Araw ng Kababaihan laban sa charter change
Nagmartsa ngayong Araw ng Kababaihan, Marso 8, ang mga grupo ng kababaihan sa pangunguna ng Gabriela, at iba’t ibang demokratikong organisasyon, para ipahayag ang kanilang pagtutol laban sa charter change (chacha) ng rehimeng Marcos Jr, at para sa karapatan, kabuhayan at kasarinlan. Nagmartsa sila mula sa España Avenue patungo sana sa Mendiola ngunit hinarang ng mga pulis sa kalyeng Morayta pa lamang. Nagsagawa na lamang sila ng programa sa harap ng Far Eastern University sa Morayta.
Sa programa, ipinrisinta ng Gabriela ang isang obra na kumakatawan sa “regalo” ng rehimeng Marcos Jr sa kababaihan na may tatak na chacha. Sa loob ng kahon ay mga ahas na nagsisimbolo ng 100% pag-aari ng dayuhan, dagdag na mga base militar ng US sa bansa, at pagpapalawig ng panunungkulan (term extension) para sa mga upisyal ng estado. Ang kahon ay binalot ng bandila ng US.
“Ang paggawad sa mga dayuhan ng 100% pag-aari sa bansa ay hindi sagot sa maiinit na usaping kinakaharap ng ating bansa,” ayon kay Clarice Palce, pangkalahatang kalihim ng Gabriela. Sa gitna ng malawak na pagtutol, ipinasa na noong Marso 6 sa antas komite ng Mababang Kapulungan ang Resolution of Both Houses No. 7, ang panukalang nagtutulak para sa “economic chacha.”
“Ang panawagan ng kababaihan ay kabuhayan, karapatan, at kasarinlan, hindi Charter Change para sa dayuhan at iilan,” ani Palce. “Hindi kami mananahimik sa harap ng lantarang pagbabalewala sa pambansang soberanya at kagalingan ng mamamayan.”
Nakirali at nakiindak ang mga kababaihang manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno at Women Workers United. Panawagan nila sa kanilang mga kapwa kababaihang manggagawa na tumindig laban sa chacha at ipaglaban ang kanilang mga karapatan at kagalingan.
Dumalo sa rali ang mga magsasakang kababaihan sa ilalim ng Amihan, gayundin mula sa grupong Bantay Bigas at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Panawagan nila ang lupa, at hindi chacha na magbubuyangyang sa lahat ng klaseng lupa sa pag-aari ng mga dayuhan.
Nakiisa at nakisayaw rin ang Alliance of Concerned Teachers, at ACT Teachers Partylist sa pagkilos. “Sigaw ng mga guro, na mayorya ay kababaihan, na imbis na pagbabago sa Konstitusyon ay dapat asikasuhin ang tumitinding problema sa mababang sahod, kakulangan sa trabaho at lumalalang implasyon,” ayon sa grupo.
Nasa pagkilos rin ang Piston-Women, na ang panawagan ay pagbabalik sa 5-taong prangkisa (at hindi ang pwersahang konsolidasyon sa ilalim ng huwad na programang jeepney modernization), hindi ang chacha.
Samantala, nananawagan ang grupong Kapatid na palayain na ang mga bilanggong pulitikal, kabilang ang mga babaeng detenidong pulitikal. Anito, 164 sa 799 mga bilanggong pulitikal noong Disyembre 31, 2023 ay mga babae.
“Ang matatapang na kababaihang ito ay di makatarungang idiniditine, pinatatahimik sa pamamagitan ng gawa-gawang mga kaso, tanim na mga ebidensya at sinungaling na mga testimonya,” ayon sa Kapatid. Kabilang sa kanila ay di makatarungang hinatulang nagkasala, tulad nina Cleofe Magtapon, istap ng National Democratic Front of the Philippines, at Alexandrea Pacalda, dating mamamahayag sa kampus.
Nasa pagkilos rin ang mga myembro ng Kalikasan PNE, Bayan Muna, Migrante, Salinlahi, International League of People’s Struggles at marami pang iba.