(Primer) Balik-tanaw: Mga base militar ng US sa Pilipinas at ang kilusang nagpatalsik dito

,

Download here: PDF PDF (Black & White)

Sapul ipinataw ng imperyalismong US ang malakolonyal na paghahari nito sa Pilipinas, ilang dekada bago muling itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas, tumitindig na ang mamamayang Pilipino laban sa mga base militar at panghihimasok militar ng US sa bansa. Karugtong ng militanteng kilusang anti-kolonyalismo ng mga manggagawa sa unang bahagi ng ika-20 siglo, ipinagpatuloy ng ilang makabayang pwersa, kabilang ang ilang mambabatas, ang pagtutol sa pamamalagi ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas. Ang kanilang paninindigan malao’y humugis sa isang kilusang masa sa maagang bahagi ng dekada 1960 sa pangunguna ng nagpanibagong-lakas na pambansa-demokratikong kilusan. Hindi ito napigilan ng batas militar ng diktadurang Marcos noong 1972-1986. Patuloy itong sumulong sa panahon ng rehimeng US-Aquino I at naging makapangyarihang kilusan noong 1990-1991. Rumurok ang limang dekadang pakikibaka na nagtulak sa pagbabasura ng Military Bases Agreement (MBA) noong Setyembre 16, 1991.

Napakahalaga at kagyat ang pagbabalik-aral sa pag-iral noon ng mga base militar ng US sa harap ng muling pagtatayo ng US ng mga base militar sa Pilipinas sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at pag-iistasyon ng mga sundalong Amerikano sa Pilipinas. Tulad noon, hinaharap ngayon ng bansa ang usapin ng pagyurak sa soberanya, inhustisyang panlipunan, pandarambong at pinsala sa mga rekurso at pang-aabuso ng mga tropang Amerikano.

Protesta kontra base militar ng US, 2021.

1) Ano ang Military Bases Agreement?

Ang MBA ay kasunduang militar na pinasok ng Pilipinas at US noong Marso 14, 1947 na nagpahintulot sa pagtatayo ng mga base militar ng US sa Pilipinas at pananatili nito nang 99 taon. Isinalang ito sa renegosasyon noong 1966 na nagpaiksi sa panahon ng pananatili sa 25 taon.

Unang binuo ng US ang planong magtatag ng mga base militar sa Pilipinas noong 1944 para diumano sa “depensa” ng Pilipinas na noo’y nakapailalim sa brutal na okupasyon ng Japan. Kabilang ang MBA sa mga anti-nasyunal na patakaran at tagibang na kasunduan sa pagitan ng US at Pilipinas nang “ibigay” ng US ang “kalayaan” ng Pilipinas noong 1946.

Paglagda ng Military Bases Agreement sa Malacañang Palace, Marso 14, 1947.

Sa ilalim ng MBA, nagtatag ang US ng hindi bababa sa 23 mayor na base militar sa dati na nitong mga kampo militar. Pangunahin sa mga ito ang kampo nito sa Pampanga (Clark Field Airbase o ang dating Fort Stotsenberg, at ang Floridablanca Air Base), Zambales (Subic Bay, Northwest Shore Naval Base, Naule Point at Castillejos), Baguio (Camp John Hay Leave and Recreation Center), Maynila (Manila Naval Base) at Cavite (Canacao-Sangley Point Navy Base). Liban sa mga ito, nagtayo din ang US ng mga base at pasilidad pangkomunikasyon, pangsanay at pangnabal sa Bataan, Bulacan, Leyte, Samar, Tawi Tawi, Palawan, Cebu, La Union at Aparri sa Cagayan. Nagtayo din ng mga pasilidad pangkomunikasyon sa Bagobantay sa Quezon City.

Hindi bababa sa 108,500 ektaryang lupain ang inagaw ng US para sa mga base militar na ito. Isa sa pinakamalawak na base, ang Clark Airbase (36,000 ektarya), ay itinayo sa lupang ninuno ng mga Aeta. Walang ibinigay na kumpensasyon sa mga katutubo at hindi na sila kailanman nakabalik sa mga lupang ito.

2) Ano ang naging epekto ng mga base militar sa soberanya ng Pilipinas?

Napakalinaw noon na ipinakikita ng mga base militar ng US sa malalawak na lupain ng Pilipinas ang pagiging huwad ng kalayaan ng Pilipinas. Ang presensya ng mga base militar at tropa ng US ay tahasang pagyurak sa soberanya ng bansa. Ang ilampung libong armadong tropa ng US sa Pilipinas ay ginamit ng US na instrumento para tiyakin na nasa kontrol at mapapasunod nito ang papet na estado at armadong sandatahan ng Pilipinas.

