Balita

3 magsasaka sa Himamaylan City, dinakip at ikinulong ng 94th IB

Inaresto ng mga sundalo ng 94th IB ang tatlong magsasaka sa Sityo Cantupa-Pisok, Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental noong Enero 21. Ikinulong sila sa hindi malinaw na mga kaso at akusasyon.

Ayon sa ulat, isinakay ang mag-amang magsasakang sina Deloy at Vincies de Leon, at Remy Villacanao sa sasakyan ng 94th IB na nakaparada sa Sityo Alolong sa barangay na iyon. Ang tatlo ay pawang mga kasapi ng Kauswagan sang mga Mangunguma sa Buenvista (KMB). Lider-simbahan din si Deloy de Leon.

Kaugnay nito, inianunsyo ng 94th IB ngayong araw lamang ang kanilang operasyon at pag-aresto kay Vincies de Leon. Pinararatangan siya ng paglabag sa kasong bigong pagpaslang at pinalalabas na kabilang sa “nalalabing” mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa naturang erya. Pekeng ipinahayag pa ng mga ito na kasama nila sa naturang operasyon ang mga elemento ng lokal na pulis.

Si De Leon ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Himamaylan City Police Station, habang wala pang karagdagang ulat sa kalagayan ng dalawang iba pang magsasakang inaresto ng 94th IB.

Hindi na bago sa 94th IB ang modus nitong pagdakip at pagkukulong sa mga sibilyang magsasaka at residente para palabasing nananalo ito laban sa BHB. Tinarget ng 3rd ID, kung saan nakapailalim ang 94th IB, na ideklarang “insurgency-free” ang buong isla ng Negros ngayong unang kwarto ng 2024.

AB: 3 magsasaka sa Himamaylan City, dinakip at ikinulong ng 94th IB