95% ng mga rehistradong SIM, nakatatanggap pa rin ng mga text scam

,

Regular pa ring nakatatanggap ng mga text scam ang 94.6% ng mga rehistradong may-ari ng SIM, ayon sa sarby na ginawa Computer Professionals Union. Ito ay sa kabila na isang taon na ang lumipas mula nang ipinatupad ang pwersahang pagpaparehistro ng lahat ng mga SIM Card.

Maaalalang inilako ng gubyerno ang SIM Registration bilang solusyon sa mga text scam at iba pang cybercrime. Ito ang unang batas na pinirmahan ni Marcos. Binabatikos ito na isang instrumento para sa malawakang sarbeylans laban sa mamamayan.

Sa sarbey ng grupo na may 800 respondent, halos lahat pa rin ng mga rehistradong SIM ang nalulusutan ng mga text scammer. Ang 29.8% ng mga regular na nakatatanggap ng text scam ay nabibiktima ng mga scam na ito, tulad ng phishing scam, pagnakaw sa personal na impormasyon o pera, o di kaya’y pinapasok ng mga bayrus ang kanilang mga gadget. Malaking bahagi ng mga biktima ng mga scam o 74% ay hindi nakatatamasa ng maayos na tugon mula sa estado at sa mga kumpanya sa telekomunikasyon.

Alinsunod sa sarbey, 97.1% sa mga nagresponde ang sumang-ayong palpak ang SIM Registration Law.

“Malinaw na hindi nakapigil sa mga scam ang pamumwersa sa lahat na irehistro ang kanilang mga SIM,” ayon sa CPU. “Ang totoo, ang gubyerno pa mismo ang nag-ulat na tumaas ang cybercrime nang 22% sa unang kwarto ng 2024.”

Muling binatikos ng grupo ang pwersahang pagpaparehistro na anito’y nagbukas lamang para maging mas bulnerable pa ang mga Pilipino sa mga scam. Nanawagan itong ibasura ang batas at bigyan ng tunay na solusyon ang ugat ng mga scam.

AB: 95% ng mga rehistradong SIM, nakatatanggap pa rin ng mga text scam