(Primer) Labanan ang malalaking negosyo ng hydropower dam!
Labanan ang malalaking negosyo ng hydropower dam!
Ipagpatuloy ang magiting na kasaysayan ng Kordilyera sa pagtatanggol ng lupa at rekurso laban sa mapandambong na mga negosyong kapitalista!
Mayo 2024
Inihanda ng
Cordillera People’s Democratic Front-Kalinga
Balangkas
I. Ang TUBIG ay rekursong mahalaga sa mamamayan.
II. Mayaman sa tubig at mga ilog ang probinsya ng Kalinga at ang mga ito’y gustong agawin at pagkakitaan ng mga imperyalista at lokal na naghaharing-uri.
III. Sa loob ng rehimeng US- Marcos Jr. dumami ang mga kapitalistang gustong gawing negosyo ang mga katubigan ng Pilipinas, kasama na ang mga nasa Kalinga.
IV. Mga kasinungalingan ang ipinagkakalat ng mga kapitalista upang malinlang ang mamamayan na pumayag sa mga dam.
V. Nagkukuntsabahan ang mga lokal at dayuhang kapitalista upang pagkakitaan ang kalupaan at mga rekurso ng Kalinga. Parepareho nilang inaasam ang pinakamataas na tubo nang walang pagtatangi sa mga karapatan ng mamamayan at sa pangangalaga sa kalikasan.
VI. Ang rebolusyonaryong gobyerno ng mamamayan ang siyang nagtataguyod ng karapatan ng mamamayang makinabang sa lupa at mga rekurso dito, habang pinangangalagaan ang kalikasan para sa mga susunod na salinlahi.
VII. Ipinagpapatuloy at higit pang i-aabante ng mamamayan ng Kordilyera ang kanilang magiting na kasaysayan ng pagtatanggol sa lupa, katubigan at iba pang rekurso laban sa mga nais mandambong dito.
Nakatatak sa kasaysayan ng Kordilyera ang laban na pinamunuan ni Macliing Dulag upang sagkaan ang Chico River Basin Development Project na pinagpilitang ipatayo ng diktador na Ferdinand Marcos Sr. at ng IMF-World Bank. Magiting na tinanganan ng mga taga- Kordilyera ang armas upang labanan ang nasabing dam. Namobilisa ang malawak na mamamayan mula sa iba-ibang uri at sektor, sa loob at labas ng Kalinga. Hindi sila natinag sa harap ng pasismo ng diktadurang US-Marcos Sr. Imbes na matakot ay lalo pang lumakas ang pakikibaka ng mamamayan at lumawak ito sa buong Kordilyera pagkatapos ng pagpatay ng AFP kay Ama Macliing.
I. Ang TUBIG ay rekursong mahalaga sa mamamayan.
Kailangan ng tao ang tubig upang mabuhay. Kailangan ng ligtas na tubig-inumin sa araw-araw. Kailangan ito upang mamintina ang kalinisan at kalusugan.
Lalong napakahalaga ng tubig para sa mga magsasaka dahil hindi mabubuhay, hindi lalaki at magbubunga nang tama ang mga pananim kung kulang ang tubig. Sa loob ng malakolonyal at malapyudal na sistemang hindi nalalaanan ng sapat na pondo ang pagkukumpuni ng mga pampublikong irigasyon, malaking balakid sa pagpapataas ng produksyon ang kakulangan ng tubig na dumadaloy sa mga palayan.
Ganun ding napakahalaga ng tubig sa iba pang kabuhayan ng mamamayan. Ang mga ilog at sapa ay pinagkukunan ng isda at iba pang yamang-tubig. Mahalaga din ang tubig sa mga maliliit na minero na nagpa-panning at naggigiling ng naba sa ballmill.
Lalong nadama ng mamamayan ang kahalagahan ng tubig at ng kakulangan nitong dumaan ang Pilipinas sa matinding tagtuyot o El Niño. Nadadagdagan ang mga palayang naiwang nakatiwangwang dahil di na inabot ng irigasyon. Sa kapatagan ng Kalinga, natagalan ang pagdating ng tag-ulan at nadiskaril ang kanilang siklo ng pagtatanim. Siguradong maaapektuhan ang ani.
