Balita

17 kaso na ang paglabag sa press freedom sa ilalim ng rehimeng Marcos

Mula nang maupo sa pwesto si Ferdinand Marcos Jr, may 17 kaso na ng paglabag sa press freedom, ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).

“Mula Hulyo 1, naisadokumento ng NUJP ang 17 kaso ng paglabag sa press freedom. Kabilang dito ang dalawang pagpaslang, apat na pagsasampa ng cyberlibel, dalawang pang-aaresto sa kasong cyberlibel, pagkaso ng libel, isang kaso ng sarbeylans at harasment, dalawang kaso ng red-tagging, isang pagkakait ng coverage, isang pang-aatakeng pisikal, isang pagbabanta sa buhay, at dalawang online harasment,” pahayag ng NUJP ngayong araw.

Pinakatampok na kaso sa nakaraang tatlong buwan ang pagpatay kay Percieval Mabasa (Percy Lapid) noong Oktubre 4 sa Las Pinas City.

Kabilang rin sa mga ito ang 941 na kaso ng cyberlibel laban kina Darcie de Galicia ng Radio City 97.5 FM at Noel Alamar ng ABS-CBN Teleradyo na isinampa ng gubernadora ng Quezon na si Helen Tan at kanyang asawa na si DPWH Region IV-A director Ronel Tan. Madalas gamitin ng mga nasa kapangyarihan ang batas sa cyberlibel para patahimikin ang mga puna at batikos sa kanila ng midya.

AB: 17 kaso na ang paglabag sa press freedom sa ilalim ng rehimeng Marcos