Balita

99% ng pondo para sa programang pang-tsuper, hindi nagastos ng LTFRB

Isiniwalat ng ulat ng Commission on Audit (COA) para 2020 na karampot na isang pursyento lamang ng kabuuang P5.58 bilyong pondong inilaan para sa programang benepisyaryo sa mga tsuper at drayber sa panahon ng pandemya ang ginastos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Para ito sa Service Contracting Program ng ahensya na nagbabayad ng mga tsuper para magbigay ng libreng sakay sa Metro Manila.

Ayon sa COA, nasa P59 milyon lamang ang ginastos ng LTFRB. Krimeng maituturing ang kapabayaan ng LTFRB sa kabila ng mahahabang pila ng mga mananakay, malaking bilang ng mga tsuper na walang trabaho at milya-milyang nilalakad ng mga manggagawa para lamang makapasok sa trabaho.

Pangunahing dahilan umano ng napakababang paggastos sa pondo ang mabagal na implementasyon ng programa na tumagal ng dalawa hanggang 10 linggo sa huling tala noong Disyembre 31, 2020. Sa mga nakalahok sa programa, nahuli rin ang pamamahagi ng benepisyo at insentibo para sa kanila.

Hindi rin lumampas sa kalahati ang bilang ng mga tsuper at opereytor ng PUV ang nairehistro ng LTFRB para sa programa. Tinarget nitong maabot ang karampot na 60,000 drayber ngunit ang naabot lamang nito ay nasa 29,800 (49.79%).

Pinuna ng grupong Piston, samahan ng mga organisasyon ng maliliit na drayber at opereytor, ang pagpapabayang ito ng LTFRB. Ayon sa kanila, hindi kataka-taka kung sinadya ng LTFRB ang ganitong pagkakait ng ayuda, dahil sa programa nitong i-phaseout ang mga jeepney. Sinamantala nito ang pandemya para unti-unti hanggang sa tuluyang tanggalin ang mga tradisyunal na dyip sa mga lansangan.

Matatandaan din noong Marso 2020, sinabi ng LTFRB na tutulong ito sa mahigit 400,000 driver ng mga jeepney, UV Express, taxi, Grab, at iba pa sa buong Pilipinas. Ipinagyabang nito na madaling makakukuha ng ayuda ang mga tsuper dahil direktang dadaloy ang pondo sa ahensya. Matapos ang ilang buwan, umabot lang sa halos 32,000 na driver ang napaabutan ng ayuda.

Nauna nang pinuna ni Sen. Grace Poe noong Mayo ang ahensya matapos ang mabagal na paggulong ng programang pansuporta para mga tsuper na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

AB: 99% ng pondo para sa programang pang-tsuper, hindi nagastos ng LTFRB