Balita

67 Palestino, kabilang ang 17 menor de edad, patay sa teroristang pang-aatake ng Israel

Umaabot na sa 67 Palestino, kabilang ang 17 menor de edad, ang naitalang patay noong Mayo 13 sa tuluy-tuloy na teroristang pang-aatake ng Israel sa Gaza Strip. Halos 400 ang naiulat na sugatan sa mga airstrike, kung saan mahigit 100 ay mga bata. Ang Gaza Strip ay isang makitid na englabo kung saan nakatira ang mahigit 2 milyong Palestino. Naganap ang pang-aatake malapit sa pagtatapos ng Ramadan, sagradong panahon ng mga Muslim.

Nagsimula ang mga pamboboma ng Israel sa matataong lugar ng strip noong Mayo 11 bilang ganti sa pagpapakawala ng relatibong maliliit na rocket ng grupong Hamas mula rito. Daan-daang airstrike ang inilunsad ng Israel sa iba’t ibang bahagi ng Gaza na siksik sa sibilyang populasyon. Isa sa mga tinarget nito ang isang mataas na gusaling residensyal sa Central Gaza kung saan nakatira ang 80 pamilya. Dineploy na rin ng Israel ang mga pwersang pandepensa nito sa hangganan ng teritoryo para salakayin ang Gaza anumang oras.

Kasabay nito, kumalat sa social media ang pagkundena sa paggamit ng Israeli Defense Forces ng white phosphorous shells sa pang-aatake nito sa engklabo. Ang phosphorous ay isang kemikal na nakasusunog ng balat at mata at mahigpit na ipinagbabawal na gamitin sa gera ng internasyunal na mga alituntunin ng digma. Bagamat itinatanggi ito ngayon ng Israel, hindi na bago ang paggmit nito sa nakamamatay na kemikal. Noong 2019, napatunayan sa imbestigasyon ng Human Rights Watch ng gumamit ang IDF ng white phosphorous sa 22-araw na operasyong militar nito laban sa Palestine.

Sa kabila ng nagdudumilat na mga krimen ng Israel laban sa mga sibilyan at tagibang na paggamit ng pwersa laban sa lumalabang pwersa ng Hamas, agad itong ipinagtanggol ng US sa pagsasabing may karapatan ang Israel na “depensahan ang sarili.” Sa halip, kinundena nito ang pagpapakawala ng mga rocket ng Hamas at “iba pang teroristang grupong tumatarget sa mga sibilyang Israeli.” Mahigit 90% ng rocket ng Hamas ang nanunyutralisa ng anti-missile radar system o Iron Dome ng Israel. Naiulat na limang sibilyan sa Israel na tinamaan ng ligaw na mga rocket. Ang iba pang rocket ay nahuhulog sa loob lamang din ng Gaza.

Ibinunsod ang huling serye ng paglaban ng mga Palestino ng marahas at sapilitang pagpapalayas sa kanila sa natitira nilang mga komunidad sa East Jerusalem mula pa huling linggo ng Abril. Sinalakay ng ekstremistang mga grupong Israeli ang mga negosyo at bahay ng mga Palestino dito at nag-udyok ng mga pagkilos ng mga kabataang Palestino.

AB: 67 Palestino, kabilang ang 17 menor de edad, patay sa teroristang pang-aatake ng Israel