ni Emilio Jay Isang Sulyap sa Buhay UG

,

 

(Si Emilio Jay ay dating staff ng Kalayaan, opisyal na pahayagan ng Kabataang Makabayan, noong maagang bahagi ng dekada 80, panahon pa ng diktadurang Marcos Sr. Pinagbigyan niya ang hiling ng Liberation na isulat ang personal niyang karanasan sa paglalabas ng publikasyon at buhay UG nila bilang isa sa manunulat noon ng Kalayaan. Bahagi ito ng pagsisikap ng Liberation na mangalap ng karanasan at aral sa gawaing prop na maari nating isabuhay sa kasalukuyan. Narito ang kanyang kwento.—Editor’s Note).

 

Bilang mga writers at kagawad ng isang UG (underground) publication katulad ng Kalayaan noong panahon ng martial law, tingin namin mas “malaya” kaming nakakapagpahayag bilang mga manunulat dahil sa veil of secrecy at katangian ng publikasyon. Panahon ito ng matinding censorship sa ilalim ng diktador na si Marcos Sr at iilan lamang ang pahayagang dinadaluyan ng mga balita at kwento tungkol sa tunay na kalagayan ng bansa at mamamayan at ng rebolusyon.

Karamihan sa amin ay bahagi rin ng mainstream media—kahit na yung mga dyaryong rabid pro-Marcos dictatorship na siyang dominante sa panahong iyon. Nagsusulat kami ng mga “neutral” articles para ma-establish ang aming credibility, at syempre, kaunting pandagdag na rin sa allowance.

Dahil myembro kami ng mainstream media kumbaga, pinalalapad din namin ang mga kakilala, kaibigan at kontak, kasama na rito ang nasa larangan ng art and culture at kahit sa pelikula. Katunayan nga, dahil sa mga kaibigan sa film industry, madalas naiimbita kami ng libre sa mga review o premiere showing ng mga acclaimed films. As much as possible pilit naming “nilalangoy” ang mga burges na institusyon, personahe at pulitiko, mga kaibigan sa eskwela, at syempre sa aming mga pamilya bilang bahagi ng alliance work at pagpapalapad ng UG network namin.

Updated sa Balita

Nakabase sa National Capital Region ang aming yunit propaganda. Hindi man kami tuwirang nakalahok sa mass work, may mga nag-i-integrate sa kanayunan o sa urban poor mula sa amin na sumama sa mass work. Kung papayagan ng kalihim namin, lumalahok din kami sa ilang pagkilos o rallies.

Ang network ng mga ND UGMOs (underground revolutionary mass organizations) ang aming network na pinagkukunan ng balita at para maisulat ang artikel, partikular sa hanay ng YS (youth at students) na pangunahing target audience ng Kalayaan.

Kung balita mula sa kanayunan, Ang Bayan pa rin ang source namin pero kapag may myembro o kakilala na nag-integ sa isang sona, binibilinan na mag-uwi ng interbyu ng mga kasama, laluna na mga NPA at masa, o magsulat hinggil sa kalagayan sa pinuntahang lugar. Isang source din namin ang ibang UG publications na kaugnayan namin.

Dahil di pa online ang news noon, may regular suplay kami ng at least dalawang dyaryo sa bahay—isang pinaka-reaksyonaryo at isang liberal na dyaryo—para updated kami lahat sa nangyayari. Importante sa amin bilang mga propagandista na malaman din ang inilalabas ng dyaryo ng diktadura para makita ang trends at takbo ng isip nila. Updated din kami sa mga tsismis sa showbiz (wala pang salitang chika o marites noon). Minsan pang-relax, binabasa namin ang mga tsismis ng mga kilalang showbiz writers na hindi maintindihan ang lingo, kaya dine-decipher pa namin! Mahalaga ring updated kami sa mga gamit na salita ng mga writers na ito.

“Press House”

Katulad nang naging kalakaran sa panahong iyon, mayroon din kaming UG house na “press house” na rin namin.

Batay sa napagkaisahang frequency ng labas ng publication, nagpupulong muna para ihanay ang mga isusulat at ilalabas; kapag nai-submit na lahat ng isinulat, inuupuan ito at nagkakaroon ng collective editing (iba pang yung proof o copy editing). Ang tinututukan ng collective editing ay kung tama ang mga pormulasyon, linya, pagsusuri at datos na isinulat. Kung wala namang nakitang mali, mabilis lang na naaapruba. Bihira ang mga pagtatalo dahil nagkakaisa naman sa pananaw sa mga isyu at usapin.

Dahil hindi pa digital noon, dalawang maliit na typewriters ang gamit namin sa aming UG house at “media center”. Later on pa kami nagkaroon ng electric typewriter. Usually sa gabi ang pag-type para hindi magtaka ang mga kapitbahay. Depende kasi sa kondisyon ng UG house, kailangang may prente gaya ng mga istudyante kaming gumagawa ng research at thesis.