Sa ilalim ng MBA, nagtamasa ng mga karapatang ekstrateritoryal at ekstrahudisyal ang US sa loob at labas ng kanilang mga base militar. Walang kapangyarihan o hurisdiksyon ang mga Pilipino sa mga aktibidad at pwersang Amerikano. Ligtas sila sa pagkakaso, pag-aresto, paglilitis at pagkukulong sa ilalim ng batas ng Pilipinas. Ang mga tropang nakagawa ng krimen laban sa mga Pilipino ay pinauuwi lamang sa US o inililipat ng base. Ni isa, wala sa kanila ang pinarusahan o nilitis ng US.

3) Ano ang naging mga epekto nito sa kabuhayan at komunidad ng mga Pilipino?

Libu-libong ang mga kaso ng pang-aabuso at krimen ng mga tropang Amerikano laban sa mga Pilipino sa mga base militar nito sa bansa. Kabilang dito ang 30 kaso ng pagpatay, gayundin ang mga kaso ng pamamaril at pambubugbog, pagdukot at panggagahasa. Sa payong ng MBA, wala ni isa sa mga sangkot na sundalong Amerikano ang naparusahan sa mga kasong ito.

Naging sentro ng prostitusyon ang mga base militar sa Clark at Subic kung saan naging laganap ang karahasan laban sa kababaihan. Umabot sa 60,000 babae ang nasadlak sa prostitusyon (kabilang ang 20,000 menor de edad). Naitala ang 3,274 na kaso ng karahasan laban sa kababaihan, kabilang ang panggagahasa, na kinasangkutan ng mga sundalong Amerikano. Labinlima sa mga pang-aabuso ay sa mga menor de edad.

Clark Air Force Base, 1960.

Lumaganap ang sakit na AIDS sa mga lugar na ito at humawa sa mga menor-de-edad at mga bagong panganak na sanggol (na naipasa mula sa kanilang mga ina).

Sinira ng mga Amerikano ang kalikasan at buhay ng mamamayan sa loob at labas ng mga base. Itinambak ng mga pwersa nito ang mga nakalalasong kemikal na nagdulot ng pinsala sa kalusugan ng mga residente. Noong 1991, tinatayang 20,000 pamilya ang dumanas ng mga sakit matapos nilang tirhan ang mga bahay na inabandona ng mga sundalong Amerikano. Noong 2000, naiulat na umabot sa 100 ang namatay mula sa pag-inom ng kontaminadong tubig mula sa Clark Airbase.

Basta lamang umalis ang mga Amerikano laluna matapos sumabog ang bulkang Pinatubo at ibinaon sa abo ang Clark Airbase. Sa halip na magbigay ng naaayon na danyos batay sa kasunduan, nag-abot lamang ang US ng $17 milyon o 1% ng pondo para sa “domestic base cleanup” o paglilinis ng mga base militar sa loob ng US. Tumanggi rin itong ipaubaya ang ilang pasilidad na mapakikinabangan sana ng Pilipinas, tulad ng mga drydock (lugar para sa paggawa o pagkukumpuni ng barko) sa Subic.

Clark Airbase sa pagputok ng Bulkang Pinatubo, 1991.

4) Paano ginamit ng US ang mga base militar nito sa Pilipinas?

Sa bisa ng MBA, natiyak ng US ang patuloy na pagkubabaw nito sa Pilipinas bilang malakolonya. Kasabay na pinirmahan noong 1947 ang Military Assistance Agreement, isang kasunduang nagtayo ng Joint United States Military Advisory Group (JUSMAG). Sa balangkas nito, napahigpit ng US ang kumand at kontrol sa Armed Forces of the Philippines (AFP), ang haligi ng neokolonyal na estado nito sa Pilipinas. Nagbigay ang US ng mga “ayudang militar” para sa “pagpapaunlad at pagsasanay,” gayundin ng mga armas at ibang gamit-militar sa AFP, liban pa sa indoktrinasyon ng mga upisyal at tauhan nito. Ginamit ng US ang mga base militar para sa pagsasanay ng AFP. Tiniyak nitong habampanahong mananatiling palaasa at palasunod ang AFP sa US.

Ang pagtatayo ng mga base militar ng US sa Pilipinas ay bahagi ng mas masaklaw na layunin ng US na ipataw ang hegemonya nito sa Asia pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kasabay nitong itinayo ang malalawak ding base sa Japan at Korea.

US Naval Base Subic Bay, 1981.

Ginamit ng US ang mga base nito sa Pilipinas, laluna ang Subic at Clark, para sa mga gerang agresyon at panghihimasok nito mula Asia, Middle East, hanggang South America. Ipinwesto nito sa Subic Bay ang 7th Fleet ng US Navy mula 1969, at pinagampan ng susing papel sa panlulupig nito sa mamamayang Vietnamese mula 1961 hanggang 1975. Ang mga barko nito mula Subic ang naghatid ng mga tropang mananakop, na sa kasagsagan ng gera ay umabot sa 540,000. Ang Clark Air Base naman ay nagsilbing himpilan ng 13th Air Force ng US, at base ng suplay at sentro ng operasyon ng mga eroplanong pandigma ng US. Nagpadala rin ang Pilipinas ng mga tropang pansuporta sa gerang agresyon ng US sa Vietnam na nagresulta sa karumal-dumal na pagpaslang sa mahigit 2 milyong sibilyan.

