Apat na magbubukid na tutol sa Naga Airport Development, inaresto

Inaresto noong Hunyo 19 ng mga pwersa ng estado ang apat na magsasaka sa Sityo Caorasan, Barangay San Agustin, Pili, Camarines Sur sa gawa-gawang mga kaso. Ayon sa ulat ng Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB), dinakip ang apat dahil sa kanilang pagtutol sa proyektong Naga Airport Development na peperwisyo sa kanilang komunidad.

Kabilang sa mga inaresto si Artemio Sanchez, dating lider ng Damayan nin Paraoma sa Camarines Sur (DAMPA) at kasapi ng panrehiyong konseho ng KMB.

Ang apat ay inaresto kaugnay ng sinasabing “kaguluhan” noong 2018, na ayon sa KMB ay isang lehitimong pagkilos ng mga magsasaka para tutulan at igiit ang kanilang karapatan sa lupang sinasaka, tinitirhan at kabuhayan.

Ang naturang erya ay nakapailalim sa inutil na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Sa kabila nito, hinayaan ng Department of Agrarian Reform (DAR) na magtuluy-tuloy ang proyektong Naga Airport Development at ang iba pang kumbersyon ng lupa sa paligid nito.

Simula pa taong 2000 balak itulak ang proyekto ngunit sa harap ng paglaban ng mga magsasaka ay paulit-ulit itong napipigilan. Muling sinubukan iratsada ang proyekto noong 2017 sa ilalim ng Build Build Build na programa ng dating rehimeng Duterte.

AB: Apat na magbubukid na tutol sa Naga Airport Development, inaresto