II. Mayaman sa tubig at mga ilog ang probinsya ng Kalinga at ang mga ito’y gustong agawin at pagkakitaan ng mga imperyalista at lokal na naghaharing-uri.
Ang probinsya ng Kalinga ay mayaman sa mga ilog at sapa, kaya naman nabubuhay dito ang iba’t-ibang pananim na nakakain. Ang Tabuk ang pangunahing pinanggagalingan ng bigas para sa buong Kordilyera. Ganun ding signipikante ang napapasulpot ng Kalinga na mais, kape, saging at iba-ibang beans.
Pero imbes na paunlarin ang mga katubigan para sa pangangailangan ng mamamayan, lalo na para sa sapat na pagkain, ang mga ito ay nilalako ng reaksyunaryong gobyerno ni Marcos Jr. sa mga dayuhan at lokal na kapitalista.
Sa buong Cordillera Region, may 100 negosyong hydropower na aprubado ng Department of Energy (DOE). Kasama sa pambansang prayoridad, lahat ng mayor na ilog sa Kalinga ay balak tayuan ng mga kapitalista ng negosyong dam:
III. Sa loob ng rehimeng US-Marcos Jr muling dumami ang mga kapitalistang gustong gawing negosyo ang mga katubigan ng Pilipinas, kasama na ang mga nasa Kalinga.
Ito ay tulak ng krisis sa klima. Ang walang-kontrol na pagsusunog ng petrolyo (gasolina at diesel) at miniminang karbon (coal), pangunahin ng mga negosyong kapitalista, ay nagbubunga ng carbon dioxide at iba pang klase ng hangin na bumabalot sa mundo. Ang naiipong carbon dioxide at iba pang gas ay pumipigil sa normal na paglabas ng init kaya’t mabilis na tumataas ang temperatura ng mundo.
Nagkaisa ang mga imperyalista na maghanap ng mga alternatibo na panggagalingan ng enerhiya. Dahil dito, bumukas bilang panibagong pagkakataong kumita ang mga negosyo ng renewable energy. Kabilang dito ang mga dam na magpapalabas ng enerhiya mula sa agos ng tubig (hydropower), mga windmill na hahamig ng lakas ng hangin at plantang solar na mangongolekta ng sinag ng araw.
Naglalaway si Marcos Jr. at ang kanyang mga alipores na makibahagi sa pondong ibinukas ng mga imperyalistang bansa para sa pagharap sa krisis sa klima. Todo-bigay ang mga pribilehiyo sa mga kumpanyang ito. Sinigurado ng reaksyunaryong gobyerno na ang mga insentibong pabor sa mga kapitalista ay naisabatas sa Renewable Energy Act 2008 (REA) at sa Electrical Power Industry Reform Act 2001 (EPIRA). Dagdag na iniutos ni Marcos Jr. sa Department of Energy ang paglabas ng sirkular na nagpapahintulot ng buong-buong (100%) pag-aari ng mga dayuhan sa mga negosyo ng renewable energy sa Pilipinas. Kaakibat nito ang pagtutulak ni Marcos Jr. na maamyendahan ang Konstitusyon ng Pilipinas upang payagan ang buong-buong pagmamay-ari at pamumuhunan ng mga dayuhan sa mga negosyo sa Pilipinas.
Inilibre ng reaksyunaryong gobyerno sa pagbabayad ng buwis ang mga negosyong RE sa loob ng 7 hanggang 21 taon. Kapag magbabayad na sila ng buwis ay ibinaba ito sa 10 porsyento ng kabuuang kita ng kumpanya imbes na 30 porsyento. Hindi din maniningil ng value added tax (VAT) sa pagbebenta ng mga kumpanyang ito ng kuryente.
Kasama din na pang-engganyo sa mga dayuhan ang pinabilis at pinadaling pag-apruba sa kanilang aplikasyon at pagguguwardiya sa kanila ng AFP, PNP, CAA at mga intel.
