80th IB, tinambangan ng BHB-Rizal
Tinambangan ng BHB-Rizal (Narciso Antazo Aramil Command) ang tropa ng 80th IB malapit sa kampo ng mga ito sa Maugraw, Sityo Quinao, Barangay Puray, Rodriguez, Rizal noong Marso 26. Dalawang sundalo ang napatay habang dalawa ang sugatan.
Ayon kay Armando Cienfuego, tagapagsalita ng BHB-Southern Tagalog, ang ambus ay tugon sa kahingian ng masa na parusahan ang mga elemento ng estado na naghahasik ng terorismo sa prubinsya.
Ani Cienfuego, may mahabang rekord na ng paglabag sa karapatang-tao ang 80th IB at iba pang pwersa ng AFP at PNP laban sa mamamayan ng Rizal.
Kamakailan lamang, dinukot ng mga ahente nito si Rene Villarama, isang Duamagat at residente ng Barangay Puray. Sangkot din ng mga elemento nito sa pagpaslang sa siyam na aktibistang pinaslang sa tinaguriang Bloody Sunday, partikular sa pagpaslang kina Abner at Edward Mendoza, mga residente Barangay Puray.
Sangkot din ang mga ito sa pagpaslang kina Mark Lee Bacasno at Michael Dasigao, mga kasapi ng San Isidro Kasiglahan, Kapatiran at Damayan para sa Kabuhayan, Katarungan at Kapayapaan at dalawa pang Dumagat na sina Puroy at Randy dela Cruz.