80th IB na protektor ng mapangwasak na dambuhalang proyekto sa Quezon, nasagupa ng BHB
Aktibong nakapagdepensa ang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-North Quezon laban sa nag-ooperasyong tropa ng 80th IB noong Abril 16 sa Barangay Tanauan, Real, Quezon. Ang yunit ng 80th IB na naengkwentro ng hukbong bayan ay nagsisilbing protektor ng mapangwasak na dambuhalang proyektong Real Wind Energy Project (RWEP) ng ACEN Corporation ng Ayala Corporation.
Nag-ooperasyon ang 80th IB sa Barangay Tanauan, na kabilang sa 10 barangay na saklaw ng dambuhalang RWEP, para protektahan ang interes ng malalaking burgesya-kumprador at burukrata-kapitalista na makikinabang dito. Sasaklawin ng naturang proyekto ang 5,670-ektaryang lupa na magpapalayas sa libu-libong residente at magsasaka ng Real.
Ayon sa ulat ng yunit, tumagal lamang ng limang minuto ang putukan taliwas sa ipinahayag ng 80th IB na 20 minuto ang labanan. Ligtas na nakaatras ang yunit ng Pulang hukbo.
Walang rin umanong katotohanan ang ipinakalat na intriga ng mga sundalo na may nasawi at nakitang bakas ng dugo ng mga Pulang mandirigma sa labanan. “[Matapos ang labanan], nagsayang pa ng mga bala sa kanilang walang patumanggang pamamaril ang mga utak pulburang [sundalo ng 80th IB],” ayon kay Ka Eliza Dela Guerra, tagapagsalita ng BHB-North Quezon.
Binatikos niya ang paglulustay ng pondo ng 80th IB sa walang patumanggang pamamaril. “Habang nagugutom ang malawak na mamamayan dahil sa matinding kahirapan ay winawaldas naman ng rehimeng US-Marcos ang kabang-yaman ng bansa para sa malalakihan at matatagalang FMOs (focused military operations) sa halip na ilaan para maibsan man lamang ang kagutumang dinadanas ng marami nating kababayan,” ayon pa kay Ka Eliza.
Pagdidiin ni Ka Eliza, sa harap ng pasistang paninibasib ng 80th IB sa ngalan ng naghaharing mga uri, patuloy na magsisikap ang BHB-Quezon para ipagtanggol ang interes ng karaniwang mamamayang inaagrabyado at pinahihirapan ng mga ito. “Protektahan, pangalagaaan at ipaglaban ang interes ng mamamayan laban sa dayuhang mandarambong ng ating kalikasan at mga lokal na naghaharing uring kasapakat nito at mga bayarang AFP at PNP hanggang sa magtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan,” panawagan niya sa hukbong bayan.