroristang gera" nito.

Back to top

Anu-ano ang mga
pangunahing
probisyon ng HSA?

TADTAD ang HSA ng mga probisyon na tuwirang yumuyurak sa mga karapatang sibil at karapatang-tao.

Pangunahin sa mga ito ang sumusunod:

Paniniktik. Sa ilalim ng HSA ay pinasasaklaw ang karapatan ng estado na magsagawa ng paniniktik o surbeylans laban sa mga organisasyon na ikinategoryang "terorista" o mga sinasabing suspek sa "terorismo." Isinasaisantabi ng HSA maging ang makitid na proteksyong nakasaad sa "Anti-wiretapping law."

Maging ang mga pinaghihinalaang tumutulong o sumusuporta sa mga suspetsadong terorista ay maaaring tiktikan ng pulisya sa pamamagitan ng pag-tap o pakikinig sa mga pribadong komunikasyon sa pamamagitan ng mga kagamitang pansurbeylans.

Ang pagsasaligal ng surbeylans sa mga pinagsususpetsahang "terorista" at ang pagharang at pagrekord ng mga awtoridad sa mga usapan at/o komunikasyon sa pagitan nila at ng kanilang diumano'y mga kasapakat ay paglabag sa karapatan sa pribadong komunikasyon ng bawat indibidwal. Nakasaad ang karapatang ito sa International Covenant on Civil and Political Rights ng United Nations at ginagarantiyahan maging ng Artikulo III, Seksyon 3 ng konstitusyon ng reaksyunaryong estado.

Walang taning na detensyon at pagdakip nang walang mandamyento. Nakasaad sa Seksyon 18 na kahit walang mandamyento, maaaring dakpin ang isang suspetsadong "terorista" at ibimbin nang tatlong araw nang walang isinasampang kaso laban sa kanya.

Ayon naman sa Seksyon 19, sa panahong may nakaamba o aktwal nang nagaganap na "teroristang" atake, maaaring lumampas sa tatlong araw ang pagbibimbin alinsunod sa pahintulot ng mga upisyal na walang kapangyarihang panghukom, tulad ng umano'y mga "Human Rights Commission" sa antas munisipyo pataas.

Ang mga probisyong ito ng HSA ay malinaw na paglabag sa saligang karapatang-tao laban sa iligal na detensyon at matagalang detensyon na walang malinaw na kaso. Ang pagbibigay ng karapatan sa mga upisyal na walang kapangyarihang panghukom ay nagbubukas din sa labis na pag-abuso ng mga upisyal ng gubyerno.

Sa katunayan, kahit ngayon ay hindi sinusunod ng mga pwersang panseguridad, militar at pulis ng estado ang anumang takdang bilang ng araw ng pagbibimbim sa mga "suspek" nang walang nakasampang kaso. Maraming inaabot sa kalagayang ito nang buwan at higit pa, at lalong dumarami pa ngayon ang mga kaso ng pagdukot upang ikutan ang mga nakasaad sa batas. Nitong huling pitong taon mula nang umupo si Arroyo sa poder, halos isang libo nang mga aktbista at mga sumusuporta sa demokratikong kilusan ang pinapaslang ng mga pasistang pwersa ng estado.

House arrest. Ayon sa Seksyon 26, kahit pinaghihinalaan pa lamang, at kahit walang malakas na ebidensya ng pagkakasala, maaaring iutos ng isang korte ang pagpapailalim ng isang "suspek" sa "house arrest" o limitahan ang kanyang pagbyahe sa loob lamang ng isang syudad o munisipyo. Alinsunod sa HSA, maaaring pagbawalan ng korte ang gayong suspek na gumamit ng telepono, email, kompyuter, internet o anupamang anyo ng komunikasyon.

Ang mga probisyon na ito ng HSA ay labag sa karapatan sa malayang paglalakbay. Gayundin, sa pagpapataw ng gayong kaparusahan o paglilimita ng karapatan kahit walang malakas na ebidensya, nilalabag ng HSA ang prinsipyo na ang isang tao ay ipinagpapalagay na inosente hangga't di napatutunayan sa harap ng korte na siya ay may sala.

Pagbulatlat at pagkontrol sa mga deposito, account at rekord sa banko. Sa ilalim ng Seksyon 27-30, ang mga elemento ng pulisya ay pinahihintulutang bulatlatin at kontrolin ang mga deposito, account at rekord sa bangko o institusyong pinansyal ng suspek sa "terorismo" hanggang sa puntong masekwester o kaya'y ipagbawal ang paggamit sa naturang mga account at rekord.

Back to top

Sinu-sino ang
bubuo sa ahensyang
magpapatupad
ng HSA?