Liban sa gera ng US sa Vietnam, sangkot din ang 7th Fleet sa mga panghihimasok at agresyon ng US sa Korean Peninsula (1950-1953), sigalot sa Taiwan Strait (1954-1955, 1958), Lebanon (1958), Dominican Republic (1965) at Laos (1962-1975). Nagsilbi rin itong pagbubuhatan ng mga tropang ipinadala ng US sa mga sigalot sa Iran (1979-1980) at sa unang Gulf War (1990-1991).

5) Paano napatalsik ang mga base militar ng US sa Pilipinas?

Mula’t sapul, tutol na ang mamamayang Pilipino sa presensya ng mga base militar ng US sa Pilipinas. Binigyan ng boses ang kanilang patriyotikong hangarin ng tanyag na personaheng tulad ng mga senador na sina Claro M. Recto, Jose W. Diokno at Lorenzo Tañada. Ang mga base militar ay itinuring nilang palatandaan ng kawalan ng tunay na kalayaan ng Pilipinas at patuloy na hindi tuwirang kolonyal na pagkubabaw ng US sa bansa.

Ang paglaban sa mga base ay naging sentro ng nagpanibagong-siglang anti-imperyalistang kilusan ng sambayanang Pilipino, sa pag-usbong ng pambansa-demokratikong kilusang kabataan na pinamunuan ng Kabataang Makabayan noong dekada 1960. Nasa sentro rin ito ng programa ng muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1968 at pagbubuo nito ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa sumunod na taon. Isa sa pinakaunang taktikal na opensiba ng BHB ay ang ambus laban sa mga tropang Amerikano sa Clark Air Base noong Hulyo 31, 1969 at muli noong Agosto 4, 1969. Pinasabugan nito ang isang bahagi ng base militar kung saan umabot sa 14 ang kaswalti sa hanay ng mga sundalong Amerikano.

Isa sa mga sentral na isyu ng First Quarter Storm ang pagkubabaw ng US sa Pilipinas, pangunahin sa anyo ng mga base at kontrol nito sa AFP. Nang ipataw ang batas militar, ipinagpatuloy ang pakikibaka laban sa presensya ng US ng umusbong na mga pambansa-demokratikong organisasyon ng kabataan, kababaihan, manggagawa at iba pang sektor na nagdala nito sa lansangan sa dekada 1970 at 1980. Naging tampok ang papel ng kababaihan at taong simbahan, sa paglalantad at paglaban sa laganap na prostitusyon, karahasan sa kababaihan at kawalang katarungan sa paligid ng mga base sa Clark at Subic.

Mahigpit na nakaugnay ang usapin ng mga base militar sa pasistang diktadura ni Ferdinand Marcos Sr, na noo’y malinaw na tuta ng imperyalistang US at pangunahing tagapagtanggol ng presensya nito sa bansa. Sa harap ng malakas na protestang makabayan, isinalang ni Marcos noong 1979 sa renegosasyon ang MBA, kung saan pinagkaisahan na magtatalaga ng Pilipinong “kumander” sa mga base militar ng US (na wala namang kontrol sa operasyon sa loob), at na magbabayad ang US ng $500 milyon kada taon sa loob ng limang taon, na magiging $900 milyon sa susunod na limang taon.

Nagpatuloy at lalo pang bumwelo ang kilusan laban sa mga base militar at panghihimasok ng US kahit pagkatapos bumagsak ang diktadurang Marcos.

Palatandaan ng inabot na lawak at lakas ng kilusang laban sa mga base militar ng US ang paglalagay ng mga probisyon sa reaksyunaryong Konstitusyong 1987 na nagbabawal sa pagpapapasok ng mga sandatang nukleyar sa Pilipinas at pagtatayo ng mga dayuhang base militar (bagaman may pasubali na liban kung may tratado).

Nagbuklod ang iba’t ibang grupo sa ilalim ng Anti-Bases Coalition noong 1986 para ikampanya ang pagbabasura sa MBA na nakatakda nang mawalan ng bisa sa 1991. Kabilang sa mga namuno dito sina Jose Diokno at Lorenzo Tañada, at mga grupo tulad ng Bagong Alyansang Makabayan, Nuclear-Free Philippines Coalition, Gabriela, League of Filipino Students, National Union of Students of the Philippines, at maraming iba pang organisasyong patriyotiko at progresibo. Itinayo ang mga pormasyon nito sa iba’t ibang panig ng bansa. Pinangunahan nito ang malawak na kilusang propaganda at edukasyon sa mga paaralan, simbahan, at mga komunidad.

