Sakuna: Pasakit ng imperyalistang US at naghaharing-uri sa Timog Katagalugan

PAMBUNGAD

Kinakaharap ngayon sa buong daigdig ang dumadalas at papatinding pananalasa ng mga sakunang resulta ng mabilis na pagbabago ng klima. Resulta ito ng sakim at mabagsik na kampanya ng pagdambong at malawakang pangwawasak sa kalikasan ng monopolyo kapitalismo para sa super tubo kasabwat ang mga lokal na mga naghaharing uri sa mga kolonya’t malakolonyang bansa. Ang malawakang paglalabas ng greenhouse gases sa atmospera na nagmumula sa operasyon ng mga empresang monopolyo kapitalista sa enerhiya, manupaktura, transportasyon, industriyang pang-agrikultura, mina, konstruksyon at iba pang mga proseso kaalinsabay ng pagwasak at pagkalbo sa mga kagubatan at kabundukan ang nagpapalala sa mga pagbabago ng klima na nagdudulot ng malawakang pagkawasak at pagkawala sa buhay, kabuhayan ng tao, maging ng iba pang buhay sa buong daigdig. Inilalagay nito sa panganib ng pagkalipol ang tao sa daigdig.

Bagama’t karaniwan nang daanan ng kalamidad ang Pilipinas, mauugat ang pagtindi ng mga kalamidad sa tuluy-tuloy na pagkakalbo ng mga kagubatang winasak ng malawakang pamumutol ng puno mula dekada 1950, sa kasagsagan ng pananalasa ng mga logging concessionaire at pagsisimula ng mga operasyon ng mina. Pinakamatitindi ang tama—malakihan at malawakang pagbaha, pagguho ng mga lupang sakahan at mga komunidad sa mga lugar kung saan pinaka-nanalasa ang mga ito—sa Timog at Hilagang Luzon, ilang bahagi ng Visayas at sa Mindanao. Dahil dito, ang mga lugar na dati nang tinatamaan ng bagyo ay paulit-ulit na dumaranas ng papalalang delubyong epekto nito at ang mga lugar namang hindi napapasok ng bagyo tulad ng kalakhan ng isla ng Mindanao, maging ang isla ng Palawan ay madalas nang napapasok at dinadaaanan ngayon na lubhang nagpapahirap sa mamamayan.

Sa rehiyong Timog Katagalugan, tampok noong 2020 ang sunud-sunod na bagyong tumama sa bansa (Nika, Ofel, Pepito, Quinta, Rolly, Siony, Tonyo, at Ulysses) mula Oktubre hanggang Nobyembre na nagdulot ng matinding pagbaha at nagpalubog sa ilang mga komunidad sa Cavite, Laguna at Rizal. Liban sa palagiang daanan ng bagyo, signipikanteng bilang din ng mga mga proyekto at mapaminsalang operasyon sa kalikasan ang nakalatag sa rehiyon. Sa CALABARZON nakakonsentra ang mga engklabo, proyektong pabahay sa mga kalunsurang bahagi. Samantalang matatagpuan sa mabundok na bahagi ng Batangas, Rizal at Quezon ang mga operasyon ng quarry at dambuhalang mga dam. Sa baybaying mga bahagi nito matatagpuan rin ang mga proyektong reklamasyon at dredging. Samantala sa MIMAROPA nakakonsentra ang malalaking minahan, pinakamarami sa Palawan. Sa Mindoro, nakapwesto ang dambuhalang proyektong enerhiya tulad ng Sta. Clara hydropower habang nakaambang mag-opereyt ang mga dambuhalang operasyon ng mina matapos alisin ang 25-taong mining moratorium sa Oriental Mindoro.

Higit na nakakaalarma ang dinanas ng ilang mga probinsya sa bansa sa pagpapalit ng taong 2022 at 2023 kung saan dahil lamang sa mga Low Pressure Area at Shear line na nagdulot ng tuluy-tuloy na pag-ulan ay lumubog ang ilang mga bayan sa marami-raming probinsya sa buong bansa kabilang ang Brooke’s Point sa Palawan.

Kung gayon, nararapat na bigyang pansin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang usapin ng mga sakunang dulot ng pagbabago ng klima (climate disaster) at singilin at papanagutin ang imperyalismong US at mga naghaharing uring malalaking kumprador-panginoong maylupa sa malaking krimeng ito laban sa sambayanang Pilipino. Inilalabas ng KARED-TK at National Democratic Front- Southern Tagalog ang Sakuna: Pasakit ng imperyalismong US at naghaharing-uri sa Timog Katagalugan, isang photobook ng mga naganap na sakuna sa rehiyon para patampukin ang tumitinding epekto ng mga kalamidad sa buhay, kabuhayan at kalikasan ng mamamayan. Dapat patuloy na imulat ang masa sa tunay na ugat at kadahilanan ng mga sakunang ito at singilin at papanagutin ang estado at mga imperyalista sa mga krimen nila sa sangkatauhan sa ngalan ng kanilang tubó.

Inilabas ng KARED-TK at NDFP-ST

Sakuna: Pasakit ng imperyalistang US at naghaharing-uri sa Timog Katagalugan