AYON sa Seksyon 53-54, ang pagpapatupad ng HSA ay pangangasiwaan ng Anti-Terrorism Council (ATC) sa ilalim ng pangkalahatang pamumuno ng Executive Secretary. Pangalawang pinuno nito ang kalihim ng Department of Justice. Mapapabilang din sa ATC ang National Security Adviser at mga kalihim ng Department of Foreign Affairs, National Defense, Interior and Local Government at Finance. Samantala, tatanggap ng reklamo laban sa mga pulis at iba pang nagpapatupad ng batas ang Grievance Committee na bubuuin ng Ombudsman, Solicitor General at undersecretary ng DOJ.

Napakalaking kabalintunaan na ang tinutukoy na mga myembro ng Anti-Terrorism Council ay ang kasalukuyang bumubuo ng Cabinet Oversight Committee on Internal Security--ang mga kilalang militarista't sagad-sagarang reaksyunaryo na sina Executive Secretary Eduardo Ermita, Secretary of Justice Raul Gonzalez at National Security Adviser Norberto Gonzales. Sila ang pangunahing mga utak ng paghahasik ng terorismo at paglulunsad ng walang patid na kampanya ng pamamaslang at panunupil sa mga demokratikong pwersa, masugid na oposisyon at mamamayan.

Sa pamamagitan ng ATC, asahang isasagawa nang lalong walang pakundangan ang mga atake laban sa mga aktibista, abugado, taong simbahan, kagawad ng midya at iba pang pwersang kumakalaban sa rehimeng Arroyo.

Dahil sa mga duguang kamay nila nakasalalay ang pagpapatupad ng anti-teror na batas, nagbabadya ang higit pang pasistang paglabag sa karapatang-tao. Alinsunod sa HSA, sa isang kumpas ng Anti-terrorism Council, sinuman ay maaaring paratangang "terorista" at tratuhin ayon sa mga binanggit na pasistang probisyon.

Back to top

Paano gagamitin
ni Gloria Arroyo
ang HSA?

GAGAMITIN ng rehimeng Arroyo ang HSA upang likhain o pagtibayin ang klima ng takot at maghasik ng lagim laban sa ligal na demokratikong kilusan at ibayong patindihin ang kontra-rebolusyonaryong digma nito. Tulad ng naibasura nang anti-subversion law, gagamitin ng rehimeng Arroyo ang HSA upang ituring na krimen ang pagrerebelde at ipagkakait nito sa sambayanan ang karapatang ipagtanggol ang sarili laban sa panunupil.

Isa sa mga balak na unang hakbangin ng rehimeng Arroyo ang paggamit sa HSA upang ideklarang "terorista" at gawing iligal ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan. Ang gayong hakbangin ay gagamiting batayan upang bansagan ding "terorista" ang mga militante, patriyotiko, demokratiko at progresibong organisasyon sa pamamagitan ng pag-uugnay sa mga ito sa PKP at BHB.

Sa ganitong paraan, ang HSA ay magsisilbing malupit na kontra-rebolusyonaryo at pasistang instrumento na maihahambing sa batas militar ni Marcos. Gagamitin iyon ni Arroyo upang busalan ang mamamayan at supilin ang kanilang kilusang masa. Babansagang "terorismo" ang pagkilos at panawagan para magbitiw o patalsikin si Arroyo upang bigyang-matwid ang pagbubuwag ng mga kilos protesta at subukang sugpuin ang paglawak nito.

Gagamitin din ng rehimeng Arroyo ang HSA upang hawanin ang daan tungo sa pagsusulong at pagpapalusot ng Charter Change (pagbabago ng konstitusyon).

Ang mga iginigiit nitong pagbabago sa saligang batas ay magliligalisa sa marahas na pagpigil at panggigipit sa oposisyon.

Magbibigay-daan ang mga ito sa mas marami pang reaksyunaryong probisyong pabor sa mga negosyanteng lokal at dayuhan.

Inaasahang malilikha ng HSA ang ilusyon ng istabilidad kapalit ang suporta ng dayuhang negosyo at katuwang nitong malaking negosyong komprador sa bansa. Ang mga kilos protesta para sa pagpapataas ng sahod, reporma sa lupa at pagtatanggol sa patrimonya ay susupilin upang mapanatag ang malalaking dayuhan at komprador na mamumuhunan at makuha o mapanatili ang suporta ng mga ito para kay Arroyo.

Gagamitin din ni Arroyo ang HSA upang ipamalas ang katapatan sa "gerang kontra-terorismo" ng US upang makuha naman niya ang basbas ng kanyang imperyalistang amo at suporta sa pananatili niya sa poder. Inaasahan din ni Arroyo na tuluy-tuloy siyang makakukuha ng ayudang militar mula sa US at suporta para sa AFP modernization.

