#KwentongKasama: Ka Dawani, Pulang Mandirigma, Nakikibaka para sa mga Mamamayang May Piniling Kasarian

Ang #KwentongKasama ay serye ng mga kwento ng mga Pulang mandirigma sa rehiyong Bicol. Inilathala ito ng rebolusyonaryong kilusan ng Bicol sa pagdiriwang ng ika-52 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan.

Pinangarap kong maging Ms. Universe. Bagets pa lang ako, mi-ne-may I try ko na ang mga sash ng mga kapatid kong rumarampa sa mga miss-miss tuwing may pa happy fiesta sa amin. Kapag may biglang nauubos na lipstick sa bahay, naku, warla! Ako ang salarin pero syempre, wit ako maispluk. Chika ko lang ha, burgundy ang bet kong color.

Confidence, check. Height, check. Age, check. Kaso may one and only thing na forever ako luz valdez. Nevermore itez mache-check para sa mga judge ng Binibining Pilipinas.

Hindi ako babae.

Yes, mga baks. I’m not a girl, not yet a woman ang drama ko. Bakla ako and proud to be, kahit bigo ang aking fly high, skyline pigeon fly, Ms. Universe dreams.

Ipinanganak ako sa isa sa mga liblib na baryo sa Camarines Sur. Ako ang panganay sa limang magkakapatid, at inaasahang magtaguyod ng aming pamilya sa panahong tumanda na ang mga magulang namin.

Maaga pa lang, tumigil na ako sa pag-aaral. Una, wala naman talaga kaming pera. Kinailangan kong tumigil para si bunso naman ang makapag-aral. Sabi ni mama, sapat naman na sigurong natutunan ko nang magbasa, makapag-add, subtract, multiply at divide. Aanhin ko pa nga namang maghanap ng x and y, kung ang katapat ko naman sa bukid ay kalabaw at palay?

Pero maliban pa roon, nahirapan akong makibagay. Hindi ko alam kung paano kumalat ang deepest darkest secret kong nagka-crush ako sa escort ng klase namin. Pero ayun na nga, ladies and gentlemen, mabilis pa sa tsunami walk ni Ate Shamcey kumalat ang tsismis. Ang reaction ng mga kaklase ko ‘kala mo naman may minasaker ako. Sinugod ako mga ‘teh!

Malaki akong tao, pero kapag pinagtulungan ng lima, talo ang beauty ko, ‘di ba? Para akong higanteng pinagtulung-tulungan ng mga dwende. ‘Edi ayun, diretso sa inidoro ang mukha ko.

Araw-araw ko na ring hinarap ang mga kantyaw na, “Sayang, gwapo ka pa naman,” “Ang laki-laking tao, bakla naman” at “Naku, magagalit sa’yo ang Diyos.”

Mahirap na, sabi ko sa sarili ko. Hindi na lang ako mag-aaral. At mabuti na rin sigurong umalis muna sa paaralan, mas may pakinabang pa ako sa pamilya ko.

Ang totoo, pinangarap kong sumikat dahil tingin ko, doon mabilis kumita para makaipon ng pera at mapaaral ang aking mga kapatid. Ang aking mga shupatembang, napahilig lang din sumali sa mga pageant dahil sayang ang premyo. Maganda naman ang lahi namin kaya sureballs kahit man lang runner-up. P500 din ‘yun. Bonus pa kung may sikat na talent manager na makarating sa pageant at humanap ng model. Hindi naman ako maka-join, at busy ako lagi sa bukid kaya make-up artist at designer na lang nila ako.

Kalaunan, ganoon na ang naging takbo ng aking buhay. Sa loob ng bahay, ako si Paloma. Hindi na rin naman nakialam ang mga magulang ko kung ano ang pinili kong kasarian kasi most industrious naman ako sa produksyon. Pero paglabas ng bahay, nag-eevolve akez. Kailangan kimkimin ang the lady in me. Kaya sa baryo, ako si Kardo – batak sa trabaho, kargador ng palay at lukad, taga-kolekta ng mga taya sa jueteng, kristo sa mga sabungan, karpintero. Oo, pinasok ko lahat ‘yan. Mahirap kumita, baks. Tumatanda na kaya sina Mama at Papa. Hirap na silang pumunta sa bukid. May apat pa akong kapatid na kailangang pag-aralin.

Pero may pakinabang din naman ang paggagala ko. Dahil doon, madalas kong makasalubong ang mga kasama. Minsan pa nga, doon sila sa bahay namin nakipahinga. Mababait sila. Hindi ako nakarinig ng kantyaw sa kanila. Madalas, nakikipagtalakayan sila kina Mama at Papa tungkol sa mga kasalukuyang isyu.

