Balita

$2.6-bilyong kontrata ng pagbenta ng armas sa Pilipinas, inaprubahan sa kabila ng panukala laban dito sa Kongreso ng US

Inaprubahan ng US State Department noong Hunyo 24 ang hiling ng Pilipinas na bumili ng eroplanong pandigma, mga misayl, radar at iba pang armas na nagkakahalaga ng $2.6 bilyon o 116.64 bilyon sa palitang $1=P48. Ginawa ito sa kabila ng nakahaing panukalang Philippine Human Rights Act sa Kongreso ng US, na naglalayong pigilan ang anumang pagbebenta ng armas sa rehimeng Duterte dulot sa harap ng malalalang paglabag nito sa karapatang-tao. Alinsunod sa kanilang proseso, kailangang aprubahan muna ng Kongreso ng US ang lahat ng pagbebenta ng armas bago matuloy ang transaksyon.

Pinakamahal sa mga bibilhing gamit-militar ang 12 F-16C/D fighter plane ng kumpanyang Lockheed Martin na nagkakahalaga ng $29.1 milyon o P1.4 bilyon kada isang eroplano. Nagkakahalaga ang buong pakete ng $2.43 bilyon o P118 bilyon, kasama ang kakabit na mga radar at equipment. (Tingnan sa baba ang listahan.) Sa hiwalay na pabatid, inaprubahan din ng US State Department ang pagbebenta ng mga 24 AIM-9X Sidewider tactical missile na nagkakahalaga ng $43.4 milyon, at 12 AGM-841-1 Harpoon missile na nagkakahalaga ng $120 milyon.

Noon pang 2015 unang itinulak ang plano ng pagbili ng 12 F-16 (isang squadron) sa US pero inuna ng noo’y rehimeng Aquino ang pagbili ng mga F-50 mula sa South Korea para gamiting sa pagsasanay ng mga pilotong Pilipino. Natuloy ang proseso ng pagbili sa kabila ng sinabi ni Rodrido Duterte noong 2018 na hinding-hindi bibili ang Pilipinas ng ganitong mga eroplano dahil liban sa napakamahal, wala diumano itong silbi sa pakikipaglaban sa China.
Isang araw matapos isinapubliko ang pag-apruba ng benta, sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na “pinag-iisipan” pa daw ng AFP ang pagtutuloy ng pagbili ng mga F-16 dahil sa masyado daw itong “mahal.” Ipauutang ng US ang bahagi ng pondong ipambibili ng naturang mga eroplano.

Binatikos ng progresibong mga grupo ang pagtuloy ng reaksyunaryong estado ng pagbili ng mamahaling gamit-armas sa gitna ng pandemya. Ayon sa dating kongresistang si Ariel Casilao ng partidong Anakpawis, ang ganitong prayoridad ng estado ay “immoral, di angkop at walang puso” laluna sa harap ng malawakang hirap na dinaranas ngayon ng mga Pilipino. Imbes na ibili ng mga “weapon of mass destruction” ang pondo ng bayan, dapat ibaling ng estado ang pondo sa pagbibigay ng ayuda sa mga apektadong manggagawa, magsasaka at iba pang sektor.

Taliwas sa pinalalabas ng AFP, ni Duterte at kahit ng US, hindi ginagamit sa pagdepensa ng mga teritoryong dagat ng Pilipinas sa South China Sea o saanman ang mga eroplanong pandigmang binibili ng bansa. Sa halip, ginagamit ito para bombahin ang mga sibilyang komunidad sa kanayunan, bilang bahagi ng gera kontra-insurhensya ng rehimen. Nagdudulot ang mga pambobombang ito ng pinsala sa mga buhay at kabuhayan ng mga sibilyan, gayundin sa kagubatan.

Listahan ng inaprubahang ibentang armas:

12 F-16 fighter jet,
10 F-16C Block 70/72 eroplano;
2F-16D Block 70/72 eroplano;
15 F100-PW-229EEP engines or F110-GE-129D engines;
15 Improved Programmable Display Generators (iPDG);
15 AN/APG-83 Advanced Electronically Scanned Array (AESA) Scalable Agile Beam Radars (SABR);
15 Modular Mission Computers 7000AH;
15 LN-260 Embedded GPS/INS (EGI) with SAASM and PPS;
24 Advanced Medium Range Air-to-Air Missiles (AMRAAM) AIM-120C-7/C-8 or equivalent;
1 AIM-120 Guidance Section; forty-eight (48) LAU-129 missile launchers;
3KMU-572 Laser Joint Direct Attack Munition (LJDAM) tail kits;
6 Mk-82 500lb bombs; six (6) Mk-82 500lb Inert training bombs;
6FMU-152 or FMU-139 fuzes;
6 Sniper Advanced Targeting Pods (ATP) or Litening ATP;
15 Multifunctional Information Display System Joint Tactical Radio System (MIDS-JTRS) aircraft terminals;
15 M61A1 Vulcan Anti-Aircraft 20mm guns,
samutsaring armas, sistema at amunisyon

AB: $2.6-bilyong kontrata ng pagbenta ng armas sa Pilipinas, inaprubahan sa kabila ng panukala laban dito sa Kongreso ng US