#KwentongKasama: Ka Laura – kagawad ng midya, manunulat ng sambayanan

Ang #KwentongKasama ay serye ng mga kwento ng mga Pulang mandirigma sa rehiyong Bicol. Inilathala ito ng rebolusyonaryong kilusan ng Bicol sa pagdiriwang ng ika-52 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan.

Hindi ko pinangarap mag-NPA. Ang pangarap ko ay maging manunulat o journalist. Hangang-hanga ako sa napapanood kong mga reporter sa TV noong bata pa ako. Madalas nga ay binabasa ko nang malakas ang laman ng textbook kong Ingles habang nakaharap sa salamin. Kaya sa kolehiyo, ito ang kinuha kong kurso.

“Anak, mag-aral kayo nang mabuti ha. Hindi tayo mayaman kaya magandang edukasyon lang ang maipamamana namin sa inyo,” paalala sa amin nina Mama at Papa. Palibhasa, ginawa nilang araw ang gabi maitaguyod lang ang pag-aaral naming magkakapatid sa mga de kalidad na eskwelahan. Hindi naman namin sila binigo. Nakapagtapos kaming lahat ng kolehiyo. Kalaunan nga ay nakapagtrabaho ako sa isang malaking pahayagan. Abot-kamay na ang aking pangarap.

Para sa akin, marangal ang maging reporter o journalist dahil hindi siya pumapanig kahit kanino at naglalabas lang siya ng totoong balita. Malapit sa turo sa amin sa paaralan na maging “tao para sa ibang tao.” Sa madaling salita magsilbi sa iba. Kung sa pamamagitan ng pagsusulat makakapagsilbi ako sa tao, bakit hindi? Ito yata ang trabaho para sa akin.

Masaya magtrabaho sa dyaryo. Lalo akong ginanahan noong nakita ko na ang by-line ko sa ilang artikulong nailabas dito. Sabi ko sa sarili ko, “Sa wakas natupad ko rin ang pangarap ko!”

Hindi nga lang malaki ang sweldo sa ganitong trabaho. Umaabot lang nang P5,000 – P6,000 ang sweldo ko. Kakaltasan pa iyon ng SSS, PhilHealth at Pag-ibig. Natawa nga minsan ang papa ko nang humingi ako sa kanya ng pamasahe bago pa mag-a-trenta ng buwan. “Akala ko ba may trabaho ka na?” iiling-iling na sabi ni papa, habang bumubunot ng P100 sa wallet niya. “Ubos na po ang sweldo ko eh, pinambayad ko ng kuryente at tubig noong makalawa,” katwiran ko. Totoo naman talaga. Iyon ngang unang sweldo ko, napunta sa pambayad ng bills sa bahay. Ngani-ngani ko ngang pina-laminate ang mga resibo ng Meralco, MWSS at PLDT noon para magkaroon ako ng remembrans sa pinagkagastusan ko ng unang sweldo ko. Proud ako noon na hindi ito napunta sa pag-‘good time’ lang.

Unang nabasag ang idealismo ko nang mag-sideline ang ilang editor sa mga pulitiko noong panahon ng eleksyon. Hindi ba’t wala dapat pinapanigan ang mga journalist? Hindi ko masikmurang tumindig at lumikha ng mga artikulong nagtatanggol sa mga pulitiko. Para sa akin, kung ano ang mga pulitiko, iyon sila. Hindi sila dapat palamutian tulad ng ginagawa ng ilan sa mga nakatrabaho ko. Bagama’t ganoon ay may ilan din naman sa mga nakatrabaho ko ang may paninindigan. Mahirap lang kung ang nakasalang na ay ang trabaho nila.

Nagwelga kami ng mga katrabaho ko nang hindi na dumarating ang mga sweldo namin sa oras. Hindi rin kami pumayag na ipagpaliban ng kumpanya ang 13th at 14th month pay namin. Nalaman pa namin na hindi pala nagreremit ng mga SSS payments ang kumpanya ng dyaryo.

Hindi ko akalain na kahit ang establisimentong tulad ng sa dyaryo ay pagwewelgahan pa ng kanyang mga empleyado. “Alam mo mama, hindi ko kailangan magtrabaho sa pabrika para maranasan kung paano pagsamantalahan ng kapitalista.” Naibahagi ko noon sa Mama ko. Pinapaliwanag ko sa kanila ang naging welga namin noon at sinuportahan naman nila ako ni Papa dito.

Nanalo kami sa welgang iyon. Pero nag-resign pa rin ako. Napagtanto kong hindi ko kayang pagsilbihan ang isang ipokritong institusyon. Bagamat inimbitahan ako ng ilang editor na magtrabaho para sa kanila sa ibang pahayagan, hindi na ako bumalik sa pagsusulat doon. Minabuti kong magtrabaho sa isang institusyong nagtataguyod ng social action para sa mga kabataan. Mas malapit lapit ito sa pagnanais ko na magsilbi sa tao.
Hindi nagtagal, nagpultaym na ako sa pag-aaktibista. Naka-leave ako noon sa pinagtatrabahuan kong institusyon, pero hindi na ako bumalik. Nagalit noon si Mama. Dapat daw sana mas mataas na ang inabot kong posisyon sa trabaho ko. “Desisyon ko ang mag-aktibista mama,” katwiran ko sa kanya. Ipinaalala ko sa kanya ang kasunduan namin pagkatapos ko magtapos ng kolehiyo. Masama man ang loob kong nasagot ko siya, pinanindigan ko ang pag-alis sa amin mapatunayan kong kaya kong tumayo sa sarili kong mga paa. Magtetrenta na rin ako noon at hindi na bata para patuloy na umasa sa magulang sa lahat ng aking gagawin.

