Abugadong Pinoy, ginawaran ng 2022 Roger N. Baldwin Medal of Liberty
Ginawaran ng 2022 Roger N. Baldwin Medal of Liberty si Angelo Karlo Guillen, ang Pilipinong abugado na nakabase sa Panay, dahil sa kanyang pagtataguyod sa karapatang-tao sa Pilipinas. Ang naturang karangalan ay nakapangalan kay Baldwin, ang pangunahing tagapagtatag ng American Civil Liberties Union (ACLU) at International League for Human Rights.
Iginawad sa kanya ang karangalan ng grupong ng Human Rights First noong Agosto 9, International Day of the Indigenous Peoples at National Indigenous Peoples Day sa Pilipinas.
“Ang mga katutubong mamamayan, katulad ng komunidad ng Tumandok, gayundin ang mga magsasaka, mga lider-obrero, at mga aktibista, ang nagiging biktima ng mga iligal na pang-aaresto, ekstrahudisyal na pamamaslang, at iba pang mga paglabag sa karapatang-tao na kagagawan ng mga pwersa panseguridad ng estado, na hanggang sa ngayon ay laganap pa rin sa bansa,” pahayag ni Guillen.
Matatandaang tinangkang patayin si Guillen noong 2021 sa Iloilo City. Nagtamo siya ng dalawang saksak sa ulo at leeg, at pinagnakawan ng kanyang laptop. Ito ay matapos walang awat siyang nired-tag ng mga pwersa ng militar dahil sa pag-aabugado niya sa mga Tumandok na inaresto sa Capiz at Iloilo, gayundin sa mga lider-obrero sa Negros. Inaakusahan din siya ng “illegal possession of firearms and explosives” at rekruter umano ng New People’s Army.
Tumatayo siyang pangkalahatang kalihim ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL)-Panay. Isa rin siya sa 37 petisyuner sa Korte Suprema na kumukwestyon sa Anti-Terrorism Law (ATL).