3 sundalo ng 79th IB, sugatan sa bigong pag-atake sa BHB-Northern Negros
Nakapagtanggol ang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros laban sa pag-atake ng 79th IB noong Marso 18 sa Barangay General Luna, Toboso, Negros Occidental. Ayon sa paunang ulat, unang nakapagpaputok ang mga Pulang mandirigma dahil nasa bentaheng pusisyon ang yunit laban sa 79th IB.
Tumagal ng limang minuto ang putukan at kaagad na umatras ang hukbong bayan. Ayon sa ulat, disorganisado ang yunit ng 79th IB at hindi kaagad nakaganting-putok sa mga Pulang mandirigma. Tinataya ng BHB-Northern Negros na marami ang naging kaswalti sa kalabang sundalo. Tanging tatlong sundalo ang iniulat ng 79th IB na nasugatan sa labanan.
Pinasinungalingan ng hukbong bayan ang pahayag ng 79th IB na naiwan nito sa labanan ang ilang armas at kagamitang militar ng Pulang hukbo. Anang BHB-Northern Negros, nadala ng yunit ang lahat ng kagamitang militar at nananatiling mataas ang moral ng mga mandirigima nito.
Samantala, sapilitang pinalikas ng 79th IB at lokal na gubyerno ang 412 na mga residente o 122 pamilya na sinasabi nitong naapketuhan ng ilang minutong putukan. Diniskaril ng sapilitang pagpapalikas ang araw-araw na mga aktibidad at kabuhayan ng mga residente. Suspendido rin ang klase ng mga estudyante sa Barangay General Luna at kataping Barangay Tabun-ac.