Ang ginagamit na sistema sa paggawa ng lay-out ay sa pamamagitan ng stencil (dahil mainly mimeographed ang publication). Binibilang ang kada linya at espasyo sa isang pahina. May toka rin ang lahat sa pagta-type sa typewriter. Pero kung may volunteer na mag-type, masaya ang lahat!

Ang mga pinal na stencils ay pinapasadahan ng kalihim at managing editor bago ipadala sa production house o ang Central Publishing House kung saan pinoprodyus ang kopya batay sa pangangailangan. May ibang yunit naman para sa distribusyon ng mga kopya. Ang lugar ng prod house ay dalawa lang mula sa staff ang nakakaalam for security reasons, usually kalihim at yung itinokang “technical staff/liaison” sa prod house.

Matapos mailabas ang issue, nagkakaroon ng mga assessment. Hindi naman nagiging madugo, pero marami ding komentaryo na “sana napahusay pa” ang mga naisulat.

Mahigpit sa Sekyu

Wala kaming na-enkwentrong mga problema noon sa sekyu dahil una, mahigpit kami sa pag-obserba noon ng collective sekyu. Wala pang cellphone noon kaya kung hindi ka makarating on time sa pampublikong lugar ng itinaktadang kitaan, ang policy ay lumipat sa pangalawang lugar kitaan. Bawal noon ang maghintayan at magbabad sa pampublikong lugar. Mahigpit ang pagsunod sa mga security policies. Kung may napansing kakaiba sa pampublikong kitaan, lumilipat na agad ng lugar. Gasgas na ang mga meeting point tulad ng mga fastfood chains dahil ginagamit nang madalas ng iba. Pinipili naming magpulong sa mga maliliit na resto—turo-turo o karinderya.

Minsan nga nag-usap kami sa isang maliiit na resto sa may Retiro (na inuman rin pala) at may tumutugtog nang napakalakas na disco music (ano na nga ba ang tawag ng mga kabataan dito ngayon?) e halos hindi na kami magkaintindihan. Yung kalihim namin na mahilig sa classical music lumapit sa isang waitress at nagrekwes na palitan yung music. May baon pala syang casette ng classical music at yun ang pinatugtog! Nagbago bigla ang ambience sa resto cum inuman na napupuno na ng tao at that time, at pinagtitinginan na kami! Kahit na yung mga waitress na paindak-indak na sa disco music biglang natigil dahil sa classical music. Kaya after a few more minutes pack up na kami!

Sa UG house naman namin, usually sinasabi namin sa landlord na either magpipinsan kami o magkakaeskwela galing prubinsya. Minsan nagkakamali-mali kami ng banggit sa landlord kung ano nga ba ang relasyon namin sa isa’t isa. Halimbawa, hindi alam nung isa na pinsan pala dapat sya ng isa pa!

Gaya ng SOP sa UG house sekyu noon, kapag may problema na sa bahay, pilitin maglagay ng senyales o danger sign (tulad ng pagbubukas ng isang bintana na hindi normal na binubuksan na tanaw sa entrada ng bahay, o pagsasampay ng isang piniling damit sa isang bintana na tanaw sa labas ng bahay) bilang babala sa iba pang nakatira sa UG house na huwag nang tumuloy pa. Dahil lagi akong maraming dalang langgonisa sa UG house (gawa ng nanay ko bilang negosyo nya), ang naging usapan namin ay magsabit ng kabit-kabit na longganisa sa bintana. Sa kabutihang palad hindi pa nangyari ito, at ang mga longganisa ay sa tiyan namin napunta lahat!

Syempre gumagamit rin kami ng koda sa mga pangalan. Dahil makukulit, gumamit kami ng mga kakatwa at nakakatuwang mga pangalan. Halimbawa: Liz Arda, Jem Acruz, Jess Zobel, Jake Kery, Jam Boree.

Collective Lahat

Ang buhay naman sa UG house namin, syempre collective lahat—sa paglilinis, pamamalengke, pagluluto, paghuhugas ng plato (liban sa paglalaba). Hati-hati sa simpleng ulam at kanin. Maraming beses din dahil nga sa negosyo ng nanay ko na meat products ang ulam namin gaya ng longganisa o corned beef o tapa. Kung walang-wala, pritong GG (galunggong) madalas.

Minsan nagpiprito ng GG yung kasamang natokahang magluto, pero di nya napansin na yung gamit nang mantika e may nalaglag na butiki! Nung mapansin nya, halos naprito na lahat, pero may ilang piraso pang hindi naprito. Agad nyang pinalitan ang mantika para tapusin ang hindi pa naprito. E dahil gutom na lahat kahit nalamang may nahalong butiki sa mantika, ang ginawa para fair sa lahat, hinalo halo ang isda para hindi makapili kung alin ang naprito na may butiki! Ang magreklamo hindi kakain. Nabusog naman kami lahat!

May panganib man, masaya pa rin ang buhay UG.

Isang Sulyap sa Buhay UG