1,526 biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang noong 2021
Inilathala kahapon ng Institute for Nationalist Studies (INS) ang proyektong “Pusila: 2021 Extrajudicial Killings under Duterte’s Regime,” isang pananaliksik na nagsusuma sa nakadokumento at naiulat na mga kaso ng ekstrahudisyal na mga pagpaslang at asasinasyon sa buong bansa noong 2021. Nakapagtala ang grupo ng 1,526 biktima sa buong taon o mahigit apat kada araw ng mga pagpaslang na isinagawa ng mga pwersa ng estado, mga grupong vigilante, at hindi pa nakikilalang mga salarin.
Ang INS ay isang independyenteng grupo sa pananaliksik na binubuo pangunahin ng mga kabataang akademiko mula sa University of the Philippines, Polytechnic University of the Philippines at iba pang mga paaralan.
Nakapagtala ang grupo ng 24 biktima ng mga pagpaslang sa unang buwan ng 2022. Saklaw ng ulat ang mga kaso ng mga pagpaslang na isinagawa sa ilalim ng huwad na gera kontra droga at kontra-insurhensya ni Rodrigo Duterte, at iba pang mga krimen. Halaw ang pananaliksik mula sa ulat ng midya, mga ahensya sa gubyerno at mga organisasyong masa.
Sa mga kasong naitala nito noong 2021, pinakamarami ang biktima (575) na pinaslang sa ngalan ng “gera kontra droga,” kasunod ng mga pagpaslang na hindi pa alam ang motibo (395), pulitikal na pagpaslang (234), at iba pang mga krimen (234). Ayon sa grupo, kalakhan ng mga pagpaslang (769) ay isinagawa mga pwersa ng estado kabilang na ang Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at Philippine Drug Enforcement Agency), kasunod ng mga grupong vigilante (593), at hindi pa nakikilalang mga salarin (164).
Pinakamarami ang mga biktima sa National Capital Region (190), Cebu (124), at Nueva Ecija (95). Halos kalahati ng mga kaso (694) ay naitala sa unang apat na buwan ng 2021, at pinakamarami ang mga biktima noong Enero 2021 (296).
Sa 266 na biktima ng pampulitikang mga pagpaslang, 185 ay kunektado sa gera kontra-insurhensya ng rehimen. Kabilang sa mga biktima ang mga inakusahang mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan, mga lider masa, organisador at magsasakang kaswalti ng maduming gera ni Duterte laban sa rebolusyonaryong kilusan. Umabot naman sa 81 ang mga biktimang upisyal ng lokal na gubyerno o di kaya’y kandidato para sa eleksyong 2022. Samantala, nakapagtala rin ang grupo ng apat na biktima na pinaslang dahil lamang sa umano’y mga paglabag sa mga protokol sa pagkakwarantina.
Ayon sa grupo, ang mga pag-uudyok ni Duterte na paslangin ang pinaghihinalaang mga kriminal, gumagamit o nagbebenta ng droga, at mga komunista ay nagpapasidhi sa “culture of impunity” o kawalan ng pananagutan ng mga pwersa ng estado. Matatandaan na sa unang talumpati ngayong taon ni Duterte noong Enero 4, muli niyang inudyukan ang mga pwersa ng estado na pumatay, partikular na sa ngalan ng kanyang huwad na “gera kontra droga.” Aniya, “Hinding hindi ako hihingi ng kapatawaran sa pagkamatay ng mga hayop na iyon. Patayin niyo ako, ikulong niyo ako, hinding hindi ako hihingi ng tawad.”
Binigyang diin ng grupo na bagamat nakapokus ang karahasan ni Duterte sa gera kontra droga at kontra insurhensya, hindi ligtas ang ordinaryong mamamayan sa karahasan sa kamay ng armadong mga pwersa ng estado.
Sa nalalabing mga buwan ni Duterte sa poder, hinimok ng INS ang mamamayang Pilipino na manawagang imbestigahan kapwa ang mga salarin at ang mga kaso ng pagpaslang sa ilalim ni Rodrigo Duterte.