Balita

#Balitaan: Maanomalyang paggamit sa ₱67-bilyong pondo ng DOH, pinaiimbestigahan

Pinaiimbestigahan ng mga kinatawan ng blokeng Makabayan ang maanomalyang paggamit ng Department of Health (DOH) ng nasa ₱67.32-bilyong pondong inilaan sa ahensya noong 2020 para labanan ang pandemyang Covid-19. Ito ay matapos na malantad sa taunang ulat ng Commission on Audit (COA) ang bigong paglalabas sa ahensya at paggamit nito ng bilyun-bilyon pisong pondo; mga iregularidad at kabagalan sa sistema ng pagbili ng mga suplay at kagamitan; at kawalan ng dokumentasyon at pagtutuos kung papaanong ginagasta ng ahensya ang pondong natatanggap nito.

“Napakalaking pondo nito na kung nagamit nang maayos ay para ito sa kapakinabangan ng mamamayan, at nakapagligtas sana ng maraming buhay,” ani Bayan Muna Rep. Carlos Zarate sa isang press briefing noong Agosto 12.

Ayon sa COA, umabot sa ₱11.89 bilyon ang pondong nakalaan para sa pagpapaunlad ng sistemang pangkalusugan ang hindi nailabas noong 2020 dulot ng kawalan ng koordinasyon at maayos na pagpaplano. Nakalaan ang pondo para sa pagbili ng kailangang-kailangan mga kagamitan at serbisyong medikal. Malaking bahagi ng pondong ito ay nagmula sa Bayanihan 2. Sa kabuuan, umabot sa 29.43% ng kabuuang ₱200.9-bilyong pondo ng DOH at mga ahensyang nasa ilalim nito ang hindi nagamit noong 2020.

“Poot na poot ang taumbayan,” sambit ni Marco Valbuena, pinunong upisyal pang-impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). “Habang pinagsasakripisyo sila sa mga lockdown, labis-labis na pagpapabaya at lubos na pagwawalambahala sa pampublikong kalusugan at kagalingan naman ang ipinakita ng DOH.”

Nabigo ang ahensya na matanggap ang pondo dahil umano sa kawalan ng koordinasyon at regular at pana-panahong mga pagtatasa kaugnay sa paggamit ng pondo para sa Covid-19.

Kinwestyon din ng COA ang kabagalan sa proseso ng procurement o pagbili ng ahensya dulot ng kawalan ng maayos na pagpaplano, pagtitiyak at pagmonitor sa mga aktibidad nito. Kabilang sa mga pinansin nito ang bigong pagtupad ng DOH sa mga proyektong pinopondohan ng ayuda mula sa ibang bansa na nagkakahalaga ng kabuuang ₱3.42 bilyon.

Pinakamalaki rito ang ₱2-bilyong Healthy and Active Lungs (HEAL) programa ng USAID na para sa pagbili ng mga kagamitang medikal gaya ng mga ventilator, x-ray machine, at kumpensasyon para sa mga manggagawang pangkalusugan. Napag-alaman na wala pa sa kalahati ng pondo para rito (₱479 milyon) ang ginagamit ng DOH gayong kulang na kulang ang mga kagamitang medikal sa bansa laluna sa mga pampublikong ospital.

Pinansin ng COA ang mga iregularidad sa sistema ng ng procurement ng DOH at kawalan ng dokumentasyon sa mga kontrata nito. Sa kabuuan, umabot sa ₱5 bilyon ang ginastos ng ahensya nang hindi sumusunod sa proseso ng procurement na nagbubukas sa posibilidad ng overpricing o sobrang presyo ng mga binibiling kagamitan gamit ang pera ng taumbayan.

Maliban dito, kinwestyon din ng COA ang pagpasa ng DOH ng ₱42.41 bilyong pondo nito sa iba pang mga ahensya nang walang malinaw na kontrata at dokumentasyon, gayundin ang kabagalan sa pagbili ng mga suplay at kagamitang medikal na nagresulta sa “mga kabagalan sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan” na nakabenepisyo sana kapwa sa mga manggagawang pangkalusaugan at publiko sa gitna ng kritikal na panahon ng pandemya

Tinukoy sa ulat na umabot sa ₱539.29 milyon ang ginastos nito para sa kumpensasyon ng mga manggagawang pangkalusugan nang walang dokumentasyon. Dagdag pa rito ang maanomalyang paggastos ng ₱275.9 milyon para umano sa mga “meal allowance” ng mga manggagawang pangkalusugan, at ng ₱11.66 milyon para sa death and sickness pay na wala ring malinaw na dokumentasyon. Wala ring maayos na pagtutuos sa mahigit ₱1.4 bilyong donasyon na natanggap nito sa parehong taon.

Kinwestyon ng COA ang mahigit ₱95.15 milyong halaga ng gamot at iba pang kagamitang medikal na nag-expire o paso na o di kaya’y malapit nang mapaso sa imbentaryo nito. Nagpahayag ito ng pagkabahala dahil anito’y “hindi maitatanggi na maraming Pilipino ang nangangailangan ng gamot at medisina, laluna sa kanayunan, ngunit hinayaan lamang ng DOH na ma-expire sa imbentaryo nito, sa gayon ay walang patumanggang nagsasayang ng pondo/rekurso ng gubyerno.”

Pinagpapaliwanag ngayon si Duque ng COA kaugnay sa mga iregularidad na ito, habang patuloy na lumalakas ang panawagan para paalisin siya sa pwesto.

Sa kaugnay na balita, naghain ng resolusyon si Marikina Rep. Stella Luz Quimbo noong Biyernes para imbestigahan ang kawalan ng alawans at iba pang benepisyo sa libu-libong manggagawang pangkalusugan, kabilang na ang mga nagkasakit ng Covid-19 at namatay dulot nito. Kabilang dito ang pondo para sa special risk allowance, life insurance, akomodasyon, alawans sa pagkain at transportasyon ng mga manggagawang pangkalusugan na nakasaad sa Bayanihan 2. Ayon sa Alliance of Health Workers, ang special risk allowance ay nagkakahalaga ng ₱38,000 kada manggagawa. Sa taya nito, aabot ₱342 milyon ang pondong hindi inilabas ng ahensya.

AB: #Balitaan: Maanomalyang paggamit sa ₱67-bilyong pondo ng DOH, pinaiimbestigahan