3 sundalo ng AFP, kaswalti sa engkwentro sa BHB-Quezon
Napinsalaan ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Quezon (Apolonio Mendoza Command) ang nag-ooperasyong tropa ng Philippine Army sa isang engkwentro sa Barangay Mabini, Lopez, Quezon noong Abril 6, alas-10 ng umaga. Nakumpirma ng BHB-Quezon na hindi bababa sa tatlong sundalo ang kaswalti sa hanay ng Philippine Army.
Ayon kay Ka Cleo del Mundo, walang napinsala sa mga Pulang mandirigma. Aktibong nakapagtanggol ang yunit sa harap ng pagbubuhos ng daan-daang tropang militar para sa mga focused military operation (FMO) sa mga bayan ng Quezon.
Dagdag pa ng yunit, matapos ang labanan ay lagpas isang oras pang nagpaputok sa kung saan-saang direksyon ang mga sundalo kahit wala nang kalaban.
Katulad ng ipinahayag ng Komiteng Rehiyon ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Southern Tagalog noong anibersaryo ng BHB, “ipinamalas ng BHB ang kanyang mataas na kapasyahan at kakayanang isagawa ang aktibong depensa sa mga labanang hindi naiwasan.” Anang komite, sa anim na labanang naganap noong unang kwarto ng 2025 sa rehiyon ay lima rito ang naging aktibong pagdepensa at naitransporma naman sa taktikal na opensiba ang isa.
Mahigit tatlong buwan na ang tuluy-tuloy na FMO ng 201st IBde na sumasaklaw sa mga bayan ng Lopez, Macalelon, Gumaca, Catanauan at General Luna. Bukod pa rito ang napapaulat na operasyong militar sa dulong bahagi ng Quezon.
Katimbang ng 85th IB sa mga operasyong kombat nito sa South Quezon-Bondoc Peninsula ang 81st IB at 16th IB na ipinadala sa erya kahit pa idineklara na ng militar at lokal na gubyero na “insurgency-free” ang Quezon noon pang Hunyo 2023.
Samantala, naiulat ng mga residenteng magsasaka na mayroong dinakip na mga mag-uuling ang Philippine Army para “imbestigahan.” Kinakalap pa ang karagdagang impormasyon sa kalagayan ng biktima.