Balita

6 o higit pang kanditatong pagkapresidente sa 2022, lumilitaw

Hanggang ngayong araw, lima na ang nagdeklarang tatakbo bilang presidente sa eleksyong 2022. Sa mga darating na araw bago ang takdang petsa ng pormal na pagpapalista sa Comelec sa Oktubre 8, inaasahang magdedeklara rin ng planong tumakbo ang hindi bababa sa dalawa pa. Sumatutal, lilitaw na hindi bababa sa 6 o 7 ang magiging kandidato sa pagkapresidente sa darating na taon.

Ininanunsyo ngayong araw ang kandidatura ni Ferdinand Marcos Jr bilang kandidato ng partidong Bagong Lipunan. Wala pa siyang iniaanunsyong katambal. Bago nito, ilang ulit na itinambol ng kanyang kapatid na si Imee ang kagustuhan ng kanilang pamilya na makatambal si Sara Duterte para muling makaupo sa trono ng Malacañang.

Noong nagdaang mga linggo, idineklara ng magkalabang paksyon ng PDP-Laban ang kani-kanilang kandidato: si Sen. Bong Go at si Sen. Manny Pacquiao. Wala pang napiling bise presidente si Pacquiao habang si Rodrido Duterte ang inihalal na kandidatong bise-presidente ng grupo ni Go.

Nagdeklara naman noong Miyerkules si Mayor Isko Moreno ng Maynila na tatakbo siyang president ilalim ng Aksyon Demokratiko, ang partidong sinalihan niya ilang linggo lamang ang nakararaan. Katambal niya ang duktor na kilala sa radyo at Youtube na si Willie Ong.

Pinakauna sa lahat nag-anunsyo ng kandidatura ang tambalan nina Sen. Panfilo Lacson at Sen. Tito Sotto bilang presidente at bise-presidente. Inihahapag nila ang kanilang mga sarili bilang “alternatibo” sa rehimeng Duterte, kahit pa limang taon nilang sinuhayan at sinuportahan ang mga mayor na patakaran ng rehimen.

Tatlo sa limang kandidato sa pagkapresidente at isang kandidato pagka-bise presidente (Go, Pacquiao, Lacson, Sotto) ay mga alyado ni Duterte sa Senado na nagsilbi sa kanya at kanyang adyenda sa nakaraang limang taon. Instrumental sila sa pagpapasa ng pinakamasasahol na batas ng rehimen at tagapagtanggol ng madudugong kampanya ni Duterte.

Nito na lamang panahon ng eleksyon nagkalakas loob sina Pacquiao at Sotto na magsalita kontra kay Duterte. Bagamat matagal nang nakaposturang kontra-Duterte si Lacson, kasangga siya ng rehimen sa pagpasa ng mga pasistang pakatakaran tulad ng Anti-Terrorism Law sa Senado.

Inaabangan ang posibleng pagdedeklara ng dalawa pa—si Leni Robredo bilang kinatawan ng Liberal Party at si Sara Duterte bilang panghalili ni Christopher Go.

Pumipili pa hanggang ngayon sa mga posibleng magkandadidato ang alyansang 1Sambayan. Bukas sila kina Robredo, Moreno at maging kay Pacquiao. Samantala, hanggang ngayon ay itinatanggi pa rin si Sara Duterte na tatakbo siya pagkapangulo at nagsabing muli lamang siyang kakandidato pagka-meyor ng Davao City.

AB: 6 o higit pang kanditatong pagkapresidente sa 2022, lumilitaw