Badoy, inobliga ng Korte Suprema na ipaliwanag ang ginawang pambabanta

Sa kautusang inilabas nitong Oktubre 4, ipinagpapaliwag ng Korte Suprema si Lorraine Badoy, dating tagapagsalita ng NTF-Elcac, kung bakit hindi siya dapat patawan ng “contempt of court” kaugnay sa kanyang pambabanta sa buhay ng isang husgado.

Ang utos ay karugtong sa babala ng korte na parurusahan nito ang sinumang magbanta sa isang husgado dahil lamang ginagawa nito ang kanyang trabaho. Partikular kay Badoy, inuutusan siya ng korte na ipaliwanag ang kanyang post sa Facebook kung saan kunwa’y nagtatanong siya kung papatayin niya ang mga “kaibigan ng CPP NPA NDF,” pwede bang maging “mabait” din (ang korte) sa kanya.

Ang pagbabanta ni Badoy ay nakatuon kay Judge Marlo Magdoza-Malagay, na kanyang ininsulto at binastos matapos ilabas ang desisyon ng nagbasura sa kaso ng Department of Justice para ideklarang “terorista” ang PKP at BHB.

Hindi lamang si Magdoza-Malagar ang tinawag niyang “kaibigan” ng mga komunista (at sa gayon ay dapat lamang patayin). Inakusahan din niyang “kadre” ng Partido ang asawa nito na si Leo Malagar, ang chancellor ng University of the Philippines-Cebu. Inakusahan din ni Badoy sina Edre Olalia, Maria Sol Taule at Rachel Pastores, mga abugadong matagal at paulit-ulit na niyang niredtag, na diumano’y sangkot sa pagsusulat ng desisyon ni Magdoza-Malagar.

Nais ng korte na ipaliwanag ni Badoy kung ang post niya sa Facebook (na binura niya paglaon) ay nagtulak sa iba pa na pagbantaan din si Malagar. Nais din alamin ng mga husgado kung ang mga post niya ay naghihikayat ng karahasan laban sa isang husgado, o malamang na magluluwal nito. Nais ipasagot ng korte sa kanya, kung ang kanyang mga pahayag na animo’y nananawagan ng dahas laban sa isang hukom, ay bahagi pa ng kanyang protektadong karapatan sa pagpapahayag.

Bago nito, nananawagan ang 600 abugado sa Korte Suprema na aksyunan nito ang mga pag-atake sa independensya ng hudikatura — sa mga hukom at abugado nito. Nagsampa rin ang Movement Against Disimformation ng hiwalay na petisyon para patawan ng “indirect contempt” si Badoy.

Ikinagalak ng National Union of People’s Lawyers ang hakbang ng Korte Suprema.

“Nagpapasalamat kami na sinundan ng Mataas na Korte ang motu propio warning nito sa isang Lorraine Badoy at sa pagbibigay sa kanya ng isang hakbang na isinasapraktika at pinahahalagahan namin pero hindi niya (Badoy) ibinigay sa amin, ang karampatang proseso,” sagot ng NUPL sa desisyon ng korte noong Oktubre 4.

Aabangan nila na maisasalang ang usapin ng red-tagging hindi lamang kay Judge Malagar, kundi pati sa mga abugado, ayon sa grupo.

AB: Badoy, inobliga ng Korte Suprema na ipaliwanag ang ginawang pambabanta