15,000 pamilya sa Cavite, mawawalan ng kabuhayan
Pansamantalang nasuspinde ang nakatakdang demolisyon ng mga tahungan, talabahan at saprahan sa Noveleta, Kawit, Cavite City at Bacoor City ngayong araw ng Department of Environment and Natural Resources.
Ang planong demolisyon ay bahagi ng proyektong reklamasyon ng lokal na pamahalaan ng Cavite at DENR. Sisirain sa demolisyon ang mga istruktura ng mga mangingisda sa apat na erya sa baybayin ng Cavite. Aabot sa 15,000 pamilya ang mawawalan ng kabuhayan.
Pagdadahilan ng DENR, kailangan diumanong idemolis ang mga istrukturang pangisda dahil naabod ang ginagamit dito na mga kawayan sa baybayin ng Manila Bay tuwing malakas ang ulan.
Bwelta ng grupong PAMALAKAYA, dapat ang layunin ng rehabilitasyon ng Manila Bay ang tulungan ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda at di para wasakin ito. Anila, di tulad ng mga plastic na naaanod sa dagat, di nagdudulot ng pagkasira ng dagat o ng polusyon ang mga ginagamit na kawayan ng mga mangingisda. Malinaw na bahagi ang demolisyon sa 420-ektaryang proyektong reklamasyon sa lugar.