“Hay naku, ‘Nay, wala nang ginawa si Duterte kung hindi patayin ang mga tao,” kwento ng isang kasama. Isang beses, nakipagtalakayan din ako sa kanila. Paliwanag nila, mayroong tatsulok sa lipunan – ang pinakatuktok, ang pinakamaliit na bilang ng populasyon, ang mga naghaharing-uring nananamantala at nang-aapi sa iba pang uri. Ang layunin ng rebolusyon, anila, ay baliktarin ang tatsulok na iyon! Bet!

Isang beses, may nangahas na magtanong sa akin, “gusto mo bang sumama sa amin?”

Sagot ko, “Pwede rin bang sumali ang mga bakla sa inyo?”

Ngumiti lang sa akin ang kasama, at sinabi sa akin, “Oo naman. Bakit hindi?”

Ilang linggo rin akong nagmuni-muni bago ako sumama. Try lang. Sabi nila, basta magdala ako ng ilang damit at gamit-katawan. Maliit na bag lang daw ang dalhin ko. Malalayo ang lakaran at baka manibago pa raw ako. Sinunod ko naman ang payo nila, pero tiniyak kong madala ko ang isa pang maliit na sling bag. Siyempre, hindi kumpleto ang buhay ko kung wala akong lipstick, salamin, suklay at yosi. Yes, mga mars, dapat beautiful pa rin kahit shogod sa walkathon.

Hindi naman ako hinusgahan ng mga kasama. Ang nakakatuwa nga, tinatanong nila ako sa mga karanasan ko. Kapag naglalagay ako ng lipstick – oo, kahit sa kalagitnaan ng lakaran – hinahayaan nila ako, basta’t hindi makaapekto sa seguridad. Syempre, noong una, nashokot din ako na baka may lumitaw na mala-Ms. Minchin na biglang mang-confiscate ng mga beauty items ko. Thankfully, hindi naman nila kinuha sa akin.

Pero hindi naman perfect ang world. Kahit sa loob ng Hukbo, mayroon pa rin namang ilang pangangantyaw. Dahil pyudal nga ang lipunan, maski naman sila ay naninibago at nag-aaral kung paano makikitungo sa akin. Hindi ko naman sila masisisi at kalakhan din sa kanila ay lumaki sa mga baryo kung saan kakaiba at kakatawanan pa ang konsepto ng mga taong may piniling kasarian. Minsan, tinatawag nila akong princess. Minsan, nang-aasar din sila. Matatsaron nga naman ang mga Bikolano. Ang maganda lang sa mga kasama, may PPS kami. Kapag pinupuna ko sila, handa silang magwasto. Handa silang matuto. Handa silang makinig.

Dito, sa loob ng Hukbo, nagkaroon ako ng pagkakataong matuto ng marami pang bagay nang hindi natatakot na isang maling kibo, isang sobrang kembot, nakalublob na naman ang mukha ko sa inidoro. Hindi ako tinignan ng mga kasama batay sa kasarian ko. Tinignan nila ako bilang ako – bilang kasama. Nakita nila ang potensyal ko bilang tao. Pinadalo nila ako sa treyning medikal at pangkultura. Sa iba’t ibang antas ng pag-aaral, pinaliwanag nila sa akin ang daigdig – na ang lugar at karapatan ng mga taong may piniling kasarian ay hindi naman hiwalay sa internasyunal na pakikibaka para sa kasarinlan ng masang inaapi’t pinagsasamantalahan.

May nakilala pa nga akong isang kasama, pangarap niyang maging CO at makabuo ng isang pink platun. Ngayon, supply officer siya ng isang yunit at masigasig na manggagawang pangkultura.

Ang totoo, dito ko natupad ang aking Ms. Universe dreams. Araw-araw ay question and answer portion sa masa. Sa totoo lang, mas challenging pa ngang rumampa sa mga pilapil at kogonan. Ang sash nga lang namin ay hindi gawa sa makikintab na tela, kung hindi ang ispesyal na pagmamahal at suporta ng masa saanman kami mapunta, anuman ang aming kasarian.

Sa wakas, nahanap ko ang lugar kung saan hindi ko kailangang pumili sa pagitan ng pagiging si Paloma o si Kardo. Ako na si Ka Dawani, isang Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.

At higit na matingkad, at malayang mag-shine bright ang mga dawani sa kanayunan. Tara, baks, sampa na!

*Ang dawani ay Bikolano para sa bahaghari.

#KwentongKasama: Ka Dawani, Pulang Mandirigma, Nakikibaka para sa mga Mamamayang May Piniling Kasarian