2 upisyal, 4 na sundalo, sangkot sa pagpatay sa isang babaeng negosyante
Pinangalanan na bilang utak ng pagpatay sa isang babaeng negosyante si Brig. Gen. Jesus Durante III, kumander ng 1001st IBde at dating hepe ng Presidential Security Group noong presidente pa si Rodrigo Duterte. Liban sa kanya, limang sundalo pa ang itinurong sangkot sa pagpatay.
Ang pagpangalan sa anim na sundalo ay resulta ng imbestigasyon ng Special Investigation Task Force na binuo para tukuyin ang mga pumatay kay Yvonne Chua Plaza, ang nabanggit na negosyante, noong Disyembre 30, 2022. Liban kay Durante, sangkot din sina Colonel Col. Michael D. Licyayo, Staff Sergeant Gilbert P. Plaza, Sergeant Delfin Llamansares Sialsa Jr., Corporal. Adrian N. Cachero, Private First Class Rolly Cabal at Romart Longakit. Pinangalanan din ang isang sibilyan na nagngangalang Noel Japitan, isang alayas Master Sergeant at isang alyas Junior.
Ayon sa task force, mismong ang bumaril na si Sialsa ang nagturo kay Durante. Inutusan umano ni Durante si Licyayo, ang kanyang deputy commander, para buuin ang 6-kataong tim para patayin si Chua-Plaza. Ginamit ng mga sundalo ang baril na inisyu sa kanila ng militar. Hawak na ng pulis ang apat sa mga salarin. Samantala, itinago na ng Philippine Army si Durante at Licyayo kahit wala pang inilalabas na warrant para sa kanya. Gayunpaman, animo’y minamaliit na ng hepe ng task force ng pulis ang krimen ni Durante sa pagsabing maaaring “crime of passion” ang pagpatay.
Noong Enero 2, iginiit ng grupong pangkababaihan na Gabriela ang mabilis at independyenteng imbestigasyon sa kaso lalupa’t sangkot dito ang mataas na upisyal-militar.
Kamakailan lamang, ipinaskil ng mga kaibigan ni Chua-Plaza ang mga mensahe niya noong nakaraang taon kung saan takot na takot siya kay Durante. Ipinadala niya sa naturang mga kaibigan ang mga screenshot ng mga post niya sa Facebook na pinag-initan at personal na binura ni Durante sa kanyang selpon.
Kabilang sa mga post na ito ang mga litrato na nagpapakita ng kanyang mukha at braso na bugbog sarado. May nakalagay na teksto na “ginawa ito ni Jess Durante.” Isa pang post ang isang banta ni Chua na isisiwalat niya ang tunay na kwento sa pagpaslang ng militar kina Menardo Villanueva (Ka Bok) at Chad Booc. Aniya, maraming siyang ebidensya na sangkot si Durante sa naturang mga krimen, at tiyak siya na kung isisiwalat niya ang ito, matatanggal sa militar ang upisyal.
___
Updated: 7:10 pm, January 27, 2023