Back to top

Paano gagamitin
ang HSA laban sa
kilusang masa?

GAMIT ang labis na masaklaw nitong depinisyon ng "terorismo," ang iba't ibang anyo ng lehitimong kilos protesta ng mamamayan ay maaaring sikilin alinsunod sa HSA. Maaaring ituring na "terorismo" ang mga mapayapang demonstrasyon laban sa rehimen at laluna ang mga higanteng kilos-masa katulad ng people power--na sa kabalintunaa'y siya ring nagluklok sa poder sa kasalukuyang kinamumuhiang rehimen.

Ang mga welga ng mga manggagawa, laban ng mga magsasaka kontra sa mapagsamantalang mga panginoong maylupa, boykot sa eskwelahan ng mga estudyante at protesta ng mamamayan hinggil sa iba't ibang isyung panlipunan ay maaaring ikategoryang akto ng "terorismo." Samakatwid, kikitlin ang mga kilos protesta laban sa estado sa mga pagawaan, eskwelahan at komunidad at magmimistulang nakapailalim sa batas militar ang mga lugar na ito. Asahang ibayong magiging malupit ang panunupil laban sa mga aktibistang kumikilos sa ligal na larangan. Lalong titindi ang sistematikong pagsupil sa mga rali at iba pang kilos protesta. Dadami ang mga kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang, kara-karakang pag-aresto at pati mga sikretong pagdukot.

Back to top

Ano ang epekto
ng batas na ito
sa kalagayan ng
karapatang-tao
sa bansa?

ANG duguang rekord ng rehimeng Arroyo sa lansakang paglabag sa karapatang-tao ay ibayong lalala oras na isakatuparan ang batas na ito.

Ang batas na ito ang magsisilbing ligal na payong sa pambansang kampanya ng ekstrahudisyal na pamamaslang at panunupil ng rehimen sa mamamayan. Ligal na lisensya ang batas na ito para sa mga death squad ng gubyernong Arroyo upang pag-ibayuhin ang mga ekstrahudisyal na pamamaslang, pagdukot, pagkulong, pagtortyur, panunupil at iba pang kalupitan sa mga progresibong pwersa at mamamayan.

Sasagasaan nito ang mga probisyon ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at ang mga pandaigdigang makataong batas, kabilang na ang Universal Declaration of Human Rights ng United Nations at mga kombensyon nito tungkol sa karapatang-tao, gayundin ang Geneva Conventions ng 1951 hinggil sa sibilisadong kondukta ng digma.

Tahasan nitong lalabagin ang indibidwal at kolektibong karapatan ng mamamayan at mga komunidad laban sa di makatwirang panghahalughog. Papawiin nito ang mga garantiya sa mga karapatang ito laban sa anumang iligal na operasyon ng mga ahensya ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (CARHRIHL, Part III, Art. 2, No. 6). Gayundin, ipagkakait din sa mamamayan ang karapatan sa paggamit ng pribilehiyo ng writ of habeas corpus at laban sa di makatarungan at di makatwirang pagkakabilanggo (CARHRIHL, Part III, Art. 2, No. 5).

Back to top

Ano ang implikasyon
ng HSA sa usapang
pangkapayapaan?

NAGSISILBING malaki at mabigat na ligal na hadlang ang HSA sa pag-abante ng usapang pangkapayapaan. Lalo nitong pinaliliit, kundi man ginagawang imposible, ang posibilidad na umusad pa ang usapan. Dagdag ang HSA sa dati nang balakid na pakikialam ng US at pagpapabilang nito sa PKP, BHB at kay Prof. Jose Ma. Sison, Senior Political Consultant ng NDF, sa listahan nito ng mga "terorista." Ang usapin tungkol sa listahang ito ang siyang prinsipal na humahadlang sa usapang pangkapayapaan mula pa noong 2004.

Oras na pormal na ideklarang "terorista" ng rehimeng Arroyo ang PKP, BHB at NDF sa ilalim ng HSA, lahat ng dati nang kasunduang napagtibay sa proseso ng usapang pangkapayapaan ay mababalewala. Bukod rito, ang HSA ay taliwas sa mga probisyon hinggil sa karapatang-tao na nakasaad sa CARHRIHL.

Asahang lalo ring babalewalain ng rehimeng Arroyo ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), isa sa mga pangunahing kasunduang napagtibay sa usapang pangkapayapaan at siyang nagbibigay-proteksyon sa mga kagawad ng panel ng NDF at GRP na sangkot sa usapan. Katunayan, si Prof. Jose Ma. Sison ay nauna nang ikinampanya ng rehimeng Arroyo sa US at Europe na mapabilang sa listahan ng mga "terorista." Gamit ang HSA, tiyak na lalong gigipitin ng rehimeng Arroyo si Professor Sison at iba pang mga negosyador at konsultant ng NDF sa usapan.

