2 sundalo patay sa misengkwentro ng AFP at PNP sa Negros Oriental
Dalawang tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang naiulat na napatay sa isang misengkwentro ng mga sundalo nito at tauhan ng Philippine National Police sa isang operasyong dumog sa Carima River sa Barangay Talalak, Santa Catalina, Negros Oriental noong Mayo 16. Ayon sa mga residente, hindi bababa sa 120 ang tropang militar at pulis na nag-operasyon sa lugar.
Inilulunsad ng mga pwersa ng estado ang malawakang operasyong militar sa Barangay Talalak at katabing mga barangay para tiyakin ang interes sa pagmimina at pagkukwari sa mga bayan ng Santa Catalina, Siaton, Sibulan, Pamplona, Basay, Valencia, at Bayawan City. Ginagamit din ang mga operasyong militar para takutin ang mga residente at bigyang-daan ang pagpasok ng iba pang nakatakdang mapaminsalang proyekto sa erya.
Kabilang sa mga proyektong planong ipasok sa lugar ang pagmimina ng Midan Corporation sa Sityo Tarug, Barangay San Francisco, Santa Catalina. Planong saklawin ng ekplorasyon ng kumpanya ang isanlibong ektarya ng lupa sa Sityo Tarug, Barangay San Francisco para sa depositong ginto.
Ayon sa mga nakasaksing residente, sa dami ng tropang ipinapakat para sa mga operasyon nito, sila-sila ang nagkaputukan noong Mayo 16. Higit isang linggo na ang panghahalihaw ng militar sa naturang erya.