Protokol sa baryo pang-Covid-19, inihanda ng masa at hukbong bayan

Tuluy-tuloy ang kampanya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) para sa kalusugan ng mamamayan habang hindi pa naaapula ang pandemyang Covid-19. Sa 17 baryo sa Samar, tulong-tulong ang hukbong bayan at mga organisasyong masa sa paghahanda sa posibleng pagkalat ng sakit sa kanilang mga baryo. Nagtakda sila ng mga protokol pangkalusugan kada baryo sakaling may mahawa at naghanda ng mga pasilidad sa kwarantina.

Sunud-sunod na inilunsad ng mga Pulang mandirigma ang mga kampanyang pangkalusugan sa gitna ng masisinsing operasyong militar noong Hunyo. Sa isang larangang gerilya, nagbigay ng batayang pagsasanay medikal ang apat na yunit ng BHB sa mga komiteng pangkalusugan ng mga rebolusyonaryong organisasyon ng magsasaka. Pagkatapos nito, naglunsad ng klinikang bayan ang bagong-sanay na mga medik para sa tsek-ap, dental, menor na operasyon at tradisyunal na paggagamot. Mahigit 400 residente mula sa apat na baryo ang nakabenepisyo dito.

Sinaklaw ng mga yunit ng BHB sa 17 baryo upang magbigay ng edukasyon kaugnay sa Covid-19. Ipinanawagan ng mga Pulang mandirigma ang paggawa ng herbal garden, produksyon ng halamang pangmedisina tulad ng multivitamin, lagundi syrup at powder, at pagpapasigla ng produksyon para sa masustansyang pagkain.

Gayundin, sinisikap ng mga Pulang mandirigma na maging huwaran ng kalinisan at sanitasyon. Patuloy ang kanilang kampanya sa hanay ng mga yunit kung saan maramihan ang paggawa ng mga face mask, sinusunod ang itinakdang social distancing at tinitiyak ang kalinisan sa loob ng mga base. Ginagamit din ang mga tradisyunal na pamamaraan ng paggamot gaya ng akupangtura at mga herbal na medisina.

 

Protokol sa baryo pang-Covid-19, inihanda ng masa at hukbong bayan