IV. Mga kasinungalingan ang ipinagkakalat ng mga kapitalista upang malinlang ang mamamayan na pumayag sa mga dam.
Maraming pangako ang mga kumpanyang nagnenegosyo sa RE, pati na ang gobyerno, para mapapayag ang mga mamamayan na papasukin ang mga ito. Bababa daw ang singil ng kuryente, hindi na magkaka-brown out, may dagdag na mga trabaho, mababayaran ang sasakuping lupa, may porsyento ng kitang mapupunta sa lokalidad, mga iskolarship at iba pang serbisyo, at hindi masisira ang kapaligiran.
Sa esensya ang mga proyektong ito ay negosyong pangunahing itinayo para kumita nang malaki ang may-aring kapitalista. Upang makapagkamal ng super-ganansya, inaagaw nila ang lupa at kabuhayan ng mamamayan. Sa tulong ng kanilang mga kasosyo at kakuntsabang lokal na naghaharing-uri at reaksyunaryong gobyerno, nakikitil ang mga karapatan ng mamamayan.
Ang kuryenteng ilalabas ng mga kapitalista ay ibebenta nila kaya’t di bababa ang singil. Ang kakarampot na PhP 0.01/kwh na ililimos ng kumpanya ay dadaan sa lokal na gobyerno (LGU) kaya’t di siguradong aabot sa mamamayan. Karamihan ng dagdag na mga trabaho ay sa panahon ng konstruksyon kung hindi kukuha ng sariling mga trabahador ang contractor. Iilan lang, kung mayroon man, mula sa lokalidad ang nagtataglay ng sapat na pinag-aralan at kakayanan para mailagay sa mga regular na pusisyon.
Hindi din totoo na maka-kalikasan ang mga negosyong ito. Maraming puno ang puputulin ng kumpanya, may polusyon at pagkasira na idudulot sa kapaligiran tulad ng pagkabutas ng lupa. Ang gagawing drilling ay sinasamantala ng kumpanya upang kumita mula sa mga mineral na mabubungkal nila.
May mga komunidad na mababaha at ang iba naman ay mawawalan ng tubig dahil sa dam. Ang mga komunidad sa baba (downstream) ng dam ay makakaranas ng biglaang pagbaha. Ito ang nangyari sa mga taga- Pangasinan, na nasa baba ng San Roque Dam, noong Bagyong Pepeng at Ondoy noong 2009. Maliban sa putik, mga bato at dumi, sasabay din sa tubig-baha ang mga nakalalasong pestisidyo mula sa mga sakahan at mga kemikal mula sa mga minahan.
Ang mga komunidad naman sa unahan (upstream) ng dam ay makararanas ng siltation o pagka-ipon ng lupa na magpapababaw at magbabara sa daloy ng tubig. Anuman ang disenyo ng dam ay may mababawas sa dami ng tubig na libreng pakinabangan ng mamamayan – lalo na para sa irigasyon ng mga tanim at para sa pangangailangan ng bawat tao sa araw-araw. Kailangan kasing ikonsentra ang daloy ng tubig, sa pamamagitan ng malaking dam o tunnel o pagtitipon ng daloy ng ilang katubigan, upang malikha ang kuryente.
Ang mga maliliit na dam, kung serye o magkakasunod sa iisang ilog, ay parehas din sa malaking dam ang epekto. Di rin totoo ang sinasabing mas kaunti ang masamang epekto ng mga run of the river na plantang hydro. Magtatayo pa din ng dam kung saan iipunin ang sapat na tubig na kinakailangang dumaloy sa tunnel patungong turbine. Kilo-kilometro ang haba ng kanal o tunnel na gagamitin.
Ang mga hayop at halamang nabubuhay sa katubigan ay maaapektuhan din ng pagbabago ng dami at daloy ng tubig. Maaari silang maanod dahil lumalim ang tubig sa dam o naging masyadong malakas ang agos ng tubig papasok sa tunnel. Mamamatay din ang mga hayop at halaman sa bandang upstream kung bumabaw ang tubig at dumami ang nakahalo ditong lupa (siltation).
