BHB-Northern Samar, sunod-sunod na hinaras ang RCSP tim ng 20th IB

 

Sunod-sunod na hinaras ng Bagong Hukbong Bayan-Northern Samar (Rodante Urtal Command o RUC) ang mga elemento ng 20th Infantry Battalion-Philippine Army na naglulunsad ng operasyong Retooled Community Support Program (RCSP) sa Barangay San Miguel, Las Navas.

Noong Mayo 8, hinaras ng mga Pulang mandirigma kasama ang milisyang bayan ng BHB-RUC ang mga elemento ng 20th IB sa pangunguna ng isang Sgt. Agosto na nakakampo ilang metro ang layo sa eskwelahan. Dalawang sundalo ang malubhang nasugatan.

Noong tanghali ng Mayo 9, isang sundalo ang namatay matapos iisnayp ng BHB-RUC. Sa galit ng mga sundalo, pinaputukan nila ang dalawang bahay ng mga magsasaka sa Zone 7 ng nasabing barangay. Nakuha ng mga upisyal ng barangay ang mga bala sa mga sako ng bigas at dingding ng bahay. Pinagbakwit na ang mga residente ng nasabing purok. Kinagabihan, muling hinaras ng BHB-RUC ang mga sundalo.

Mula pa Marso 9 nagsasagawa ng operasyong RCSP ang 20th IB sa San Miguel gayundin sa mga kalapit nitong baryo ng Perez, Quirino at San Francisco. Hindi pa ito umaalis kahit noong epektibo ang tigil-putukan ng GRP. Tuloy-tuloy rin ang kanilang pananakot at sapilitang pagpapasurender sa mga residente at upisyal ng barangay. Bagamat labas-pasok sa mga baryo, wala silang ginagawang pag-iingat laban sa pagkalat ng coronavirus gaya ng pagsuot ng face mask o social distancing habang nakikihalubilo sa mga residente. Nangunguna pa ito sa mga pagtitipon gaya ng pagsasabong.

Matagal nang pinag-iinitan ng 20th IB ang Brgy. San Miguel. Mga elemento ng 20th IB ang itinuturo ng mga residente na pumatay sa kanilang kapitan na si Apolinario “Kap Pening” Lebico noong Mayo 2019, halos isang taon na ang nakalilipas. Aktibong tagasuporta ng kampanya laban sa militarisasyon ng kanilang baryo si Lebico. (Koresponsal)#

BHB-Northern Samar, sunod-sunod na hinaras ang RCSP tim ng 20th IB