Abril 27 | Abangan: Mas matataas pang presyo ng tinapay, mantika at karne
Nakatakdang tumaas pa ang mga presyo ng pagkain sa susunod na mga buwan dulot ng tuluy-tuloy na pagtaas ang presyo ng mga batayang produktong pagkain sa pandaigdigang pamilihan.
Ayon sa Bloomberg Agriculture Spot Index, tumataas ang mga presyo ng trigo, mais at soybeans sa pandaigdigang pamilihan sa pinakamataas na antas nito mula 2013 kahapon, Abril 26. Ito ay dahil sa 1) mahinang ani ng mga bansang nag-iimport ng mga produktong ito at 2) paglamon ng China ng papalaking bolyum ng naturang mga produkto para sa konsumo ng mga industriya nito. Ginagamit ang trigo sa paggawa ng mga tinapay at ibang katulad na produkto, habang ang mais at soybeans ay ginagamit bilang feeds (pagkain ng hayop), at ang soybean ay pinagkukunan rin ng mantika (soybean oil).
Apektado ang Pilipinas sa gayong mga pagtaas dahil inaangkat nito ang 100% pangangailangan na trigo at halos 99% rin ng soybean. Ang pagtaas ng feeds sa mga hayop (manok at baboy) ay mararamdaman nito sa matataas na presyo ng karneng baboy at manok na inaangkat ng bansa.
Noong Abril 8, naglabas na ng taya ang Food and Agriculture Organization ng United Nations na patuloy pang tataas ang mga presyo ng mantika, karne at gatas.
Sa nakaraang 10 taon, papataas ang import dependency ratio ng bansa sa usapin ng pagkain. Mula 18% noong 2010, nasa 29% na ito noong 2019. Ibig sabihin, mahigit sangkapat na ng pagkain ng bansa ay nakaasa sa suplay —o kakulangan nito — sa pandaigdigang pamilihan. Ilan sa mga tumataas taun-taon ang importasyon ng bigas (23% ang inimport noong 2019), karneng baboy, baka at manok. Samantala, 100% ding iniimport ng Pilipinas ang gatas at iba pang produktong mula sa gatas. Ilan pang halos buong iniimport ng bansa ang suplay ng bawang, mani at mongo.
Mula Agosto 2020, tuluy-tuloy nang tumaaas ang tantos ng implasyon sa bansa. Noong Marso, nasa 4.5% ito ay tinatayang tataas sa Abril.