V. Nagkukuntsabahan ang mga lokal at dayuhang kapitalista upang pagkakitaan ang kalupaan at mga rekurso ng Kalinga. Parepareho nilang inaasam ang pinakamataas na tubo nang walang pagtatangi sa mga karapatan ng mamamayan at sa pangangalaga sa kalikasan.
Ang mga kapitalistang negosyo ay nagkakasuportahan sa mga interes na magkakasama silang magbebenipisyo. Halimbawa, ang malalaking minahan, pati na ang iba pang negosyo ng mga kapitalista (tulad ng mga pasyalan ng turista o ng mga subdivision para sa mayayaman), ang pangunahing magbebenipisyo sa suplay ng kuryenteng ilalabas ng mga plantang hydroelectric.
Ang mga malalaking minahan ay umaagaw ng tubig para sa kanilang operasyon, pumuputol ng maraming puno na nagsisilbing watershed ng mga ilog, at nagtatapon ng dumi sa mga ilog at sapa. Sa buong Kordilyera ay may nakaamba na 104 na aplikasyon para sa iba’t-ibang klase ng pagmimina. Tampok dito ang Mineral Production Sharing Agreement na iginawad sa Makilala Mining Corporation Inc. sa Balatoc, Pasil na aprubado na at mag-uumpisang itayo ngayong 2024. Ang Makilala ay pag-aari ng Australyanong Celsius Corporation.
Ang plantang geothermal na balak itayo ng Chevron sa Pasil ay magdudulot ng pagkalason ng katubigan. Ang Wind Energy Power Project na balak itayo sa pagitan ng Balbalan sa Kalinga at Malibcong sa Abra ay sisira sa mahalagang watershed o kagubatan na pinagmumulan ng mga ilog.
VI. Ang rebolusyonaryong gobyerno ng mamamayan ang siyang nagtataguyod ng karapatan ng mamamayan na makinabang sa lupa at mga rekurso dito, habang pinangangalagaan ang kalikasan para sa mga susunod na salinlahi.
Itinataguyod ng rebolusyonaryong kilusan ang pangangailangan sa enerhiyang magsisilbi sa pagpapaunlad ng agrikultura at industriya. Tinitiyak nito na magbebenipisyo ang mga pambansang minorya mula sa mga estratehikong programang pang-ekonomya na magsisilbi sa nakatindig-sa-sariling pag-unlad ng bansa, pag-unlad ng kanayunan at ng pambansang industriyalisasyon. Kasama dito ang pagpapaunlad sa kanayunan at lokal na industriyalisasyon sa mga ansestral na lupain, na may sapat na pagkonsidera sa mga partikular na panlipunan, pangkultura, pampulitika at pang-ekonomyang katayuan nila.
Tinitiyak din ng rebolusyonaryong gobyerno na ang pagkuha ng mga rekurso mula sa ansestral na lupain ay magsisilbi sa lokal at pambansang kaunlaran, at nakaangkla sa pambansang industriyalisasyon. Ipinapatupad din ang mga programang nagtatanggol, nagmimintina at nagpapaunlad ng kalikasan sa lupaing ninuno, para sa kapakanan ng mamamayan.
VII. Ipinagpapatuloy at higit pang i-aabante ng mamamayan ng Kordilyera ang kanilang magiting na kasaysayan ng pagtatanggol sa lupa, katubigan at iba pang rekurso laban sa mga nais mandambong dito.
Ipinakita ng kasaysayan na kailangan ang armadong paglaban upang ipagtanggol ang lupang ninuno at ang mga rekurso dito laban sa imperyalista at mga kakuntsaba nilang lokal na naghaharing-uri.
Ang paglaban sa Chico River Basin Development Project ng diktadurang US-Marcos Sr. ay nagsimula sa mga protesta ng mga komunidad sa paligid ng eryang tatayuan ng dam, kabilang na ang Upper Tabuk, Lubuagan (e.g. Tanglag), Pasil (Cagaluan, Ableg) at Tinglayan (Bangad, Tinglayan Proper, Basao, Butbut).