Protesta kontra base militar ng US, Setyembre 16, 1991.

Habang papalapit ang pagtatapos ng Military Bases Agreement noong 1991, palaki nang palaki ang mga rali at martsa sa lansangan. Ayon sa mga historyador, umabot sa 50,000 ang nagrali sa harap ng Senado noong Setyembre 10, 1991. Pagsapit ng Setyembre 16, 1991, nasa 170,000 ang nagrali sa harap ng Senado para ipanawagan ang pagbabasura ng tratado. Nagkaroon din ng katulad na mga pagkilos sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa araw na ito, ibinasura ng Senado sa botong 12-11 ang panukala ng papet na rehimen ni Corazon Aquino na Treaty of Friendship, Cooperation and Security na naglayong palawigin pa nang 10 taon ang pananatili ng mga base militar ng US sa Pilipinas. Pinangunahan ang makasaysayang botong ito ng mga senador na sina Wigberto Tañada, Rene Saguisag, Teofisto Guingona Jr at Aquilino Pimentel Jr.

_______

MALAKING TAGUMPAY ANG nakamit ng sambayanang Pilipino sa pagbabasura sa MBA at pagpapasara sa mga base militar ng US sa Pilipinas. Gayunpaman, nanatili ang iba pang tagibang na kasunduang militar, pangunahin na ang Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951, na ginamit ng US at magkakasunod na papet na rehimen, para panatilihin ang presensyang militar nito sa bansa.

Taong 1998, pinagtibay ang Visiting Force Agreement para bigyang daan ang paglalabas-masok ng mga tropang Amerikano sa bansa. Nang magkabisa ang tratado sa sumunod na taon, sinimulan ng US ang pagpapakat ng malaking bilang ng mga tropa sa tabing ng mga pinagsanib na pagsasanay, ayudang humanitarian at mga operasyong sibil-militar.

Noong 2002, sinimulan ang muling permanenteng pagpupwesto ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas. Pinirmahan noong taon na iyon ang Mutual Logistics Support Agreement para bigyang daan ang mga “joint exercises” at iba pang aktibidad na pantabing sa mga mapanghimasok na operasyon ng US sa Pilipinas. Pagsapit ng 2003, pinirmahan ng noo’y rehimeng Arroyo ang Acquisition and Cross-Servicing Agreement.

Sa tabing ng “gera kontra terorismo,” itinalaga ng US sa Pilipinas ang Joint Special Operations Task Force—Philippines. Ginamit ang VFA upang ipwesto ang daan-daang tropang Amerikano sa loob ng Camp Navarro sa Zamboanga City. Ginamit ito ng US na lunsaran ng panghihimasok sa mga operasyong kontra-gerilya sa Western Mindanao, pati sa iba pang panig ng bansa. Nasangkot ang US sa mga armadong operasyon sa Mamasapano noong 2015 at sa Marawi noong 2017.

Sa pakay na palawakin pa ang presensya ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas, pinirmahan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement noong Abril 2014 na nagpahintulot sa US na muling magtayo ng mga base militar sa Pilipinas, sa loob ng diumano’y “agreed locations” o pinagkaisahang lugar, sa loob ng mga kampo militar ng AFP. Nasa balangkas ito ng tinaguriang “pivot to Asia” na idineklara ng US noong 2011 na may estratehikong layunin na palakasin ang hegemonya ng US sa rehiyon.

Naging tampok sa panahon ni Duterte ang retorikang anti-US sa layuning akitin ang suporta ng China, subalit napatunayang hanggang salita lamang ito (ayon mismo kay Duterte, “pera-pera” lang iyon para humingi ng mas malaking ayudang militar sa US). Tinapos ng US ang JSOTF-P noong 2016, pero noong 2017, sinimulan naman ang Operation Pacific Eagle-Philippines, na nakapokus sa Western Mindanao, at sumasaklaw sa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Mula umupo si Marcos, dumami mula lima tungong 17 ang base militar ng US, kabilang ang siyam na upisyal na pinagkasunduan sa ilalim ng EDCA, at hindi bababa sa walo pa sa mga hindi isinapubliko o lihim na mga lokasyon. Ginagamit ang mga base militar ng US ngayon para ipwesto ang mga sandata at mga tropang Amerikano, kaakibat ng pinalakas na armadong presensya nito sa Japan at South Korea alinsunod sa kanyang Indo-Pacific Strategy para palibutan at hadlangan ang paglakas ng China.

 

_____
Inihanda ng:

Kawanihan sa Impormasyon
Partido Komunista ng Pilipinas
Setyembre 2024

(Primer) Balik-tanaw: Mga base militar ng US sa Pilipinas at ang kilusang nagpatalsik dito