Pulis na mastermind ng riding-in-tandem sa Iloilo, pinarusahan ng BHB
Binigo ng isang yunit ng BHB si Police Master Sergeant Arnel Paurillo sa plano nitong lumahok sa isang krimen noong gabi ng Hunyo 15. Naghihintay noon si Paurillo sa dalawa pang operatiba ng Provincial Drug Enforcement Unit ng Iloilo Police Provincial Office (PDEU-IPPO) nang inabot siya ng mga Pulang mandirigma sa Barangay Teniente Benito, Tubungan, Iloilo.
Pinarusahan si Paurillo matapos mapatunayan sa rebolusyonaryong hukuman na siya ay mastermind o utak sa likod ng mga pamamaslang ng “riding-in-tandem” sa Iloilo, ayon kay Ka Ariston Remus, tagapagsalita ng Napoleon Tumagtang Command ng BHB-Southern Panay. Dagdag ni Remus, pinaiimbestigahan din ng sina Police Major Gervinson G. Moyo, Chief ng Provincial Intelligence Bureau (PIB), PSSg John A. Samiana, PSSg Jovie Baconaje, PSSg Joseph Setier, PCpl Felfranz Lumahang, at Pat. Alkaid John Halanes. Sila ay mga upisyal at tauhan ng PDEU-IPPO.
Isa sa mga huling insidente ng pamamaslang ng “riding-in-tandem” sa Iloilo ay si Jose Reynaldo “Ka Jory” Porquia, na pinagbabaril hanggang mapatay noong Abril 30 sa Barangay Sto. Niño Norte, Villa Arevalo, Iloilo City. Si Porquia ay kilalang lider-aktibista mula pa noong diktadurang US-Marrcos hanggang sa panahon ng rehimeng US-Duterte.