Kabilang sa mga militanteng pagkilos ng mamamayan ang paghakot ng mga materyales na gagamitin sa konstruksyon ng dam mula sa Tomiangan pabalik sa Tabuk. Nagboycott sila sa eleksyon ng Interim Batasang Pambansa (IBP) noong 1978. Dahil dito ay naaresto ang mahigit 100 na taga-Kalinga at naikulong sa Camp Olivas sa Pampanga. Nagkaroon ng malalawak na Anti-Dam Bodong Conference sa pagitan ng mga apektadong tribu ng Kalinga at Mt. Province.
May mga ispontanyong armadong paglaban ng mamamayan tulad ng pagbira sa ilang tauhan ng NAPOCOR. Simula 1978 ay mabilis na lumawak ang armadong paglaban sa pamumuno ng New People’s Army. Noong 1980, matapos patayin ng Philippine Constabulary (PC) si Ama Macliing, ay lalo pang lumakas ang paglaban sa dam.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang magiting na tradisyon ng pagtatanggol sa lupaing ninuno ng mga mamamayang iKalinga. Sa harap ng banta ng napakaraming hydropower projects sa kanilang mga katubigan, inilulunsad ng mga iKalinga ang iba’t ibang porma ng paglaban sa mga ito. Pangunahin ang pag-oorganisa ng kanilang hanay para sama-samang harapin ang mga maniobra ng kapitalista at reaksyunaryong gobyerno. Nariyan ang petition signing, oplan pinta at dikit ng mga posters na naglalaman ng oposisyon sa dam, dayalogo at mobilisasyon sa harap ng NCIP para irehistro ang kanilang mainit na pagtutol, pagboykot sa ilang pinatawag ng NCIP na pulong at di-pagpayag sa mga mapanlinlang na pagpapapirma. Hanggang social media ay umaabot ang kanilang panawagang “NO TO DAM”.
Buuin ang pinakamalawak na pagkakaisa ng mamamayan upang sama-samang ipagtanggol ang lupa at rekurso.
- Gamitin ang iba’t-ibang anyo ng pagbubuklod tulad ng mga progresibo at rebolusyonaryong bodong, pagtatayo ng rebolusyonaryong gobyerno ng mamamayan ng Kordilyera (CPRAG o Cordillera People’s Revolutionary Autonomous Government) at mga chapter ng CPDF (Cordillera People’s Democratic Front).
- Palawakin ang pakikipagkaisa sa ibang mga tribu at probinsya ng Kordilyera. Makipagkaisa din sa mga mamamayan sa ibang mga rehiyon ng Pilipinas at sa ibang bansa na naninindigan laban sa pang-aagaw ng mga negosyong kapitalista sa kanilang lupa at rekurso.
Itutok natin ang ating mga armas sa mga kaaway sa uri. Sumampa sa NPA.
Huwag tayong pumayag na ang ating mga anak at apo ay pumasok sa AFP, PNP at CAFGU. Sila ay gagamitin ng naghaharing-uri bilang guwardiya ng kanilang mga negosyo at panakot sa mamamayang nagtatanggol sa lupa at rekurso. Palayasin ang AFP sa ating mga komunidad.
Singilin ang reaksyunaryong gobyerno sa responsibilidad nitong magbigay ng sapat na serbisyo sa mamamayan, kasama na ang malinis na tubig-inumin, libreng irigasyon, suporta sa agrikultura at ayuda sa panahon ng kalamidad.
Itaguyod ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Habang ipinagtatanggol natin ang lupang ninuno, ipaglaban din natin ang pagpapababa ng upa sa lupa at singil sa mga kagamitan sa produksyon, pagpapababa sa di-makatarungang interes sa utang, libreng irigasyon at iba pang suporta sa agrikultura, pagpapataas ng sahod ng mga manggagawang bukid at presyo ng mga produkto ng magsasaka.
Ipagwagi ang pambansa-demokratikong rebolusyon at pagkatapos ay itayo ang sosyalistang lipunan!