Sa pagsasabatas ng HSA, pinatutunayan lamang ng rehimeng US-Arroyo na hindi ito interesado sa tunay at pangmatagalang kapayapaan.

Back to top

Ano ang pakinabang
ng US sa HSA?

SA harap ng labis na pandaigdigang pagkakahiwalay ng imperyalismong US at ng teroristang gera ng gubyernong Bush sa ngalan ng anti-terorismo, may kakaibang halaga para rito na isabatas ng papet na gubyerno ng Pilipinas ang HSA. Pagpapakita ito ng suporta ng papet na rehimen sa imperyalistang among lubhang kinamumuhian sa buong mundo.

Bukod rito, magagamit ang HSA at ang "gera kontra terorismo" upang bigyang-katwiran ang tuluy-tuloy na pagpapakat ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas. Lalo lamang mabibigyan ng bwelo ang isinasagawang mga operasyong militar at operasyong paniktik ng US laban sa mga rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas.

Ang HSA ay gagamitin din para supilin ang mga pakikibakang anti-imperyalista at mga pakikibakang masa at tiyakin ang interes ng mga dayuhang monopolyo kapitalista sa Pilipinas.

Samakatwid, lalo lamang nitong pagtitibayin ang pagpapakapapet ng umiiral na estado sa Pilipinas at ang mahigpit na kontrol ng US sa pulitika, ekonomya, militar at mga usaping panseguridad ng bansa.

Back to top

Paano lalabanan
ng sambayanang
Pilipino ang HSA?

NANANAWAGAN ang Partido sa lahat ng mga demokratikong pwersa at buong sambayanang Pilipino na puspusang kumilos para labanan ang Human Security Act ng 2007.

Ang pakikibaka para ibasura ang HSA ay mahigpit na nakakawing sa pakikibaka upang wakasan ang pasistang paghahari ng rehimeng US-Arroyo.

1. Isulong ang kilusang masa at palawakin ang nagkakaisang prente laban sa HSA, kabilang ang mga demokratikong organisasyong masa, mga progresibong partido, mga organisasyong nagtataguyod ng mga kalayaang sibil at karapatang-tao, mga nasa pampulitikang oposisyon at lahat ng iba pang organisasyon, grupo at indibidwal na maaaring mahikayat dito.

2. Ilantad ang pasistang nilalaman at layunin ng HSA. Gamitin ang mga pampubliko at iba pang porum sa talakayan, masmidya, internet at lahat ng iba pang posibleng paraan ng pagpopropaganda sa mga paaralan, komunidad, pagawaan at iba pa para ilantad sa malawak na mamamayan ang idudulot pa nitong pagsikil sa mga karapatang sibil at lalo pang pagpapahirap sa buong sambayanan.

3. Maglunsad ng lahat ng posibleng porma at malikhaing pamamaraan ng protesta. Kailangang maglunsad ng papalaking mga protesta sa lansangan, paaralan, pagawaan at mga komunidad upang ipakita ang galit at pagtutol ng mamamayan sa HSA.

4. Palawakin ang pandaigdigang pagkundena sa rehimeng Arroyo sa pamamagitan ng paglalantad ng duguang rekord nito sa paglabag sa karapatang-tao. Hikayatin ang iba't ibang mga internasyunal na organisasyon, ahensya at personalidad na makiisa sa mamamayang Pilipino at magpahayag ng pagtutol sa HSA at sa pasistang panunupil.

Back to top

Ano ang
rebolusyonaryong
tugon sa HSA?

MAHIGPIT na tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan na gawin ang lahat ng nararapat na pamamaraan para tutulan at labanan ang HSA at ang paghahasik ng terorismo ng estado.

Pangunahin na rito ang pamumuno sa mamamayan para isulong ang malaganap, malakas at puspusang paglaban sa HSA.

Bilang tugon din sa pagsasabatas ng HSA, tuluy-tuloy na pasisinsinin at paiigtingin ng BHB ang mga taktikal na opensiba sa buong bansa. Ang bawat taktikal na opensiba ay magsisilbing matimbang na ambag sa pagparusa sa rehimeng Arroyo at mga alipures nito na siyang utak at tagapagpatupad ng kampanya ng pampulitikang pamamaslang, terorismo at iba pang karahasan laban sa mamamayan.

Back to top
Read in English
Page not found » PRWC | Philippine Revolution Web Central

Page not found » PRWC | Philippine Revolution Web Central