3 sundalo ng 20th IB, napatay sa engkwentro sa BHB-Northern Samar
Nag-ooperasyon sa tabing ng pagtugon sa epekto ng bagyo at pagbaha ang nakasagupa ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Samar (Rodante Urtal Command) na mga tropa ng 20th IB sa Barangay San Miguel, Las Navas, Northern Samar noong Nobyembre 23. Tatlong sundalo ng mga berdugo ang napatay habang ligtas na nakaatras ang yunit ng hukbong bayan.
“Taliwas sa mga pahayag na abala ang mga tropa ng 803rd IBde ng 8th ID sa pagtugon sa pangangailangan ng mga biktima ng malawakang pagbaha, mas maraming tropa ng kaaway ang nakadeploy para sa malakihang mga focused military operation sa bulubunduking hangganan ng bayan ng Catubig at Las Navas at mga bayan sa Pacific, lahat sa Northern Samar,” ayon kay Ka Amado Pesante, tagapagsalita ng BHB-Northern Samar.
Lubhang apektado ang Northern Samar sa malakas at labis-labis na bolyum ng ulan na dala ng shear line sa buong prubinsya noong huling linggo ng Nobyembre. Sa datos mismo ng lokal na gubyerno, humigit-kumulang 74,500 pamilya o 370,000 indibidwal ang labis na naapektuhan ng pag-ulan at epekto nitong pagbaha, pagkasira ng mga pananim at kabuhayan, at pagkawasak ng kanilang mga bahay.
Libu-libong pamilya ang lumikas dulot ng epekto ng pag-ulan. Sinamantala ng 20th IB ang kalamidad at unos para ilunsad ang mga focused military operation. Naglustay ito ng pondo para sa operasyong kombat imbes na ilaan sa pagtulong sa mga apektadong residente.
Kinutya ni Ka Amado ang operasyon ng militar, dahil matagal nang sinabi ng militar na nabuwag na ang mga larangang gerilya sa prubinsya. Gayundin, kasuklam-suklam na inilulunsad ang operasyong kombat sa kasagsagan ng sakuna at ng pagdurusa ng mamamayan, aniya.