English /Pilipino /Bisaya /Hiligaynon
Iginagawad ng NDFP ang pinakamataas na parangal kina Tanya Domingo, Ian Dorado, Kemberly Jul Luna at Ian Maderazo
Luis G. Jalandoni Chief International Representative Member, National Executive Committee, National Democratic Front of the Philippines January 25, 2010
Iginagawad ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang pinakamataas na parangal sa ating mga batang martir at bayani ng sambayanan: Tanya Domingo, Ian Dorado, Kemberly Jul Luna at Ian Maderazo. Ipinararating ng PDPP ang pinakamalalim na pakikiramay sa kanilang mga pamilya, sa kanilang organisasyon, mga kaibigan at kamag-aral.
Sina Tanya Domingo at Ian Dorado, mga estudyante ng Fine Arts at mga kulturang aktibista mula sa Unibersidad ng Pilipinas ay napatay ng mga sundalo ng pasistang rehimeng Arroyo noong Enero 14, sa Bulacan, Central Luzon. Napaslang si Ian Maderazo ng Unibersidad ng Pilipinas-Los Ba�os, isang iskolar at lider estudyante, noong Enero 9 sa Macalelon, Quezon sa Southern Tagalog. Napatay naman si Kemberly "Kimay" Jul Luna, lider estudyante ng Mindanao State University-Iligan Institue of Technology noong Disyembre 15, 2009 sa Valencia City, Bukidnon sa Mindanao.
Malalim silang nakisalimuha sa mga api at nakikibakang masa, umanib sa rebolusyonaryong kilusan masa na marubdob na isinisigaw ang ipinaglalaban ng masa, ginamit ang kanilang mga kakayahan at lakas upang paglingkuran ang sambayanan at nagpasyang maging mga mandrigma ng armadong rebolusyong bayan.
Sa mahabang rebolusyonaryong tradisyon ng kabataan, mula sa panahon ni Emilio Jacinto sa Katipunan, hanggang sa mga kabataan ng Sigwa ng Unang Kwarto, binagtas ng ating mga mahal na batang martir ang daan para sa pakikibakang bayan ng mga Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya. Ang malalim na paninindigan at ang marubdob na damdamin ng ating mga batang martir na makibaka para sa kalayaan at paglaya ay nagbigay-inspirasyon sa kabataan at buong sambayanan upang ibayo pang itaas ang antas ng rebolusyonaryong pakikibaka.
Saluduhan natin ang ating mga batang martir. Bigyan natin ng pinakamataas ng parangal sina Tanya Domingo, Ian Dorado, Kimay Jul Luna at Iam Maderazo! Hayaang maging maliwanag na tanglaw ng inspirasyon ang kanilang lubos na paninindigan at paglilingkod sa sambayanan sa kabataan ng Pilipinas sa lahat ng panig ng daigdig!
Back to top
|