Alok na amnestiya ni Marcos, itinakwil ng BHB-Negros
Walang pag-aatubiling itinakwil ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Negros Island Regional Operational Command ang pinakahuling “programang amnestiya” ng reaksyunaryong estado. Noong Nobyembre 24, naglabas ng proklamasyon ang rehimeng Marcos na naggagawad ng amnestiya sa mga “dating kasapi ng CPP-NPA-NDF o kanilang mga prenteng organisasyon.” Tinawag ito ng BHB-Negros na “bogus at isang katangahan” na katulad ng isinusulong na “lokalisadong usapang pangkayapaan” ng Armed Forces of the Philippines Visayas Command (AFP-VISCOM) sa rehiyon.
Inilabas ni Marcos ang Proclamation 404 kahapon na nagsasaad ng mga rekisitos para makapaloob sa programa ng amnestiya ang mga rebelde. Kasabay ito ng tatlo pang ibang proklamasyon na nag-alok din ng amnestiya sa iba pang mga armadong grupo sa bansa.
Ang isla ng Negros ay kabilang sa naging pinakamatitinding lunsaran ng tinaguriang “lokalisadong usapang pangkapayapaan” at “kampanyang pagpapasuko” kung saan ang mga komunidad sa kanayunan ay sinasakop ng militar (hamlet) at ipinaiilalim sa mga operasyong saywar, intelidyens at kombat ng AFP. Sa nagdaang limang taon o higit, ilampung libong mga sibilyan ang huwad na ipinaradang mga “sumurender” nang hindi kinakasuhan sa korte, taliwas sa kanilang mga karapatang sibil at pampulitika.
Matapat sa mithiin
Noon pang Agosto itinakwil ng Partido Komunista ng Pilipinas ang alok ng rehimeng Marcos na amnestiya. Ayon kay Ka Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng PKP, hindi isusuko ng rebolusyonaryong armadong kilusan ang adhikain nito at hindi magpapalinlang sa alok na amnestiya at pagsuko.
“Nananatiling matapat ang mga komunista at rebolusyonaryong mandirigma sa mga mithiin ng mamamayang Pilipino. Puspusang ilalantad at tutuligsain ito ng rebolusyonaryong kilusan bilang dagdag na kasangkapan ng panlalansi at pang-aapi,” aniya sa isang pahayag noong unang ipinalutang ng rehimen ang pakana.
Higit umanong mas malaki ang rebolusyonaryong adhikain para sa ganap na pambansang kalayaan at hustisyang panlipunan kumpara sa anumang alok na amnestiya. “Kumikilos ang mga rebolusyonaryo hindi sa makasariling paghahangad ng ganansyang personal, kundi dahil sa buong-pusong katapatang maglingkod at makibaka kasama ang sambayanan,” dagdag ni Valbuena.
Itinuring ni Valbuena na isang malaking insulto ang amnestiyang alok ni Marcos. “Maling-mali siya sa pag-aakalang ang mga Pulang mandirigma ng hukbo ay dudulog sa kanya para lamang sa ilang pabuya kapalit ng pagsuko sa higit na malaking adhikain ng mamamayang pinaglaanan nila ng kanilang buhay,” paliwanag pa ng upisyal sa impormasyon.
Sa kasaysayan, ginamit ng kontra-rebolusyonaryong estado ang pag-aalok ng amnestiya bilang inasukalang bala laban sa mga pwersang rebolusyonaryo. Ang kolonyal na gubyerno ay nag-alok ng amnestiya sa Pilipinong tagapagtanggol ng kalayaan tulad ni Macario Sakay noong 1905, ngunit pinatay kalaunan noong 1907. Noong 1946, ang ilang mga lider ng Hukbalahap ay nalansi ng amnestiya ni Quirino bago patayin matapos ang ilang buwan.
Matapos maluklok sa poder sa kumbinasyon ng kudetang militar at higanteng kilusang masa, natulak sina Corazon Aquino at Gloria Arroyo na magdeklara ng amnestiya at palayain ang marami-raming mga bilanggong pulitikal. Ngunit hindi naglaon ay naglunsad ang kanilang rehimen ng brutal na gera ng panunupil na kinatangian ng mga pagpaslang at pagmasaker.
Giit ni Valbuena, “pagsasangang-dila ang pag-aalok ni Marcos ng amnestiya sa mga susuko habang halos 800 bilanggong pulitikal ang nasa kulungan, at araw-araw, inaaresto at inuusig ang mga tao dahil sa kanilang paniniwalang pampulitka at paninindigang panlipunan.”