26 na kasapi ng NGO, lider-manggagawa sa Cebu, ipinaaresto sa kasong "terrorism financing"

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sa isang atas noong Mayo 13, ipinaaresto ng isang korte sa Cebu City ang 26 na kasalukuyan at dating tauhan ng Community Empowerment Resource Network (Cernet) Inc at isang lider-manggagawa sa kasong “terrorism financing.” Kinundena ng Cernet Inc, Karapatan-Central Visayas at iba pang mga grupo ang kasong ito na tinawang nilang pawang kasinungalingan at walang batayang akusasyon. Kabilang sa mga kinasuhan ang isang hindi kilala ng organisasyon at tatlo na pumanaw na.

Ang kaso ay isinampa ng Department of Justice batay sa reklamong inihain ng Armed Forces of the Philippines Visayas Command (AFP Viscom) noong Mayo 2023. Ginamit na salalayan ng kaso ang isang “saksi” ng AFP na si Bernabe Nieves, na dating istap ng Cernet Inc. na dati nang sinisante dahil sa grave misconduct at mga paglabag sa code of ethics ng organisasyon.

Pinalalabas sa salaysay ni Nieves na nagbigay ang Cernet Inc ng ₱135,000 sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-South East Negros sa Dumaguete City noong Setyembre 2012.

“Tinutuligsa namin ng kampanyang terorismo na inilulunsad ng mga aparato ng gubyerno sa pagsasama ng walang katuturang mga gawa-gawang kaso laban sa mga kasapi ng Cernet,” pahayag ng Karapatan-Central Visayas. Ang hakbang na ito nagsisilbi sa militaristang layunin na burahin ang lahat ng klaseng pagsisikap ng pagtataguyod ng demokrasya sa bansa, kabilang na ang operasyon ng mga organisasyong nagsisikap na iahon sa kahirapan ang batayang mga sektor.

Kabilang sa mga biktima ang apat na doktor, dalawang abugado, mga pari at manggagawang pangkaunlaran. Idinawit din sa kaso si Jaime Paglinawan, presidente ng AMA Sugbo-KMU, na isa sa mga kaugnayang organisasyon ng Cernet.

“Kakatwa, lubhang walang batayan, at labis na mapanganib ang kasong ito para sa mga akusado at para sa Cernet…na umaagapay sa iba’t ibang mga organisasyon simula pa 2001,” dagdag ng Karapatan-Central Visayas.

Liban dito, sinabi rin ng abugado ng mga akusado na hindi sila binigyan ng resolusyon ng DoJ kaugnay ng paunang imbestigasyon na isinagawa nito noong Setyembre 2023. Nagulat na lamang ang mga biktima na mayroon nang kasong nakasampa sa korte, aniya.

Habang tuluy-tuloy ang paglaban ng mga biktima sa mapanupil na kaso, sila ay nagpyansa para sa pansamantalang kalayaan. Sa kabila ng rekomendasyon ng DoJ na huwag pahintulutan magpyansa ang mga akusado, itinakda ng korte sa ₱200,000 ang pyansa kada indibidwal. Nagpyansa ang 23 sa 27 akusado.

Ayon naman sa pambansang upisina ng Karapatan, ang kasong “terrorism financing” sa Cernet ay kasunod ng napakarami nang mga katulad na kaso ng panggigipit laban sa mga demokratikong organisasyon at mga kasapi ng mga ito. Noong Abril lamang, sunud-sunod na mga kaso ng “terorismo” at “terrorism financing” ang isinampa laban sa Leyte Center for Development (LCDe) at Paghida-et sa Kauswagan Development Group Inc. (PDG) sa isla ng Negros.

AB: 26 na kasapi ng NGO, lider-manggagawa sa Cebu, ipinaaresto sa kasong "terrorism financing"