Abugado ng Malacañang, itinalagang bagong pinuno ng CHR
Dismayado ang mga grupong tagapagtanggol ng karapatang-tao sa pagtatalaga noong Setyembre 27 ni Ferdinand Marcos Jr kay Richard Palpal-Latoc bilang bagong pinuno ng Commission on Human Rights. Bago italaga, nagsilbi siyang deputadong executive secretary para sa mga usaping ligal ng upisina ni Marcos Jr. Katuwang siya ni Atty. VIctor Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos Jr sa kampanyang pang-eleksyon at itinalaga (pero tinanggal na) na executive secretary.
Bago italaga sa bilang deputado ni Rodriquez, naging assistant prosecutor siya sa Quezon City noong 2020. Bago nito, upisyal siya sa Office of the Ombudsman. Nanggaling siya at si Rodriguez sa isang grupong pang-abogasya.
Walang kasanayan o karanasan man lamang si Palpal-Latoc sa mga usaping pangkarapatang-tao. Sa una niyang press conference bilang pinuno ng CHR, sinabi niyang “fine” (ayos) at “fair” (patas) ang sitwasyon ng karapatang-tao sa bansa bilang tugon sa mga tanong ng midya. Sinabi rin niyang “gumagana” ang sistema sa hustisya ng bansa.
Tinawag siyang “loyalistang abugado” ng Human Rights Watch at ang kanyang pagkakatalaga bilang “sampal sa mga biktima” ng mga paglabag sa karapatang-tao.
Nakasalang ngayon ang sitwasyon ng karapatang-tao ng Pilipinas sa imbestigasyon sa International Criminal Court at sa masinsing pagsusuri ng UN Human Rights Council. Krusyal ang pagiging independyente ng CHR sa mga imbestigasyong ito.
Liban kay Palpal-Latoc, wala ring karanasan sa human rights work si Beda Angeles Epres, isa pang abugadong itinalaga ni Marcos sa komisyon. Magsisilbi sa komisyon ang dalawa hanggang 2029. Tatlo pang upisyal ang kailangang italaga ni Marcos para mabuo ang en banc ng komisyon.
Binuo ang CHR noong 1987 para pangalagaan ang mga paglabag sa karapatang-tao ng mga “api at bulnerableng sektor.” Tugon ito sa naging malawakang paglabag ng estado sa mga karapatang-tao sa ilalim ng diktadurang Marcos Sr.