30% ng species ng puno sa mundo, malapit nang maubos
Nalantad sa pag-aaral na pinamagatang “State of the World’s Trees” na inilabas ng Botanic Gardens Conservation International noong Setyembre 1 na nasa 30% na ng mga specie o klase ng puno sa buong mundo ang nasa bingit na ng pagkaubos. Nagpahayag ito ng pagkaalarma sa nalalapit nang pagkaubos ng aabot sa 17,500 specie ng puno, 440 sa mga ito ay mayroong na lamang mas kaunti pa sa 50 puno na natitira.
Ayon sa ulat, dobleng mas marami ang malapit nang maubos na mga puno kumpara sa pinagsamang bilang ng mga malapit nang maubos na mga mammal, ibon, amphibian at reptile. Pinakamatindi ang pagkaubos ng mga puno sa Brazil, Indonesia, Malaysia, China, Colombia at Venezuela.
Isa sa pangunahing mga dahilan sa pagkaubos ng mga specie ang pagpapalit-gamit ng mga kagubatan tungong mga sakahan (29%), pagtotroso (27%), pagpapalit-gamit tungong paghahayupan (14%) at residensyal at komersyal na gamit (13%). Dahilan din ang pagkatupok ng apoy (13%), pagpapalit gamit para sa produksyon ng enerhiya at pagmimina (9%), at plantasyon ng komersyal na kahoy at pulp (6%). Inilantad din ng ulat na aabot sa sa 300 milyong metro kubiko ng kahoy ang inaani taun-taon o katumbas ng mahigit 100 milyong punong pinutol.
Sa nakalipas na tatlong siglo, lumiit na nang mahigit 40% ang kagubatan sa buong mundo, habang nakapagtala ng 90% na pagliit sa forest cover ang 29 bansa. Sa Pilipinas, tintayang 7 milyong ektaryang kagubatan na lamang ang natitira o 23% ng kabuuang erya ng bansa. Tatlong porsyento na lamang ang natitira sa mga pronterang kagubatan nito. Sa isang hiwalay na ulat noong nakaraang taon, kabilang ang Pilipinas sa 10 bansang pinakamabilis magkalbo ng kagubatan sa nakalipas na dalawang dekada.
Sa buong mundo, pinakamarami (1,788) ang naitalang punong malapit nang maubos sa Brazil dulot ng pagkakalbo at mga sunog na patuloy na tumutumupok sa malaking bahagi ng kagubatan ng Amazon sa nakalipas na mga dekada.
Nito lamang nakaraang buwan, muli na namang sumiklab ang mga sunog sa bahagi ng kagubatan ng Amazon na saklaw bansang Brazil noong nakaraang buwan. Ang Amazon ang pinakamalaking kagubatan sa buong mundo (7 milyong kilometro kwadrado) at kumakatawan sa higit kalahati ng kabuuang lawak ng mga kagubatan sa buong mundo. Tinagurian itong “planet’s lungs” (baga ng mundo) dahil nasa 20% ng oxygen sa atmospera ng planeta ay nagmumula rito. Ang milyun-milyong puno rito ay may kakayahang iproseso ang carbon dioxide na pinoprodyus ng mga industriya sa mundo tungong oxygen.
Maliban sa krusyal na papel ng mga puno sa pagmamantine ng balanse ng klima sa daigdig, nagsisilbi ring tahanan ang mga ito ng iba’t ibang mga hayop at halaman. Nasa 75% rin ng sariwang tubig sa buong mundo ay nagmumula sa mga kagubatan.