₱18.9 bilyon, wawaldasin ng rehimen sa pagbili ng mga misayl
Nagpabatid noong Enero 28 ang rehimeng Duterte na gagastos ito ng ₱18.9 bilyon para bumili ng mga BrahMos Supersonic Missile. Ito ay sa kabila ng nagpapatuloy na krisis sa ekonomya at kabuhayan ng mamamayan sa gitna ng pandemyang Covid-19. Inianunsyo ng Department of National Defense na pinirmahan na ni Sec. Delfin Lorenzana noong Disyembre 31, 2021 ang kontrata sa pagbili ng naturang mga kagamitang pandigma mula sa kumpanyang Indian-Russian na BrahMos Aerospace Pvt Ltd.
Laman ng kontrata ang pagbili ng tatlong bateri ng supersonic anti-ship missile. Ang kada bateri ay mayroong tig-tatlong mobile autonomous launcher na may tig-dalawa o tig-tatlong missile tube, at mga tracking system. Bahagi din ng kontrata ang pagbibigay ng pagsasanay sa mga opereytor ng mga sistemang misayl na ito.
Ang BrahMos ay isang medium-range supersonic na misyal na ginagamit laban sa mga barkong pandigma na maaaring paliparin mula sa mga submarino, barko, eroplano at kalupaan. Ito ang pinakamabilis na anti-ship cruise na misyal sa buong mundo at may maksimum na abot na 800 kilometro mula sa kulapaan at karagatan, at 400 kilometro mula sa himpapawid. Ang kada misayl ay may bigat na 2,500-3,000 kilo at may kapasidad na mangwasak ng malalaking barkong pandigma.
Gayunpaman, ayon sa ilang mananaliksik, walang pang-sarbeylans na kapasidad ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para mamaksimisa ang abot ng mga misayl na ito. Ang mismong radar ng Brahmos ay may kakayahan lang sa pagtukoy ng target na ilang dosenang kilometro ang layo. Kung gagamitin ang misayl sa pagtarget sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas (370 kilometro mula sa baybayin), aasa ang Pilipinas sa sarbeylans na ibibigay ng militar ng US.
Ang napipintong pagbili sa mga sistemang misayl ay bahagi ng mga prayoridad na proyekto sa ilalim ng Revised Armed Forces of the Philippines Modernization Program na pangunahing pinopondohan ng ayudang militar mula sa US. Ito ay nakabalangkas sa Island Chain Strategy ng US na naglalayong suportahan ang pagpapalakas sa superyoridad militar ng US sa East at Southeast Asia sa pamamagitan ng paglalatag ng malawak na network ng mga precision-strike missile sa Indo-Pacific. Alinsunod ito sa Pacific Deterrence Initiative ng US na isinasangkalan ang “pagsalag” sa mga banta ng panghihimasok ng China sa pinag-aagawang mga teritoryo Indo-Pacific upang palakasin ang hegemonikong kontrol nito sa rehiyon.