Matagal din akong nag-aktibista. Natuwa nga ako kasi, nagagawa ko pa ring magsulat noon. Hindi na by-line ang nagbibigay sa akin ng tuwa kung hindi ang makitang nagagamit ng masa ang sinusulat namin, mailathala ito sa pahayagan, mabasa sa radyo o TV at maka-udyok ng damdamin ng mamamayan na tama nga ang mga panawagan at kampanya para sa tunay na reporma sa lupa, nakabubuhay-na-sahod para sa mga manggagawa, trabaho para sa lahat, pagkilala at pagtalima sa karapatan ng mamamayan at iba pa dahil ito ang totoong mga saloobin nila. Sa wakas, sabi ko, may mga naisulat kami na may silbi para sa iba.

Inabot din ako ng panahong parang hindi ko na nararamdaman ang pag-unlad ko sa gawain. Totoo, marami kaming nakakamit na tagumpay sa kampanya pero parang paulit-ulit lang ang mga panawagan ng pagpapabagsak sa nagbabago-bagong rehimen. Ano pa ba ang pwede ko gawin?

Bago sumapit ang aking ika-40 kaarawan napayagan ako ng aking kolektibong makipamuhay sa kanayunan sa loob ng tatlong buwan. Sa maikling panahon, nakibahagi ako sa anibersaryo ng hukbo, sumama sa gawaing masa, magbuo ng ganap na samahan ng magsasaka, mag-ayos ng problema ng masa at iba pa.
Tapos na ang tatlong buwan, ngunit hindi pa ako makauwi dahil hinihintay ko pang matapos lutuin ng mga kasama ang pasalubong kong molido at tablea. “Paano ba yan Ka Laura, sa sunod pa atang linggo maluluto ang molido at tablea kasi hindi agad nakabili ng kamote ang hipag ni Ka Amon.” Tila humihingi ng paumanhin ang kasama. “Ano kaya kung mag-enrol muna ako sa IKP ninyo?” Hindi na noon kinailangang kumbinsihen ang kausap ko at agad akong isinama sa mga kukuha ng Intermedyang Kurso sa Partido.

Sa loob ng halos isang buwan, kinausap din ako ng mga kasama para makumbinsing magpultaym na sa hukbo. Hindi madaling magdesisyon. Ilang gabi ko rin itong iniyakan. Pero ang nakakumbinsi sa akin ay ang makita ko ang ilang mga kasama na may edad na na nagpapatuloy pa sa gawain.

Si Ka Rica, 41 taong gulang siya nung magpultaym siya. Mainit na kasi siya sa labas dahil masang aktibista siya na laging nangunguna sa mga rali. May diabetes siya ngayong 56 na siya pero masigla pa at mabilis pa maglakad. Si Ka Daren, 43 taong gulang nung magpultaym, ngayon 63 anyos na at medyo bingi at hindi nawawala ang UTI pero mahusay magbigay ng pag-aaral. At si Ka Ruben na 52 anyos na nang makaisip na magpultaym dahil “Kung hindi ako nag-NPA, malamang matagal na akong patay ko kasi lasenggo ako noon at maraming nakaka-away.”

Singkwenta’y pitong anyos na siya at lagi na siyang may migraine at madalas din atakehin ng arthritis, ngunit hindi nagsasawa sa pagpapaliwanag at pagbibigay ng pampulitikang edukasyon sa mga nakababatang kasama.

Ano ang idadahilan ko? Edad, dahil 40 na ako? Sakit, dahil makailang beses na din akong naoperahan? Wala akong dahilan kung itatapat mo ako kina Ka Rica, Ka Daren at Ka Ruben. Lahat sila nagpultaym dahil nakita nila na ito ang kasagutan sa problema ng masa. Panatag ako sa naging desisyon ko.

Hindi na ako umuwi. Ipinadala ko na lang sa mga kakolektibo at magulang ko ang molido at tablea kasabay ang sulat na pultaym na akong hukbo. Para sa mga kakolektibo ko bukod sa masaya sila sa pasalubong ay nagpaabot sila ng pangungumusta at kagalakan sa naging desisyon ko. Sina mama at papa? Hindi ko na kinailangang humingi sa kanila ng permiso. Una, matanda na ako. Pangalawa, mukhang dati naman na nilang nakukutubang mamumundok ako. Bagamat ayaw nila ay suportado nila ako anuman ang maging desisyon ko sa buhay. Nakabisita pa nga si Papa noong isang taon at nakilala niya ang mga kasamahan ko sa platun.

Nagsusulat pa rin ako. Pero hindi na para makita ang by-line ko, kundi para mabasa ng iba, pagkunan ng aral at impormasyon, ma-ahita at makakuha ng inspirasyon para higit na kumilos para lumaya mula sa pang-aapi at pagsasamantala.

Hindi ko pinangarap maging NPA. Malayo ito sa aking hinagap. Ngunit sa pagbyahe ko sa buhay nasaksihan at naranasan ko ang hirap. Sinikap kong bakahin ang lahat ng tendensiya ng nagmumula sa uring petiburygesya. Pinangibabawan ko ang lahat ng sakripisyo, paulit-ulit lamang na inaaalala at sinasagot ang tanong na, “Para kanino?”

Sinunod ko ang turo sa amin sa paaralang maging ‘tao para sa iba’. Kaya ako ay para sa kapwa ko, hindi na para sa sarili ko lang. Isang partidista at isang kasapi ng hukbo ng sambayanan.

#KwentongKasama: Ka Laura – kagawad ng midya, manunulat ng sambayanan