2 patay, 1 sugatan sa 62nd IB sa aksyong harasment ng BHB sa Guihulngan

Dalawa ang napatay habang isa ang sugatan sa inilunsad na aksyong harasment ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) laban sa mga sundalo ng Alpha Coy Detachment ng 62nd IB noong Agosto 30, 2022 sa Sityo Casingan, Barangay Trinidad sa Guihulngan City. Ginawa ang harasment na ito bandang alas 6:00 ng hapon.

Ayon kay JB Regalado, tagapagsalita ng Leonardo Panaligan Command ng BHB-Central Negros (LPC-BHB), ang aksyong militar na ito ay sagot ng BHB sa mga kasinungalingan at panlilinlang ni Maj. Gen. Benedict Arevalo, commanding officer ng 3rd ID, Brig. Gen. Inocencio Pasaporte ng 203rd IBde at NTF-Elcac na mawawasak na umano ang rebolusyonaryong kilusan laluna ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army sa Central Negros.

“Ang totoo,” ayon sa tagapagsalita ng LPC, “terorista at pasista ang tatak ng AFP sa mata ng mga magsasaka at malawak na mamamayan.”

Sariwa pa sa isipan ng mamamayan ang pagmasaker ng 62nd IB-PA sa pamilyang Jacolbe sa Sityo Banderahan, Barangay Trinidad noong Hulyo 26, 2022 na kumitil sa buhay ng buntis na guro na si Cristina Jacolbe at minor-de-edad niyang anak na si Evely at kamag-anak nilang si Rodan Montero. Pinatay din ng mga pasistang tropa ang magsasakang si Pompeo Landisa at mga sibilyang sina Boyet Cezar at Marjun Mahinay ng Sityo Kambairan, Barangay Trinidad, at sa magkapatid na sina Jercel at Onil Gonzaga ng Barangay Maniac, lahat sa Guihulngan, Negros Oriental.

Walang kakayahan ang pasistang militar sa pagwasak ng PKP-BHB batay sa makasaysayang karanasan ng masa at ng buong rebolusyonaryong kilusan sa isla at ganundin sa pambansang saklaw, dagdag pa ni JB Regalado. #

AB: 2 patay, 1 sugatan sa 62nd IB sa aksyong harasment ng BHB sa Guihulngan