2 sibilyan, napatay ng 59th IB sa Batangas
Napatay ng pasistang mga sundalo ng 59th IB ang mga sibilyang sina Pretty Sheine Anacta, 19, at si Rose Jane Agda, 30, sa walang habas na pamamaril nito sa Barangay Malalay, Balayan, Batangas noong Disyembre 17 nang madaling araw. Dumadalaw ang dalawa sa kanilang kaanak na Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) nang paslangin.
Sa naturang pag-atake ng militar, namartir din ang limang mandirigma ng BHB-Batangas. Isang mandirigmang sugatan ang dinakip at hanggang ngayon ay hindi pa inililitaw ng militar.
“Lubos na nakikiramay ang NPA-Batangas (Eduardo Dagli Command) sa pamilya ng mga pinaslang na sibilyan at mga kasamang Pulang mandirigma,” pahayag ni Ka Gregorio Caraig, tagapagsalita ng BHB-Batangas.
Aniya, nagdadalamhati ang buong rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya sa pagkawala ng mabubuting anak ng bayan. Gayunman, pahayag ni Ka Gregorio, “hindi tayo hihinto sa pagpupunyaging makamit ang rebolusyunaryong hustisya para sa mga pinaslang ng uhaw-sa-dugong militar.”
Si Pretty Sheine ay nakababatang kapatid ni Precious Alyssa Anacta (Ka Komi), 26, isa sa mga namartir na Pulang mandirigma sa naturang labanan. Hipag naman ni Ka Komi si Rose Jane. Dumalaw ang dalawa kay Ka Komi nang paulanan sila ng bala ng militar.
Ayon sa nakalap na ulat ng BHB, hinimatay sa unang bugso ng pamamaril si Pretty Sheine. “Buhay siya, subalit tuluyang pinatay ng mga berdugo. Upang palabasing Pulang mandirigma ang dalaga, tinamnan siya ng baril na M16,” ayon kay Ka Gregorio.
Kasuklam-suklam naman ang sitwasyon ni Rose Jane nang makita ang bangkay niya sa punerarya kung saan nakababa ang pantalon nito, palatandaang pinagsamantalahan siya. Liban dito, naging pahirapan ang pagkuha ng mga bangkay ng mga napatay sa pamamaril ng militar.
Naabutan ng mga pamilya ng napaslang ang mga bangkay ng kanilang mga kaanak na basta lamang iniwan sa sahig ng pasilyo ng punerarya. Isa sa mga napaslang ang kaagad na inilibing nang di ipinaalam sa pamilya. Bantay-sarado ang naturang mga punerarya ng mga sundalo na humarang sa mga abugado at paralegal na kasama ng mga pamilya.
Ayon sa mga grupo sa karapatang-tao, ang ginawang paglapastangan ng militar sa labi ng mga napaslang ay labag sa mga internasyunal na makataong batas.