Balita

80th IB, binigwasan ng BHB-Rizal

Binigwasan ng Bagong Hukbong Bayan-Rizal (Narciso Antazo Aramil Command) ang pasistang tropa ng 80th IB kahapon, Pebrero 17, sa Sityo Tayabasan, Barangay San Jose, Antipolo City, bandang alas-3 ng hapon. Isang sundalo ang napatay.

Ayon kay Macario Liwanag (Ka Karyo), tagapagsalita ng NAAC, ang opensiba ay ‘bigwas sa tropang naglulunsad ng sustinidong focused military operations na pinaglulustayan ng kaban ng bayan at nagsisilbing pahirap at perwisyo sa lugar at mamamayan…”

Malaon nang nag-ooperasyon sa lugar ang naturang mga tropa na perwisyo at pahirap sa mamamayan sa lugar. Ayon kay Ka Karyo, ang nagpapatuloy na mga operasyon ng 80th IB sa Rizal ay nagsisilbing proteksyon sa anti-mamamayang mga proyektong nagpalayas sa mga magsasaka at katutubo sa Antipolo City at iba pang bayan ng Rizal. Isa rito ang Wawa-Violago Dam ng burgesyang kumprador na si Enrique Razon na nagpalayas ng maraming magsasaka sa mga barangay ng Calawis, Apia at San Jose. Sinira ng ginagamit na mga kemikal ng treatment plant ng dam ang mga sapa sa paligid, at nilason ang maraming isda. Tuluy-tuloy na sinisira ng operasyon ng dam ang kalikasan, ayon kay ka Karyo.

Dagdag sa dam, nagbabanta ring mapalayas ang iba pang mga magsasaka sa Antipolo at Tanay para bigyan-daan ang proyektong wind power.

“Ang mga nagpapatuloy at papabigat na suliranin ng mga Rizaleño ang nananatiling matabang lupa para sa pagpapatatag ng Partido at hukbong bayan sa Rizal,” pahayag ni Ka Karyo. “Hawak ang layuning protektahan ang interes ng mamamayan, determinado ang BHB na biguin ang operasyon ng AFP-PNP.”

AB: 80th IB, binigwasan ng BHB-Rizal