185 indibidwal, nasawi sa pagbaha sa Europe
Umabot na sa 185 indibidwal ang kumpirmadong namatay habang daan-daan pa ang hindi natatagpuan sa Europe dulot ng mga “flash flood” o biglang pagbaha sa kontinente mula pa noong Hulyo 14. Ito ay resulta ng isang malamig na low-pressure area na tinawag ng mga siyentipikong German na “Bernd.”
Pinakamatindi ang pinasalang idinulot ng delubyo sa Germany kung saan tinatayang 157 na ang namatay, at 1,300 pa ang nawawala. Matindi rin ang pinsalang tinamo ng Belgium at the Netherlands. Apektado rin ng pagbaha ang Austria, France, Italy, Luxembourg at Switzerland. Milyun-milyong mga residente na ang inilikas at bilyun-bilyong dolyar na halaga ng ari-arian na ang nawasak dulot ng mga pagbaha
Unang naitala ang tuluy-tuloy at malalakas na pag-ulan sa iba’t ibang bansa sa Europe noong Hulyo 12-15, partikular sa Germany, Belgium at France. Nagsimula noong Hulyo 14 ang mga pagbaha sa Belgium, Germany at the Netherlands at Switzerland matapos na umapaw ang mga ilog doon. Pinakamalala ang pagbaha sa distrito ng Ahrweiler sa Rhineland-Palatinate (estado sa kanlurang Germany) dulot ng pag-apaw ng ilog Ahr na kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 98 indibidwal.
Ayon sa Deutscher Wetterdienst, ang bolyum ng tubig na bumuhos sa ilang erya ng Germany ang pinakamataas na naitala sa bansa sa nakalipas na siglo, o posibleng mas mataas pa sa anumang naitala sa nakalipas na milenyo.
Para sa mga upisyal ng European Union, ang matinding pagbaha ay “malinaw indikasyon ng climate change.” Ayon sa mga siyentista, ang mas mainit na atmospera ay may kakayahang humawak ng mas mataas na moisture. Kung mayroong mas maraming water vapor sa atmospera, maaari itong magresulta sa mas malalakas na bagyo at magdulot ng biglang pagbaha. Iginigiit din ng mga siyentista na magkakaugnay ang mga extreme weather incident sa buong mundo gaya na ng heatwave na naitala sa Northwest US noong huling linggo ng Hunyo.