Badyet para sa #LigtasNaBalikEskwela, binalewala sa Bayanihan 3
Balita nitong nakaraang linggo ang paggigiit ng mga kabataan at guro para sa ligtas na pagbubukas ng mga paaralan. Kabilang sa mga pagsisikap ng mga progresibong grupo ang pagsusulong ng karagdagang badyet sa edukasyon para matiyak ang pagpapatupad nito. Ngunit sa ikalawang pagbasa pa lamang ng Bayanihan 3 o Bayanihan To Arise As One Act, na magbibigay ng kakarampot na ayuda sa mga Pilipino, nagtetengang kawali na ang mga kongresista sa hinaing na #LigtasBalikEskwela.
Hindi ipinasok ang mga amyenda ng Kabataan Partylist tulad ng pagbibigay ng P1,500 ayuda sa bawat estudyante, P1,500 na ayuda para sa mga instruktor sa kolehiyo, moratoryum sa pagtataas ng matrikula at ibang bayarin at ang pagtatanggal sa interes ng mga student loan.
Tinatayang nasa kabuuang P10 bilyong piso lamang ang kinakailangang badyet para matugunan ito. Imbes na isingit ang mga prubisyong ito, ipinasok ng Kongreso ang P54.6 bilyon badyet para sa pensyon ng mga pulis at militar.
Ang pagbabalewala ng Kongreso ay kasunod ng walang batayang pahayag ng Chairperson ng Commission on Higher Education (CHED) na si Popoy de Vera na ang “flexible learnig ang magiging bagong normal.” Ayon kay de Vera, magpapatuloy ang kalakaran ito hanggang sa susunod na taon.
Umani ng malawak na pagbatikos si de Vera mula sa mga estudyante. Sa mismong araw ng kanyang pahayag, nagtrending sa Twitter ang #LigtasNaBalikEskwela at #NoStudentLeftBehind.
Ayon sa National Union of Students of the Philippines (NUSP), “maraming ikokompromiso ang pagpapatagal ng ganitong kalakaran. Patitindihin nito ang epekto sa mga estudyante sa usaping pinansyal, mental at emosyonal, at masasangkalan ang kalidad ng edukasyon na dapat ay natatamasa ng lahat.”
Sa isang pag-aaral ng Philippine Statistics Authority, tumaas nang 26% ang bilang ng mga nagpatiwakal sa panahon ng pandemya. Mahigit 20 na ang naitalang mga kabataan at estudyante na hindi makaagapay sa flexible learning.
Giit ng NUSP na ang face-to-face classes o ligtas na pagbabalik eskwela ang natatanging paraan upang gawing inclusive (o makapagbibigay ng pantay na oportunidad laluna sa marginalized o naghihirap) at abot-kaya ang edukasyon.
Matagal nang ipinapanawagan ng NUSP at ibang grupo ng mga kabataan ang #LigtasNaBalikEskwela. Naglabas ang mga ito ng mga hinaing ng mga estudyante mula sa mga pamantasan na pinapirmahan online. Nagsumite rin ang mga estudyante ng mga petisyon sa mga ahensya ng gubyerno at naglunsad ng mga protesta para igiit ang mga ito. Hanggang ngayon, wala pa rin sa hinagap ng CHED at ng rehimeng Duterte ang ligtas na muling pagbubukas ng mga paaralan.