4 na sundalo ng AFP, napatay sa engkwentro sa BHB-Bukidnon
Napatay ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Bukidnon sa isang engkwentro ang apat na tropa ng pinagsanib na pwersa ng 48th IB, 72nd IB at 56th IB, sa ilalim ng 1003rd IBde, sa hangganan ng Barangay Lumintao at Barangay Kipaypayon sa Quezon, Bukidnon bandang ala-6 ng gabi noong Nobyembre 24. Sampung iba pa ang nasugatan sa hanay ng mga pasista.
Mag-iisang buwan na ang walang tigil na nakapokus na operasyong kombat ng militar sa tri-bawndari ng mga bayan ng Quezon, Valencia City at San Fernando simula unang linggo ng Nobyembre. Labis na pangamba at abala sa kabuhayan ng masang magsasaka at Lumad ang dulot ng operasyon nito laluna ang panganganyon ng militar. Nanganyon ito sa bayan ng San Fernando at nakaapekto sa mga mag-aabaka at maliliit na minero sa komunidad.
Samantala, pinarangalan ng BHB-Bukidnon ang isang mandirigmang namartir sa naturang engkwentro.